INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Biyernes ang mga ahensya ng pamahalaan na pabilisin ang pagpapatupad ng mga pangunahing proyektong pang-imprastruktura upang mapalakas ang ekonomiya bilang bahagi ng patuloy na mga reporma sa bansa.

Ibinigay ni Pangulong Marcos ang direktiba habang pinamumunuan niya ang isang pulong kasama ang kanyang economic team, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
“Aniya, ‘Let’s move forward.’ Tunay na reporma at kongkretong aksiyon ang ipapatupad ng Pangulo,” pahayag ni Castro sa isang press briefing sa Malacañang.
Ayon kay Castro, tinalakay sa pulong ang mga estratehiya upang pasiglahin ang ekonomiya ng bansa, kabilang ang digitalization upang mapabilis ang paglikha ng mga trabaho.
Inatasan din ng Pangulo ang pagpapabilis ng mga proyektong pang-imprastruktura, lalo na ang pagtatayo ng mga silid-aralan.
Kabilang sa mga pangunahing prayoridad ng administrasyong Marcos ang pagbawas ng kahirapan at panlipunang proteksyon; paglago ng ekonomiya at empleyo; kalusugan, edukasyon, at pagpapaunlad ng human capital; at sustenable at inklusibong kaunlaran.
Regular na tamang progress report, iginiit

Inatasan din ng Pangulo ang mga ahensya ng pamahalaan na magsumite ng ulat sa progreso ng kanilang mga proyekto tuwing dalawang linggo upang masubaybayan ang bawat yugto ng pagpapatupad ng mga proyektong nasa ilalim ng kanilang nasasakupan.
Iniutos ni Pangulong Marcos Jr. ang masusi at regular na pagmo-monitor sa mga ahensiya ng pamahalaan at sa kanilang mga proyekto sa pamamagitan ng pagsusumite ng progress report kada dalawang linggo, upang matiyak ang transparency at pananagutan sa pagpapatupad ng mga prayoridad na programa.
“Ipag-uutos din ni Pangulong Marcos Jr. ang pagmo-monitor sa mga ahensiya at kanilang mga proyekto kada dalawang linggo para makita ang progreso nito,” ani Castro sa regular na press briefing sa Palasyo.
Dagdag pa ni Castro, “Huwag ninyong subukang magbigay ng maling report.”
Sinabi ni Castro na magpapatupad ng isang monitoring mechanism upang masiguro na ang mga ulat ng proyekto ay tama at hindi pinalalabis.

Habang tinutugunan ng lahat ang panawagan para sa mga reporma, iginiit ni Castro na nais ng Pangulo hindi lamang ang mabilis na pagpapatupad ng mga proyekto kundi pati ang mas episyente at mas tumpak na sistema ng pag-uulat sa lahat ng ahensiya.
“Kapag nagkaroon ng report, ayaw niya na dahil lang sa may monitoring every two weeks ay maliin o papogiin ang report. Ayaw ng Pangulo ng maling report,” paliwanag ni Castro.
Babala pa niya, ang mga opisyal o kawani na magsusumite ng mali o hindi tumpak na ulat ay maaaring patawan ng parusa, kabilang ang pagtanggal sa serbisyo, dahil bilang mga lingkod-bayan, tungkulin nilang magbigay ng de-kalidad na serbisyo sa publiko. | PND



