26.7 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Pagbubuo ng salita s/p pag-uulit

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

MAHILIG sa pag-uulit ang wikang Filipino. Maraming salita ang nabuo sa pamamagitan ng pag-uulit ng pantig o maging salitang ugat.

Natalakay na sa nakaraang isyu (Enero 7, 2026) na ang mga salitang ALAALA, BALUBALO, GUNAMGUNAM, GUNIGUNI, PARUPARO, TARATARA at TAWITAWI, ay mga salita na ang ugat ay inuulit. Kontra ito sa sinabi ni Lope K. Santos (LKS) walang salitang ugat na ALA, GUNI, GUNAM, PARO, at iba pa kaya, hindi raw dapat gitlingan ang mga ito, dahil wala namang nangyaring pag-uulit ng salita. Ang nabuong salitang inuulit ang buong salitang ugat, ayon pa kay LKS.

Kasama sa listahan ni LKS ang SARI-SARI at DILI-DILI. Ngunit hindi tulad ng ALA, GUNI, GUNAM, atbp., na laging inuulit at hindi ginagamit nang nag-iisa, ang SARI st DILI ay nagagamit nang may katambal na ibang salita. Hindi laging inuulit, kung gayon. Mga halimbawa: KASARIAN, SAMOT-SARI, SARI-BUHAY, atbp.), MAGHUNOS-DILI, SUMIPOT-DILI, atbp.

Sa tingin ko ay wala pang ganitong banggit o pag-aaal sa ating umiiral na mga aklat sa gramatika. Marami pang mga kuntil-butil sa ating wika na hindi pa gaanong nagagalugad ng mga mananaliksik.

Mayroon din tayong natalakay noon pa na maliit na grupo ng mga salita na laging pinapangunahan ng DI: DI MAHAPAYANG-GATANG, DI MAUBOS-ISIPIN, DI MAPAKALI, atbp. Ipinaliwanag ko noon na laging pinapangunahan ng DI ang mga salitang ito, halimbawa, ang DI MAPAKALI, dahil hindi ginagamit ang salita nang walang DI. Kapag hindi ka mapakali, balisang-balisa ka, hindi malaman ang gagawin sa tindi ng pag-aalala. Pero kapag nalutas na ang problema, at nawala na ang pag-aalala, hindi naman sinasabing NAPAKALI na siya. O NAHAPAYANG-GATANG na siya.


Nabanggit na na ang mga salitang ugat sa Tagalog ay karaniwang binubuo ng dalawang pantig lamang. Kung may tatlo o higit pang pantig ang isang salita, maaaaring may panlapi ito o kaya naman ay hiram sa ibang wika.

Hindi rin karaniwan ang mga salitang ugat na binubuo ng isa lamang pantig. Kapag iisang pantig ang isang salita (tulad ng GAS at TSA), dinadagdagan ito ng isa pang pantig: GAAS, TSAA. Maging sa mga letrang hiram ay ganito ang nangyayari. Ang tula ni Balagtas ang isang halimbawa. Ang huling taludtod ng “Kay Celia,” na bahagi ng Florante at Laura, ay tila nagkulang sa sukat na 12 pantig. Sa unang tingin, tila 11 pantig lamang ang linyang “ang tapat mong lingkod na si F.B.” Ito ay dahil ang letrang B (binibigkas na BE sa Kastila) ay binibigkas nang may dagdag na pantig: BE.E.

Mga salitang inuulit ang pantig

May mga salita naman na nabuo sa pamamagitan ng pag-uulit ng pantig. Ang isang pantig ay inuulit kaya nagiging dalawang pantig ang salitang ugat. Pansinin: Ang mga salitang tumutukoy sa mga pribadong bahagi ng ating katawan ay binubuo ng pantig na inuulit. Halimbawa: BILBIL. Di ba’t nakatago ang bilbil, hindi nakalantad. Isa pang halimbawa: DIBDIB at SUSO. Iba pang halimbawa ng itinatagong bahagi ng katawan: Ang tawag sa ari ng batang babae at batang lalaki, na hindi ko na kailangang banggitin pa rito (baka censored).

- Advertisement -

Iba pang mga halimbawa ng mga salitang nabuo sa pamamagitan ng pag-uulit ng pantig: BABA, BIBI, BASBAS, DALDAL, DAKDAK, DIKDIK, DILDIL, DULDOL, DUKDOK, GASGAS, KAKA, KADKAD, KUBKOB, LALA, LADLAD, LAKLAK, LASLAS, LUBLOB, NUNO, NGANGA, NGUDNGOD, NGONGO, SASA, SISI, WAWA, YAYA, atbp.

Pansinin na kapag binasa nang paurong o pabaligtad ang mga salitang ito, may lilitaw na mga salita na may sariling kahulugan. Halimbawa, BILBIL. Basahin nang paurong at ano ang lilitaw? LIBLIB. Tagong lugar. Di ba ang bilbil ay talaga namang nasa tagong lugar ng ating katawan?

Tingnan naman natin ang DALDAL. Kapag binaligtad, lilitaw ang LADLAD. Na nangangahulugang paglalantad. Di ba dahil sa kadaldalan, maaaring malantad ang isang lihim?

Ang DAKDAK ay pagdaldal nang mas malakas at walang habas dahil sa galit. Samantala, ang KADKAD ay pagkaalis sa tiklop o ikid ng ano mang bagay na malambot, tulad ng sinulid na nahatak at naalis sa pagkakaikid.

Ang LAKLAK ay maingay na pag-inom, karaniwan itong iniuugnay sa pag-inom ng alak. Ang KALKAL naman ay paghahalungkat ng mga lumang gamit. Kapag GASGAS na ang isang gamit, luma na ito at maaaring sugat-sugat na. Kapag binasang paurong, ang SAGSAG ay madalian at pahangos na pagpunta sa isang lugar dahil sa matinding pangangailangan.

Kapag naKUBKOB, ibig sabihin ay nasukol, nahuli dahil napalibutan ng mga kaaway. Ang BUKBOK naman ay uri ng kulisap na nakikita sa bigas kapag matagal na ito. Maaari ding sira ng ngipin na dapat nang ikonsulta sa dentista.

- Advertisement -

Ang LUBLOB ay paglulubog sa tubig. Ang BULBOL ay buhok sa isang parte ng katawan. Para sa ibang wika, ito ay nangangahulugan lamang ng BUHOK sa ulo o alinmang bahagi ng katawan,

Kaya walang kasamang malisya.

Ang BASBAS ay paggawad ng bendisyon ng magulang sa anak, o ng pari sa kanyang parokya. Ang SABSAB ay maingay at nagmamadaling pagkain ng mga hayop tulad ng baboy, kaya ang sabsaban ay bagay na pinagkakainan ng mga hayop.

Maraming iba pang salitang binubuo ng inuulit na mga pantig. May ganitong mga salita na kapag binasa nang paurong ay makabubuo ng iba pang mga salita. Mayroon din namang mga salitang may inuulit na mga pantig na wala namang nabubuong mga bagong salita na may sariling kahulugan.

Magandang ehersisyo ang pagkalkal sa mga salitang ito at paghanap sa kahulugan tungo sa pagpapayaman ng bokabularyo.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -