(Una sa 3 serve)
PAANO nga ba lumikha ng storybook para sa mga mag-aaral na nasa kindergarten pa lang? Kay babata pa nila at noon pa lang nagsisimulang matutong magsulat at magbasa. Pero ayon sa mga education experts, mahalagang mai-expose na ang mga bata, kahit nasa nursery o kindergarten pa lang, sa mga aklat. Bakit ang cellphone at tablet ay kaya na agad i-navigate ng batang nasa nursery o kindergarten pa lang?

Naanyayahan ako na maging tagapagsalita (resource speaker) sa isang training workshop tungkol sa storybook writing para sa mga batang nasa Kindergarten. Isinagawa ito ng UP NISMED sa UP Diliman. Ito agad ang sumalubong sa akin na unang speaking engagement sa pasimula ng taon.

Nakatanggap ako ng paanyaya mula sa UP NISMED na maging resource speaker sa isang workshop sa storybook writing para sa mga batang nasa Kindergarten. Dinaluhan ng maraming participants ang naturang pagsasanay sa University of the Philippines Diliman, sa pakikipagtulungan ng UNICEF at ng Foundation for the Promotion of Science and Mathematics Education and Research, Inc. ng University of the Philippines National Institute for Science and Mathematics Education Development (UP NISMED).

Ang layunin ng naturang lecture-workshop ay makalikha ng 32 storybooks na magsisilbing opisyal na learning materials para sa Kindergarten learners sa public schools, na naaayon sa aprubadong Learning Exemplars ng Department of Education (DepEd). Dumalo sa workshop ang iba’t ibang gurong manunulat, ilustrador, at education specialists. May mga gurong nanggaling pa sa Cotabato, Bukidnon, at iba pang lalawigan. Lahat ay interesadong matuto. Marami sa napiling participants ay unang beses pa lamang makapaglalathala ng aklat, sakaling matuloy. Nandoon din ang ilang ilustrador ng mga kuwentong pambata na pawang bihasa sa visual storytelling, at mga developer ng learning materials. Kakambal ng idinaos na writing workshop ang isang illustrating workshop (na pinamunuan naman ni Annie Pacana, associate professor sa UP Diliman at miyembro ng grupong Ang Ilustrador ng Kabataan).

Pinangunahan ni Dr. Excelsa Tongson, propesor sa Department of Family Life and Child Development (FLCD) ng College of Home Economics sa UP Diliman, ang naturang pagsasanay. Siya ang tumatayong project leader nito at katuwang niya ang ilang guro mula sa College of Education. Ayon sa kanya, matapos ang workshop ay patuloy pa rin ang kanilang gagawing koordinasyon kahit via zoom (online means) hanggang sa mapakinis nila ang kuwento.

Ibinahagi ko sa naturang workshop ang mga katagang binanggit ni Jill Paton Walsh, isang sikat na awtor ng aklat pambata: ‘Only the very best books are good enough for children.’ Kay gandang paalala sa ating lahat! Kung kaya’t marapat na talagang pagtuunan ng pansin ang maliliit na detalye sa sining ng pagkukuwento. Ang maaari lang nating ialay sa mga bata’t kabataan ay ang pinakamahuhusay na kuwentong isusulat. Walang lugar ang ‘mediocrity.’ De-kalidad lamang na kuwento ang puwede nating ihain sa mga bata, kahit sila’y nasa kindergarten pa lang!
Napag-usapan din namin kung paanong magiging engaging, age-appropriate, at culturally responsive ang mga kuwentong ilalathala. Mahalaga ring naipaunawa sa kanila ang usapin ng gender sensitivity at inclusivity sa mga gagawing kuwento para sa mga kindergarten learners. Ang workshop ay hindi nakatuon sa isang asignatura lamang. Bagkus, tinututukan ang holistic approach sa buong Kindergarten curriculum. Ibig sabihin, ang mga kuwento ay puwedeng sumaklaw sa language and literacy, numeracy, health, values formation, at social skills
Tandaan na ng layunin ng naturang workshop ay makalikha ng mga storybooks na natural ang daloy, hindi mga aklat na direktang nagtuturo ng isang lesson. Halimbawa, sa asignaturang matematika, puwede nating isalaysay ang konsepto ng pagbilang (o counting) sa pamamagitan ng tauhang naghahanap ng nawawalang butones o ng gumulong na holen. Hindi ang mismong paghihilera ng butones o holen at pagkatapos ay bibilangin na lamang. O kaya ay ang simpleng konsepto ng paghahati sa meryendang tinapay sa magkakaibigan. Ito’y natututuhan ng bata nang hindi niya nararamdamang “lesson” ito. Kasi’y mas pinalulutang ang kuwento. Sabi nga, ang dapat sa pagsulat ng ganitong storybooks ay ‘story first’ at susunod lamang ang nais talakaying ‘concept.’
Sa ‘language,’ puwedeng gamiting approach ang repetition (pag-uulit-ulit) at sequencing (pagkakasunod-sunod): Halimbawa, “Maagang nagising si Ana… Pagkatapos ay nag-ayos siya ng pinaghigaan… Sa dakong huli, naghanda siyang pumasok sa paaralan.” Sa ganitong paraan, nalalaman ng bata kung ano ang ‘simula, gitna, at wakas’ ng kuwento habang lumalawak ang kanilang bokabularyo.
Sa ‘health at safety,’ puwedeng gumamit ng isang dramatic story: maaaring isang mikrobyo o virus ang ginawang tauhan, na “lalabanan” ng batang madalas maghugas ng kamay o malinis sa katawan. Sa ganitong paraan, naipapakita ang kahalagahan ng kalinisan at pangangalaga sa katawan sa paraang nakatutuwa at nakaaaliw, hindi nakatatakot.
Sa ‘values formation at social development naman,’ puwede ring maglarawan ng pagkakaibigan, pagtulong, at respeto. Halimbawa, may dalawang bata na nag-aaway sa isang laruan. Pero kalauna’y matutunan nilang magbahagi sa isa’t isa o di kaya’y maghintay ng kanyang turn sa paglalaro nito. Maaari ring ito ay simpleng kuwento ng isang batang nakaalalay sa kaibigang nalulungkot. Sa ganoong paraan ay nakapagtuturo tayo ng pakikipagkapwa-damdamin (o empathy) nang hindi ipinapako sa teksto.
Isa sa mga binigyang-diin ko sa workshop ay ang “story first” philosophy. Kuwento muna ang dapat isaalang-alang bago isiping maglagay ng kung ano-anong konseptong nais ituro. Mas madalas kasi na ang nais palutangin agad ng manunulat ay ang ‘lesson’ na gustong ituro gamit ang kuwento. Kung ganito kasi ang mangyayari, bakit pa tayo magtatangkang lumikha ng mga storybooks sa iba’t ibang asignatura? E di daanin na lang sa textbooks, worksheets, manual, at iba pang katulad na kagamitan.
(May karugtong)

