29 C
Manila
Huwebes, Hunyo 18, 2026

Pabuyang aabot sa P10 milyon para sa informants ng tax evaders,  smugglers, itinutulak ni Jinggoy

- Advertisement -
- Advertisement -

UPANG mapalakas ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga tax evaders at smugglers, isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagpasa ng Senate Bill No. 1011 na nagtatakda ng mas mataas na pabuya para sa mga informant o tipster kontra sa mga hindi nagbabayad ng tamang buwis at custom duties.

“Malaking ambag ang impormasyon mula sa publiko para mapaigting ang kampanya laban sa mga sangkot sa tax evasion at smuggling. Pero hindi maeengganyo ang mga tao na magsiwalat ng mga nalalaman nila kung ang batas ay hindi sila kayang bigyan ng kaukulang proteksyon at pabuya,” ani Estrada.

Ang SBN 1011 ay naglalayong i-update ang dekada nang umiiral na informer’s reward system na ani Esatrada ay napaglipasan na ng panahon at depektibo na dahil imbes na makatulong ay nagiging dahilan pa upang panghinaan ng loob ang mga whistleblower na magsumbong sa mga lumalabag sa batas.

Sa kasalukuyang batas, aabot lamang hanggang P1 milyon ang maaaring matanggap ng isang informer, gaano pa man kalaki ang kasong may kinalaman sa tax fraud o smuggling. Ayon kay Estrada, matagal nang humahadlang ang limitasyong ito sa paghimok ng kooperasyon ng publiko.

Sa ilalim ng SBN 1011, ang mga informer na magsusumbong ng tax fraud ay maaaring makatanggap ng hanggang P10 milyon o 10 porsiyento ng nakolektang buwis, alinman ang mas mababa. Para naman sa mga kaso ng smuggling, maaaring igawad ang pabuya na hanggang P10 milyon o 20 porsiyento ng halaga ng nakumpiskang kontrabando, alinman ang mas mababa.

Tinitiyak din ng panukalang batas ang confidentiality ng pagkakakilanlan ng mga informer, nagtatakda ng mabigat na parusa sa sinumang maglalabas ng impormasyon nang walang pahintulot, at ipinagbabawal sa mga establisimyento ang pag-iwas sa pananagutan kapag nagresulta ang tip sa pagbawi ng kita o pagkumpiska ng mga smuggled goods. Ang mga lalabag sa confidentiality rules ay maaaring pagmumultahin ng hanggang P1 milyon at makulong ng hanggang 15 taon.

Tanging impormasyon na magreresulta sa aktwal na pagkolekta ng buwis, surcharge, fees, penalties, o nakumpiskang kontrabando ang maaaring bigyan ng pabuya. Hindi rin maaaring tumanggap ng anumang reward ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno, pati ang kanilang malalapit na kamag-anak.

“Ang panukalang batas na ito ay nagtataguyod ng pakikipagtulungan ng publiko sa pagsugpo sa mga tax cheats at smugglers. Sa pamamagitan ng makatarungang pabuya, mas mapapabuti natin ang tax collection, enforcement, at administration sa BIR at BOC,” paliwanag ni Estrada.

“Layunin nating bigyan ng kapangyarihan ang mga mamamayan na tumulong sa pamahalaan laban sa korapsyon at smuggling, habang tinitiyak na ang kanilang kontribusyon ay kinikilala at ang kanilang identidad ay napoprotektahan,” dagdag pa niya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -