30 C
Manila
Huwebes, Hulyo 23, 2026

DOLE, nangako ng ‘responsable at transparent’ na paggamit ng P61-B budget para sa 2026

- Advertisement -
- Advertisement -

NILAGDAAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang batas ang pambansang budget na P6.793 trilyon para sa Fiscal Year 2026 noong Enero 5, 2026, sa Malacañang Palace, kung saan P 61.17 bilyon ang inilaan para sa Department of Labor and Employment (DOLE).

“Sa paglagda ng Republic Act No. 12314 o ang General Appropriations Act (GAA) para sa Fiscal Year 2026, ipinapangako namin na ang budget ay ipatutupad para sa pagsisilbi sa mamamayan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Dahil sa pagtaas na 19.47% mula sa 2025 budget, susuporta ang alokasyon para sa 2026 sa pagpapalakas ng mga pangunahing programa ng Kagawaran, kabilang ang DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD), Government Internship Program (GIP), Special Program for Employment of Students (SPES), Jobstart Philippines Program, at iba pa. Palalakasin din nito ang mga inisyatiba para sa pagpapalaganap ng lokal na trabaho, pagpapaunlad at pagpapalakas ng mga organisasyon ng manggagawa, pagsunod sa mga batas paggawa, at pamamahala ng mga kaso.

Iniutos din ni Pangulong Marcos Jr. ang mahigpit na pagpapatupad ng pagbabawal sa mga politika na makialam sa pamamahagi ng tulong-pinansyal, upang matiyak na ang pondo ay makakarating sa mga benepisyaryo nang walang political patronage.

“Ipinagbabawal ang mga politiko sa pamamahagi ng anumang tulong-pinansyal, at titiyakin natin ang suporta ay makakarating sa mga karapat-dapat na benepisyaryo ng walang patronage, walang bawas, walang kulang,” wika ng Pangulo ng kanyang lagdaan ang pambansang budget para sa FY 2026.

Una ng iniutos ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa mga DOLE regional director na pangalagaan ang integridad ng mga programa ng Kagawaran at protektahan ang mga ito mula sa maling paggamit sa politika, panahon man ng eleksyon o hindi.

Muling pinagtibay ng Kagawaran ang kanilang dedikasyon sa pagpapalakas ng tiwala ng publiko at pagpapanatili ng pinakamataas na pamantayan sa pamamahala ng kanilang mga programa at inisyatiba, na tumitiyak sa responsable at transparent na paggamit sa pondo ng bayan alinsunod sa mga umiiral na batas, patakaran at regulasyon.

Nilinaw ni DOLE Undersecretary Warren Miclat sa isang panayam noong Enero 12, 2026, sa Radyo Pilipinas na ang opisyal na budget allocation ng Kagawaran ay PHP 61.17 bilyon, at hindi ang P73.6 bilyon na naiulat sa mga pahayagan at mainstream media.

“Ang talagang tama po based doon sa General Appropriations Act ay P 61.17 billion. Kung titingnan niyo sa naka-post na GAA 2026 sa Department of Budget and Management website at sa kopya na mayroon kami ay P 61.17 billion,” ani Undersecretary Miclat.

Sa kabuuang budget, makakatanggap ng pinakamalaking alokasyon na nagkakahalaga ng PHP 29.98 bilyon ang Office of the Secretary para sa mga operasyon at programa nito. Kasunod nito ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na may P26.06 bilyon, na nagpapakita ng 25.68% na pagtaas mula sa kanilang budget noong 2025. Nakatakdang tumanggap ang National Labor Relations Commission (NLRC) ng P 1.80 bilyon (20.45% na pagtaas), habang ang National Conciliation and Mediation Board (NCMB) ay pinaglaanan ng P 371.16 milyon (tumaas ng 12.72%). Ang National Wages and Productivity Commission (NWPC) ay makakatanggap ng P 357.06 milyon (1.67% na pagtaas). Samantala, binigyan ng P 2.52 bilyon ang Professional Regulation Commission (PRC) at ang Institute for Labor Studies (ILS) ng P 77.90 milyon.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -