SA kabila ng pagrerekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ng kaso sa Ombudsman, mahigpit na itinanggi ng ilang akusadong mambabatas ang alegasyon na sangkot sila sa maanomalyang flood control projects ng gobyerno bilang mga contractor.
Sa isang press briefing, base sa ulat ng The Manila Times, inihayag ni ICI Chairman Andres Reyes na inirekomenda ng ICI kasama ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang pitong kasalukuyang mambabatas at ang nagbitiw nilang kasamahan na si Elizaldy “Zaldy” Co.
Bukod kay Co, kasama sa sasampahan ng kasong plunder, graft at bribery sina Representatives Edwin Gardiola (CWS Party-list), James Ang Jr. (Uswag Ilonggo Party-list), Jernie Jett Nisay (Pusong Pinoy), Augustina Pancho (Bulacan 2nd District), Joseph Lara (Cagayan 3rd District), Francisco Matugas (Surigao del Norte 1st District) at Noel Rivera (Tarlac 3rd District).
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, may kinalaman ang mga kasong inirekomenda sa paglabag sa Republic Act 7080, o ang batas sa pandarambong, at Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Bukod rito, inirekomenda rin ng ICI at DPWH na masampahan ng kasong bribery at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, sa Government Procurement and Reform Act, at sa Article 6, Section 14 ng 1987 Constitution, kung saan ipinagbabawal ang mga kasapi ng Kongreso na magkaroon ng pinansyal na interes, direkta man o hindi, sa anumang kontrata ng pamahalaan, prangkisa o special privilege sa panahon ng kanilang panunungkulan.
Ayon kay ICI Chairman Andres Reyes lumalabas na may conflict of interest sina Co at ang pitong mambabatas nang tumanggap ang mga construction company na pag-aari nila, ng kanilang partner o ng kasapi ng kanilang pamilya, mula sa pamahalaan.
Tinawag ang mga congressman ni Reyes na mga “contractor.”
Mabilis namang kumalat sa social media ang terminong “congtractor” na pinagsamang mga salitang “congressman” at “contractor.”
Mga kompanya
Ayon kay Reyes, may kaugnayan si Co sa FS Co Builders’ Supply. Nauugnay naman si Gardiola sa Newington Builders, Lourel Development Corp., at S-Ang General Construction and Trading.
Sa International Builders Corp. at Allencon Development Corp. nauugnay si Ang at si Nisay sa JVN Construction and Trading.
Nauugnay si Pancho sa CM Pancho Construction at si Lara sa JLL Pulsar Construction.
May kaugnayan umano si Matugas sa Boometrix Development, at si Rivera sa Tarlac 3-G Construction and Development.
Dagdag pa ni Reyes, nagkaroon ng 1,300 proyektong imprastraktura ang mga kontratistang ito mula 2016 hanggang 2024.
“These congressmen should not be engaging in private business activities that conflict with their official duties. They should not influence bids and awards. Members of Congress must not sway procurement processes, nor should they participate in or benefit from government contracts,” ani Reyes.
Base sa mga tala at kontrata ang paghahain nila ng rekomendasyon na hindi pa nila maaaring ilantad ang detalye.
Pahayag ng mga kongresman
Kaugnay nito, nagbigay ng kani-kaniyang pahayag sina Ang, Lara at Gardiola.
Ayon kay Ang, tiwala siyang malilinis niya ang kanyang pangalan, at nanindigan din syang sa loob ng tatlong taon niyang pagiging mambabatas, hindi nya kailanman ginamit ang kanyang posisyon para sa kanyang sariling kapakinabangan.
“I hold the trust of the Ilonggos strongly, and will never betray the faith of my kasimanwas (compatriots) in me as their representative in Uswag Ilonggo Party-list since 2022,” sabi ni Ang.
Pahayag naman ni Lara, tinatanggap niya ang desisyon ng ICI na iendorso ang kaso sa Ombudsman kaugnay ng kanyang pagkakaugnay sa JLL Pulsar Construction.
Nilinaw niyang hindi ito tungkol sa anomalya ng flood control projects kundi dahil lamang sa kanyang dating pagkakaugnay sa kompanya.
“I would like to clarify and state that the endorsement of ICI to the Office of the Ombudsman is not about anomalies in flood control, ghost projects or substandard projects of DPWH, but rather only about my past association with JLL Pulsar Construction,” aniya.
Dagdag pa niya, wala na syang koneksyon sa JLL Pulsar Construction magmula pa nang manungkulan siya.
Samantala, nagpahayag din ng pagtanggi si Gardiola sa kanyang Facebook post.
“I was disheartened to hear my name mentioned on alleged irregularities in flood control projects. To be implicated in such matters is painful, not only for myself, but also for the people I have pledged to serve with integrity.
“I categorically deny any involvement in the acts being alleged. These claims are untrue,” ayon sa kanyang pahayag.
Samantala, wala pang pahayag o reaksyon ang iba pang mambabatas na idinidiin ng ICI.
Ombudsman, handa sa fact-finding
Nagpahayag si Ombudsman Jesus Crispin Remulla ng kahandaan sa pagsasagawa ng imbestigasyon base sa rekomendasyon ng ICI at DPWH.
“We’re ready to do the fact-finding, and I’d like to say that we have started on some of these things already… So this is a big help because with the amount of cases that we need to study, it is a big help to us that the ICI already vetted the information that we need to bring to the [preliminary investigation] process.”
Sa naunang pahayag ni Ombudsman Remulla, sinabi niyang magiging abala ang Tanggapan ng Ombudsman hanggang sa mga susunod pang mga taon dahil sa mga kasong may kaugnayan sa maanomalyang flood control projects.
Naunang inirekomenda ng ICI ang pagsasampa ng kaso sa ilang senador bukod kay Co.
Inirekomenda rin ng ICI sa Ombudsman na sampahan ng kasong pandarambong (plunder) at indirect bribery sina Senador Jinggoy Estrada, Senador Joel Villanueva, dating Ako Bicol Party-list Representative Co, at ilang mga dating opisyal ng gobyerno.
Sa naunang ulat ng The Manila Times, sinabi rito na sa isang briefing sa Office of the Ombudsman, sinabi ni Reyes na maaaring managot dahil sa paglabag sa mga Artikulo 210-212 ng Revised Penal Code kaugnay ng panunuhol at korapsyon ng mga opisyal ng pamahalaan, Seksyon 3(b) at 3(c) ng Republic Act (RA) 3019, o ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Seksyon 2 ng RA 7080, o ng Plunder Law sina Estrada, Villanueva, Co, dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Roberto Bernardo, Commission on Audit Commissioner Mario Lipana at dating Caloocan representative Mary Mitzi Cajayon-Uy.
Ito ang kauna-unahang rekomendasyon ng ICI simula nang simulan nito ang imbestigasyon nitong nakaraang Setyembre 1.
Itinanggi nina Estrada at Villanueva ang mga paratang na tumanggap sila ng ‘kickback’ sa mga flood control projects.

