NAPAKAHALAGA ng papel na ginagampanan ng curriculum review upang matiyak na ang kurikulum ay tunay na tumutugon sa mga pangangailangang reporma sa sistema ng edukasyon at sa pagsusulong ng programang pangkaunlaran sa bansa. Sa pamamagitan ng curriculum review ay higit na naihahanda ang mga mag-aaral sa hinaharap sa porma ng mas umaangkop na kaalaman, kasanayan at karanasan. Ang mga sumusunod ay ilang paalala at rekomendasyon sa pagsasagawa ng curriculum review ng mga kurso at programa sa higher education.
- Tukuyin ang unique value proposition (UVP) ng kurso. Alamin kung ano ang natatangi sa kurso kumpara sa ibang programa ng ibang kampus o pamantasan sa loob at labas ng bansa.
- Tiyaking malinaw sa lahat ng panig ang layunin ng pagsasagawa ng curriculum review sa pamamagitan ng onboarding, oryentasyon at paghahanda ng mga kakailanganing dokumento at materyales.
- Unawain ang iba’t ibang pilosopiya sa pagtuturo (teaching and educational philosophy) at tukuyin kung ano sa partikular ang gumagabay sa iyo/inyo. Halawin at gamitin ang naaangkop sa kultura, konteksto, kapaligiran, karanasan at kahandaan ng mga guro at mag-aaral.
- Suriin ang mga asignaturang bumubuo sa kurso. Alamin kung tumutugon ang mga ito sa program learning objectives (PLO) at kung nananatiling makabuluhan sa larangan at lipunan.
- Imapa ang mga asignatura alinsunod sa mga tinutugunang program at course learning objective (PLO at CLO). Sa pagmamapang ito nakikita ang tambalan ng mga asignatura at learning objective, at ng mga asignatura sa isa’t isa.
- Tukuyin ang mga nagtatambal at nagtatalabang datos, pagsusuri at interpretasyon na mahahalaw mula sa mga dati at kasalukuyang quality assurance, accreditation, stakeholder analysis, audit at curriculum review.
- Suriin din kung ang mga pedagohiya at estratehiya sa pagtuturo ay naaangkop sa katangian at pangangailangan ng mga mag-aaral, larangan at komunidad.
- Suriin kung ang ginagamit na panukat (o metrics) ng natutunan ng mga mag-aaral ay naangkop sa at nakakapagpalawig ng kanilang kaalaman at kasanayan sa larangan.
- Balikan ang pagkakasunod-sunod ng mga asignatura at alamin kung ito ay lohikal, debelopmental at nagtutugma.
- Tiyakin na ang kabuoan at daloy ng kurikulum ay higit na nakapagpapalalim ng kaalaman at nakakapaghasa ng kasanayan at bukod dito ay napag-aambag din sa tuloy-tuloy na holistikong pag-unlad ng mag-aaral, larangan at lipunan.
- Imapa ang mga asignatura batay sa mga sumusunod na kategorya: general education (GE), foundation courses, tool courses, core courses, elective courses, cognates, legislated courses at iba. Kasama ring imapa ang mga track kung mayroon man. Sa Political Science, halimbawa, ay maaaring magkaroon ng tracks kagaya ng political theory, political dynamics, comparative politics, public administration, international relations, research methodology, political economy, health politics at iba pa.
- Tiyaking may integrasyon ng etikal na prinsipyo at aplikasyong naaayon sa kurso (halimbawa: development ethics, public service ethics, journalism ethics, environmental ethics, feminist ethics, information ethics, communication ethics, media ethics, AI ethics, business ethics, research ethics at iba pa).
- Ipaloob ang mga napapanahong asignatura sa gitna ng nagpapatuloy na mga panlipunang hamon at nagbabagong ekolohiya ng teknolohiya kagaya ng communication for development (C4D), communication for social change, media and information literacy for development (MIL4D), philosophy of technology, political economy of technology, science and technology for the people at iba pa.
- Bumuo ng mga asignaturang may pleksibleng katangian upang maipaloob at saklawin ang mga napapanahong paksa at isyu nang hindi kinakailangan pang intayin ang susunod na curriculum revision (halimbawa: Special Problem at Seminar courses). Pinapalalim din ng mga asignaturang ito ang eksplorasyon at diskurso sa tema at paksa.
- Balansehin ang teoretikal at praktikal na dimensyon ng pag-aaral at pagsasanay.
- Tiyaking maikonsidera tuwina ang kapakanan at kagalingan ng mga mag-aaral sa pagsusuri, pagpaplano at pagbalangkas ng bagong kurikulum. Mahalagang maging holistiko ang kanilang pag-unlad bilang iskolar at mamamayan.
- Saklawin din sa sinusuri at nirerepasong kurikulum ang mga ginagamit na instructional material kagaya ng mga babasahin, panoorin at iba pang suplementaryong materyales batay sa mga sumusunod na konsiderasyon: kaangkupan, kabuluhan, napapanahon, kritikalidad, saklaw at lalim.
- Suriin ang ugnayan ng academic philosophy, academic profile, subject offerings, instructional delivery, instructional materials at learning assessment bilang kritikal na mga salik sa pagpapaunlad ng kurikulum.
