INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan at hinimok ang iba’t ibang sektor na magbigay ng buong suporta sa Commission on Filipinos Overseas (CFO), na nagbukas na ng pagtanggap ng nominasyon para sa 2026 Presidential Awards for Filipino Individuals and Organizations Overseas (PAFIOO).

“All government agencies and instrumentalities, including government-owned or -controlled corporations, are hereby directed, and all local government units, non-government organizations, and the private sector are hereby encouraged, to extend full support to the CFO in the conduct of the 2026 PAFIOO,” ayon kay Pangulong Marcos sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 112.
(“Aking inaatasan ang lahat ng ahensiya at instrumentalidad ng pamahalaan, kabilang ang mga government-owned or -controlled corporations, at hinihikayat ang lahat ng lokal na pamahalaan, mga non-government organization, at ang pribadong sektor, na magbigay ng buong suporta sa CFO sa pagsasagawa ng 2026 PAFIOO.”)
Tatanggap ang CFO ng mga nominasyon mula Disyembre 11, 2025 hanggang Mayo 29, 2026, na sasaklaw sa mga sumusunod na kategorya ng parangal: Lingkod sa Kapwa Pilipino Award, Banaag Award, Pamana ng Pilipino Award, at Kaanib ng Bayan Award.
Ang mga nominasyon ay dadaan sa isang multi-stage na proseso ng pagsusuri na magtatapos sa paggawad ng mga parangal sa Disyembre 2026.
Sinabi ng Pangulo na ang matagumpay na pagsasagawa ng 2026 PAFIOO ay nangangailangan ng malawakang pagpapalaganap ng impormasyon at aktibong partisipasyon ng mga ahensiya at instrumentalidad ng pamahalaan, gayundin ng pangkalahatang publiko, simula sa pagtukoy at pag-endorso ng mga kuwalipikadong nominado.
Inatasan din ni Pangulong Marcos ang Presidential Communications Office (PCO) na magpatupad ng epektibong mga hakbang upang ipaalam at hikayatin ang publiko na mag-nomina ng mga karapat-dapat na indibidwal para sa 2026 PAFIOO.
Sa bisa ng awtoridad ng Pangulo, nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph G. Recto ang MC No. 112 noong Enero 15.
Binanggit sa sirkular ang Executive Order No. 498 na nag-i-instutionalize sa PAFIOO bilang isang biennial o ginaganap tuwing dalawang taon na parangal na iginagawad ng Pangulo sa mga natatanging Pilipinong nasa ibang bansa, gayundin sa mga dayuhang indibidwal at organisasyon, bilang pagkilala sa kanilang pambihirang mga tagumpay, makatao at makabuluhang gawaing kawanggawa, at mahahalagang ambag sa pag-unlad ng Pilipinas at sa pagsulong ng interes ng diaspora ng mga Pilipino.
Mula nang itinatag ito noong 1991, ang PAFIOO ay naigawad na ng pitong Pangulo sa 555 indibidwal at organisasyon mula sa 55 bansa at teritoryo.
Binibigyang-diin ng Presidential Awards ang patuloy na kahusayan, bukal-sa-loob na paglilingkod, at malalim na paninindigan ng mga Pilipinong nasa ibayong-dagat at ng mga internasyonal na katuwang sa nation-building.
Sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 72 (taong 1980), inatasan ang CFO na magsimula at tuwirang magpatupad ng mga espesyal na proyekto at programa, kung kinakailangan, upang itaguyod ang kapakanan ng mga Pilipinong nasa ibang bansa kaugnay ng kanilang mga interes at gawain sa Pilipinas. | PND



