TARGET ng pamahalaan na makipagtulungan sa United Nations Convention Against Corruption (Uncac) upang matunton at maibalik sa bansa ang puganteng dating mambabatas na si Zaldy Co, ayon sa Malacañang nitong Lunes.
Pinagtibay ng Senado noong 2006 at nilagdaan ng 192 bansa, ang Uncac ay isang kasunduan na nagbibigay ng balangkas para sa internasyonal na kooperasyon laban sa korapsyon. Ang paggamit nito upang matukoy ang lokasyon ni Co ay unang iminungkahi ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson.
Para masimulan ito, ang Presidential Inter-Agency Committee, na pinamumunuan ng executive secretary, ay kailangan munang tipunin habang ito ay “nagpapatupad at nagmomonitor sa Uncac.”
Sinabi ni Castro na kinonsulta na ang Department of Foreign Affairs, Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government tungkol sa panukalang inihain ni Lacson.
“According to Foreign Affairs Secretary Lazaro, ‘Yes, we can explore Uncac as it has international cooperation mechanisms, but it will have to depend on the country. Countries are obliged to provide, as applicable and in accord with domestic law, possible mutual legal assistance to each other,’” paliwanag ni Castro sa isang press briefing.
Ayon kay Castro, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na “the matter has been referred to the commission for transnational crimes,” at idinagdag pa na “certain that the option mentioned by Senator Ping is part of the agenda.”
Si Co, isa sa mga pangunahing personalidad na sangkot sa malawakang korapsyon na may kaugnayan sa mga proyekto sa pagkontrol ng baha, ay idineklarang pugante ng Fifth Division ng Sandiganbayan, na nag-utos din sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang kanyang pasaporte ng Pilipinas.
Ang dating kinatawan ng Ako Bicol Party-list ay naiulat na nagtatago sa Portugal kung saan walang kasunduan sa ekstradisyon ang Pilipinas. Halaw sa ulat ng The Manila Times