- Maging sensitibo rin sa umiiral na overt (explicit) at covert (hidden) curriculum, at ang ugnayan ng dalawa. Unawain din ang kurikulum bilang isang ideological apparatus.
- Pag-aralan ang kaangkupan ng online learning, blended learning, asynchronous modality at flipped classroom sa konteksto at kondisyon ng mga mag-aaral, komunidad at lipunan.
- Linangin din ang people’s skills ng mga mag-aaral upang sila ay masanay sa pakikipagkapwa, pag-angkop, pakikibahagi, pakikiisa at pamumuno.
- Gumamit ng mga mekanismo o paraan upang masubaybayan kung natutugunan ba ng kurso at kurikulum ang ibinalangkas na layunin. Sa parametrong ito, mahalagang bahagi ang monitoring at ebalwasyon sa proseso ng curriculum review.
- Gamitin ang parehong kuwantitatibo (stats, numbers) at kuwalitatibong paraan (stories, narratives) upang mas maging mayaman ang pagbabatayang danas at datos.
- Tiyaking mapanlahok ang isasagawang curriculum review sa pamamagitan ng pagsangguni sa mga mag-aaral, kaguruan, alumni, industriya, propesyonal na organisasyon, pang-masang organisasyon at komunidad.
- Itanong, pagnilayan at tugunan kung ano ang tunay na pangangailangan ng mga mag-aaral, larangan, institusyon, employer, komunidad at malawak na lipunan.
- Tiyaking tumutugon ang kurikulum sa mga panawagang isulong ang panlipunang kamalayan, katarungang panlipunan at karapatang pantao, lalo na para sa mga napagkaitan.
- Ibalangkas ang kurikulum na isinasaalang-alang ang PESTELE o ang mga nagtatambalan at nagtatalabang politikal, ekonomiko, sosyal, teknolohikal, ekolohikal, legal at etikal na konsiderasyon.
- Unawain din ang mga umiiral at nagbabagong pampatakaran, pang-administratibo at panglohistikal na konsiderasyon sa proseso ng pagbuo ng bagong kurikulum.
- Tukuyin ang dugtungan ng misyon at bisyon ng pamantasan, dalubhasaan, departamento, programa, kurso, kurikulum at asignatura.
- Ikonteksto din ang pagsusuri sa kurikulum sa kolehiyo at ang layuning paunlarin ito nang may malalim na paggagap at pag-unawa sa mga umiiral na kurikulum sa basic education at graduate education.
- Magsagawa rin ng benchmarking sa kaparehong programa ng ibang pamantasan sa loob at labas ng bansa upang kapwa matuto sa isa’t isa.
- Huwag maging mapagmalaki o mapagmataas sa proseso ng curriculum review. Ang pagsasagawa nito ay kinakapalooban ng pagiging bukas at mapagkumbaba.
- Gawing sektoral ang konsultasyon at maaaring magsagawa rin ng panglahatang konsultasyon upang magkaroon ng pagbabahagi at dayalogo ang mga sektor sa isa’t isa.
- Isagawa ang curriculum review nang regular. Maaaring kada apat o limang taon upang makita nang ganap ang epekto at implikasyon ng kurikulum sa isang buong batch at iba pang mga stakeholder.
- Gawing masinop ang pagtitipon ng datos at pagtatala ng danas upang magsilbing batayan ng pagsusuma at pagsusuri ng kurikulum.
- Itala ang mga naging pagbabago sa kurikulum sa pagdaan ng panahon at isama ito bilang bahagi ng isusulat na curriculum history ng kurso o programa. Magsisilbi rin itong gabay para sa isasagawang curriculum review sa hinaharap.
- Maglaan nang takdang panahon at sapat na oras upang maisagawa ang mga ilalatag na gawain para sa curriculum review.
- Isaisip ang dalawang prinsipyong ito: “walk the talk” (application) at “talk the walk” (communication). Alinsunod dito, mahalagang maisapraktika ang prinsipyong gumagabay sa curriculum review at kapwa importante ring maipahayag at maisapubliko ang mga isinagawang reporma.
- Ikonsidera ang curriculum review bilang isang tuloy-tuloy na proseso na may baha-bahaging pagpaplano at pagpapatupad na hahantong sa isang full-blown curriculum review. Samakatuwid, ang curriculum review ay hindi dapat tinatanaw bilang isang one-time, big-time (o one-off) event lamang.
- Unawain ang epekto ng kurikulum mula sa klasrum hanggang komunidad, kapaligiran at kalikasan gamit ang sosyo-ekolohikal na pananaw.
Bilang pagbubuo(d), tiyaking ang isinasagawang curriculum review ay tagus-tagusang nakapag-aambag sa personal development, professional development, organizational development, community development at societal development. Kaugnay nito, mahalagang ang anumang pagsusuri, pagsusuma at pagsasaayos ay nakabatay sa demokratiko proseso ng pagsangguni sa lahat ng sektor at sistematikong pagsisiyasat sa pagtuturo bilang isang panlipunang praksis.
Para sa inyong mga reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

