26.6 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

PBBM pinangunahan ang paglunsad ng bagong Airbus A350-1000 sa pagdiriwang ng ika-85 anibersaryo ng Philippine Airlines

- Advertisement -
- Advertisement -

KINILALA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Sabado ang 85-taong world-class na serbisyo ng Philippine Airlines (PAL) sa pamamagitan ng pangunguna sa pag-unveil ng bago nitong Airbus A350-1000, bahagi ng modernisasyon at pagpapalawak ng fleet ng flag carrier ng bansa.

Sa pagdiriwang ng “Legacy in Flight: Celebrating 85 Years of Philippine Airlines (PAL) and the Unveiling of the A350-1000,” na ginanap sa Villamor Air Base sa Pasay City, kinilala ni Pangulong Marcos ang pamana ng flag carrier na binuo sa katatagan, serbisyo, at dedikasyon sa pag-uugnay ng mga Pilipino sa mundo.

Sa pagbabago ng panahon at mga lumalaking hamon, nanatiling matatag na presensya ang PAL sa pambansang kamalayan, ayon sa Pangulo.

Ang PAL ang kauna-unahang komersyal na airline sa Asia. Ito rin ang unang Asian airline na tumawid sa Pacific Ocean (1946) at lumipad patungong Europe (1947).

Sinabi ng Pangulo na ngayong kabilang na ang Airbus A350-1000 sa PAL fleet, pinapakita nito ang kahalagahan ng pagsabay sa mabilis na umuusbong na industriya ng paglipad.

Ang Airbus A350-1000 ang isa sa pinakamodernong widebody na sasakyang panghimpapawid na idinisenyo para sa mahabang paglalakbay.

“Taken together, these milestones point us firmly towards the future. They strengthen our aviation sector, expand connectivity, and open doors to trade, tourism, and investment,” wika ni Pangulong Marcos.

(“Ang mga milestone na ito, kung pinagsama-sama, ay nagpapakita ng daan patungo sa hinaharap. Pinalalakas nila ang sektor ng paglipad ng bansa, pinalalawak ang connectivity, at nagbubukas ng pinto sa kalakalan, turismo, at pamumuhunan.”)

“In doing so, we reaffirm aviation’s role as a powerful engine of economic growth and of national development.”

(“Muling pinagtitibay nito ang mahalagang papel ng aviation sa paglago ng ekonomiya at pambansang pag-unlad.”)

Ayon pa sa Pangulo, mula nang itatag ang PAL noong 1941, ang nag-iisang full-service na four-star airline ng bansa ay patuloy na nagbibigay ng maaasahan at mataas na kalidad na serbisyo sa mga Pilipino at internasyonal na mga manlalakbay.

Nakatulong din ang flag carrier na ipakita ang likas na kagandahan at yaman ng kultura ng Pilipinas, at higit sa lahat, naghatid ng mabuting pakikitungo at hospitality ng mga Pilipino, ani Pangulong Marcos.

Samantala, inilarawan ng Punong Ehekutibo ang bagong inilabas na safety video ng PAL bilang nakakaengganyo, malikhain, at natatanging Filipino dahil napakita nito ang kagandahan ng mga tanawin ng bansa sa pamamagitan ng istilo ng isang Pinoy telenovela.

Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang pagpapasinaya sa Airbus A350-1000 ng PAL, na may bagong henerasyong disenyo at mga materyales na nakakapagbawas sa fuel burn ng hanggang 25 porsiyento, kaya nagpapababa ng gastos sa operations habang binabawasan ang mga carbon emission.

Ang unang Airbus A350-1000 ng PAL, na una rin sa Timog-silangang Asya at pangsampu sa buong mundo, ay nagbubukas ng mga bagong posibilidad para sa malayuang paglalakbay, kabilang ang mga ruta sa North America, ayon pa sa Pangulo.

“This step complements our efforts to modernize the aviation sector and embrace more sustainable practices for the future,” diin ni Pangulong Marcos.

(“Ang hakbang na ito ay umaakma sa ating pagsisikap na gawing moderno ang sektor ng aviation at mapatupad ang mas sustainable na mga kasanayan para sa hinaharap.”) | PND

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -