TUNGKOL sa kasarian o genero, ayon kay Rizal, “Ang Tagalog ay walang kasarian sapagkat waring hindi nag-aksaya ng panahon [ang ating mga ninuno] upang suriin ang pagkalalaki o pagkababae ng mga nilalang. Kung ibig bigyan ng kasarian, ang pangngalan ay sinasamahan ng mga salitang lalaki o babae na ikinakabit sa pamamagitan ng pang-angkop o ligasong NA na nagbabago ng tunog sang-ayon sa salitang sinusundan: baboy na lalaki, baboy na babae. Ang NA ay di maipagkakailang ang GA ng Bisaya na gayon din ang gamit at kahulugan, at ginagamit sa ibang wika sa ayos na ga, samakatwid ang G ay binibigkas na hindi nagdaraan sa ilong.”
Mapapansin sa talakay na ito na maalam si Rizal hindi lamang sa kanyang unang wika, kundi may kamalayan din siya sa iba pang mga wika. Dito ay kaalaman sa wikang Bisaya ang nabanggit niya kaya nakapaghambing siya; sa ibang bahagi naman ng pag-aaral ay ang wikang Ingles ang binanggit niya, na ang tunog daw ng letrang G ay tulad ng sa Ingles.
Sayang at maagang naputol ang buhay ng ating bayaning si Jose Rizal. Kung humaba pa sana ang kanyang buhay, tiyak na napahaba rin niya ang mga pagsusuri sa wikang Tagalog.
Natukoy na ni Rizal noon pa na walang kasarian ang mga pangngalan sa Tagalog. Nakalulungkot na hindi pinansin ng mga sumunod na nagsuri sa gramatikang Tagalog ang ganitong obserbasyon. Mas pinili nilang gamiting modelo ang gramatikang Kastila pagdating sa pagsusuri ng kasarian. Hanggang ngayon, itinuturo pa sa elementarya ang apat na kasarian ng Tagalog/Filipino: (1) panlalaki (halimbawa: ama), (2) pambabae (halimbawa: ina), (3) di tiyak (halimbawa: tao), at (4) walang kasarian (mga pangngalang tumutukoy sa mga bagay, pook, pangyayari, na walang sekso). Mapapansin, batay sa mga halimbawang nabanggit, na ang kahulugan ng salita ang nagsasaad ng kasarian. Ang AMA ay tumutukoy sa magulang na lalaki, samantalang ang INA ay sa magulang na babae naman. Samakatwid, hindi porma ng salita, kundi kahulugan, ang nagsasaad kung babae o lalaki ang tinutukoy ng salita, kaya masasabing walang kasarian ang pangngalan sa Tagalog/Filipino.
Ang Tagalog ay hindi tulad ng wikang Espanyol na makikilala ang kasarian ng pangngalan sa pamamagitan ng dulong letra (A kapag pambabae at O kapag panlalaki) at dulong pantig. Kapag nagtatapos sa CION ang salita, ito ay pambabae.
Mahalaga sa Ingles at Espanyol na matukoy ang kasarian ng pangngalan para magamit ang angkop na panghalip. Sa Tagalog, wala ring kasarian ang mga panghalip. Babae man o lalaki, laging SIYA o NIYA ang gamit na panghalip.
Mas angkop siguro kung sabihin na lamang na may dalawang uri ng pangngalan batay sa kasarian: (1) may kasarian at (2) walang kasarian.
Isahan at maramihan
Isa pa rin sa mga itinuturo sa mga paaralan ang kailanan ng pangngalan, o ang bilang, o kung isahan o maramihan ang pangngalan. Ayon pa rin kay Rizal, “Ang pangngalang pambalana sa wikang Tagalog ay walang pag-uukol o indeclinable at hindi nagbabago kahit na sa maramihan man. Upang maipakilala ang maramihan, ang katagang MGA ay ginagamit sa unahan ng pangngalan: MGA aso; ang mga pusa; ng mga tao; sa mga bata.”
Kapag may adjetivo o pang-uri, ginagamit ang pag-uulit ng isang bahagi ng pang-uri upang ipahayag na pangmaramihan ang kasunod na pangngalan. Halimbawa, “magandang bata” kung isang bata lamang ang pinag-uusapan. Pero “magagandang bata” kung higit sa isa ang mga bata.
Mabuti pa si Rizal at alam ito ayon sa pansarili niyang obserbasyon sa sariling wika. Tama si Rizal sa kanyang obserbasyon. Ang dapat pag-aralan ay hindi KAILANAN ng pangngalan kundi PAGPAPARAMI ng pangngalan – kung paano maisasaad ang BILANG ng pangngalan, kung isahan o maramihan. Ang dalawang paraang binanggit ni Rizal ay paggamit ng salitang MGA bago ang pangngalan at paggamit ng anyong pangmaramihan ng pang-uri.
May hindi nabanggit si Rizal. Ito ay ang paggamit ng bilang o numbero, halimbawa, dalawa, tatlo, atbp. Hindi tama ang itinuturo sa mga paaralan na ang panlaping MAG- at pag-uulit ng pantig ay nagsasaad ng pangmaramihang anyo ng pangngalan. Halimbawa: MAG-+KA-+patid (dalawang tao na kapatid ng isa’t isa). Kapag inulit ang KA at naging MAGKAKAPATID, tatlo o higit pa ang tinutukoy. Maling analisis na naman. Ang MAG- ay nagpapakita ng RELASYON, hindi ng BILANG.
Salitang ugat ng patay
Ang isang interesting na sinabi ni Rizal ay ang salitang ugat ng PATAY. Sabi niya, ang ugat nito ay PAT, at idinagdag na “ito rin ang ugat ng pandiwang matar, at ang pagbabago ng P sa M ay kaugalian na, gaya ng makikita sa salitang MATAY.
Ang P at ang M ay mga panlaping napapalitan – ginagamit ang P sa mga pangngalan at ang M sa mga pandiwa. Halimbawa: MAGPATAY (pandiwa), PAGPATAY (pangngalan). Dati nang ipinapaliwanag ito ng mga linggwista pero hindi nababanggit sa mga aklat sa gramatika. Gayon man, sa mas nakararaming salita, madalas na may pag=uulit ang anyong pangngalan. Mga halimbawa, MAGBASA (pandiwa), PAGBABASA (pangngalan), MAGSULAT/PAGSUSULAT, atbp.
May ilan pang mga pagsusuri sa wikang Tagalog si Rizal. Bagama’t ang wikang inilalarawan ni Rizal ay iyong sinalita nila noon mahigit sandaang taon na ang nakalipas, may matututuhan pa rin tayo sa mga pananaw at pagsusuring ibinahagi ng ating bayani. Makadaragdag pa rin ang mga ito para mapayaman natin ang pagkaunawa sa sarili nating wika.

