PERSONAL na sinubaybayan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes ang progreso ng rehabilitasyon ng Piggatan Bridge, na nagpapakita ng pagtutok ng pamahalaan para manumbalik ang mahalagang daanan sa Maharlika Highway sa Barangay Piggatan, Alcala, Cagayan.

Isinagawa ni Pangulong Marcos ang inspeksiyon kasama sina Cagayan Governor Edgar Aglipay, Alcala Mayor Christina Ignacio-Antonio, Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, at DPWH Region II Assistant Regional Director Ronalyn Ubiña.
Ipinabatid nila sa Pangulo ang kalagayan ng proyekto ng Piggatan Bridge, kabilang ang matagumpay na pagkumpleto at pagbubukas ng pansamantalang detour steel bridge noong nakaraang buwan.
Ipinakita rin nila sa Punong Ehekutibo ang mga plano para sa konstruksyon ng permanenteng tulay na papalit sa lumang Piggatan Bridge at magbibigay ng pangmatagalang, climate-resilient na solusyon upang tugunan ang tumataas na pangangailangan sa trapiko sa pambansang highway.
Inutusan ng Pangulo ang DPWH na tiyaking tama ang disenyo at maayos ang paggawa ng tulay na ipapalit sa gumuhong Piggatan Bridge.
Sinabi rin ng Pangulo na ang bagong tulay ay dapat ligtas, matibay, at sumusunod sa tamang engineering standards.
Itinayo noong 1980 at dinisenyo upang makayang magdala ng hanggang 18 tonelada ang Piggatan Bridge, pero bumagsak ang 74.4-metrong tulay noong Oktubre 6, 2025 dahil sa matinding overloading nang dumaan ang apat na mabibigat na trak na may tinatayang kabuuang bigat na higit 130 tonelada. Anim na indibidwal ang nasugatan sa pagbagsak.
Sa utos ng Pangulo na pabilisin ang konstruksyon, opisyal na binuksan sa trapiko ang pansamantalang detour bridge noong Disyembre 19, 2025, upang matiyak ang tuloy-tuloy na paggalaw ng tao, produkto, at serbisyo habang isinasagawa ang paghahanda para sa permanenteng tulay.
“Kaya’t minadali natin na maglagay nitong tinatawag naming temporary (bridge). Pero, pagka nagawa natin, hindi na natin aalisin ‘yan para may extra lane,” ani Pangulong Marcos.
Sinabi ng Pangulo na ang pansamantalang tulay ay itinayo sa loob ng 60 araw sa lupang donasyon ng mga residente ng Piggatan.
Binanggit rin ni Pangulong Marcos ang mahusay na paggamit ng mga dating nakaimbak na materyales para sa konstruksyon, kung saan ang mga materyales na tinago ng DPWH nang ilang taon dahil sa mga nakansela na proyekto ay nagagamit na.
“’Yung mga ginamit na mga materyales dito, naka-storage sa DPWH ng mga halos 15 taon dahil ito ay mula sa mga proyektong hindi natuloy, naiwan na lang doon at hindi nagagamit sa mahabang panahon. Pero mabuti na nagamit na natin,” dagdag ng Pangulo.
Ang pagbisita ni Pangulong Marcos ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagpapabilis ng pagpapatupad ng permanenteng tulay upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, mapalakas ang konektibidad ng rehiyon, at masuportahan ang aktibidad pang-ekonomiya sa Hilagang Luzon. | PND



