MAS ligtas, mas episyente, standard ang disenyo, at isang makabagong pantalan na ngayon ang Banago Port sa Bacolod.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang inspeksyon at paglulunsad ng modernized facilities ng pantalan.
“This is now going to be the standard design for our terminals, for our ports around the country. And the reason it’s important to have a standard design so that ang tao, ang pasahero, kahit saan sumasakay, saan bumababa, alam nila kung saan bibili ng ticket, saan maghihintay, saan papasok, saan sila dadaan,” sabi ng Pangulo.

Itinampok ng Pangulo ang modernized Port Operations Building, mas malapad na causeway, expanded cargo area, at covered walkway na nagbibigay-ginhawa sa mga pasahero.
“Kaya malaking bagay at saka nakita naman ninyo, iba na talaga pagka maayos at maaliwalas to make the traveling experience para sa ating mga kababayan a little more pleasant,” ayon sa Pangulo.

Mula 50 ay kaya nang magsilbi sa hanggang 500 pasahero araw-araw ang bagong pasilidad at inaasahang magpapalakas sa turismo, kalakalan, at konektividad sa rehiyon, lalo na sa RoRo traffic at pagbiyahe ng pangunahing produkto tulad ng asukal, bigas, at mais.
Sa isang panayam, sinabi ni PPA General Manager Santiago na ang personal na pagbisita at pagtatasa ni Pangulong Marcos ay muling pinagtibay ang kanyang matatag na pangako sa pagtiyak sa kapakanan ng mga manlalakbay at mga manggagawa sa daungan hindi lamang sa Bacolod City kundi sa buong Negros Island Region.

“Makikita din niya ito ang resulta ng kanyang vision, ito ang resulta ng kanyang mandato na o maghandog ng mas moderno, mas kumportable, at mas ligtas na mga kagamitan para sa transportasyon para sa ating mga kababayan,” sabi ni Santiago.

Sinabi ni Santiago na ang iba pang pasilidad ng daungan sa Rehiyon ng Isla ng Negros ay pagbutihin upang mabigyan ng mas magandang serbisyo at pasilidad ang mga manlalakbay at manggagawa sa pantalan.



