MULI may mga nagtatanong kung alin ba ang tama: matutuHAN o matutuNAN? Ang tanong ay kung HAN o NAN ba ang tamang huling pantig ng salita.
Nilinaw ko na ang bagay na ito sa isang naunang isyu ng WIKA NGA. Tatalakayin ko uli ito ngayon bilang pag-uulit at karagdagang paglilinaw para sa mga naguguluhan pa rin gayon din sa mga hindi pa matutuhan/matutunan ang paliwanag.
Varayti ng wika
Una, dapat nating tanggapin na ang “matutuHAN/matutuNAN” ay dalawang salitang nagpapahayag ng isa lamang idea, nagkaiba lamang dahil sa tinatawag na varayti ng wika. Dalawang varayti ng iisang salita. May mga lugar na matutuHAN ang gamit, mayroon namang matutuNAN ang preperensya. Sa Maynila at mga kalapit na lugar, matutuHAN ang varayti na ginagamit, samantalang sa ibang lugar ng Katagalugan, tulad ng Cavite, Batangas, Quezon, Laguna, atbp. , matutuNAN ang nakagawiang gamitin. Sasabihin ba nating mali ang mga taga-Southern Tagalog provinces, at ang tama lamang magsalita ay ang mga taga-Metro Manila? Hindi. Malakas na HINDI! May kanya-kanyang nakagawiang pagpili ng salita, bigkas ng salita, pagbubuo ng salita, atbp., ang bawat rehiyong tagapagsalita ng alinmang wika.
Dahil matutuHAN ang gamit sa Maynila at mga kalapit-lugar, at dahil Maynila ang sentro ng edukasyon, negosyo, at gobyerno, ang varayti na ito ang itinuturing na “standard.” Kapag tinanong ang Kagawaran ng Edukasyon (Department of Education o DepEd), ito ang prescribed form, ang anyong ito ang itinuturo sa mga paaralan at tinatanggap sa mga teksbuk. May isang panahon na “matutuHAN” lamang ang tinatanggap sa mga tuntunin ng Komisyon sa Wikang Fiipino (KWF) na wasto at karapat-dapat gamitin sa labas at loob ng mga paaralan. Ngunit ngayon, kung hindi ako nagkakamali, ay tinatanggap na ng KWF na may umiiral na varayti ng wika na dapat kilalanin.
Samakatwid, may standard na anyo na tinatanggap ng DepEd na gamitin sa mga paaralan – ito ang matutuHAN. Ang matutuNAN naman ay tinatanggap na varayti o ibang anyo ng salita, hindi ito mali.
Pagkakabuo ng salita
Paano ba nabuo ang matutuHAN? Ang salitang ugat ay TUTO at may unlaping makadiwa na MA- at hulaping -HAN. Ang totoo, -AN ang hulapi. Kung gayon, saan nanggaling ang H?
Maikling paliwanag: Walang salitang nagtatapos sa patinig. Lahat ng salitang Tagalog/Filipino ay nagtatapos sa katinig – kung hindi impit na tunog ay H, na kumakatawan sa hangin sa dulo ng salita. Hindi ito halos naririnig kaya walang representasyon sa ispeling. Pero kapag nilagyan ng hulapi ang salita, saka ito lumilitaw. Ito ang dahilan kung bakit itinuturo sa mga paaralan noong elementarya at hayskul na may dalawang anyo: -HAN kapag nagtatapos sa patinig ang salita, at -AN kapag nagtatapos sa impit na tunog, na isang katinig. Mga halimbawa: basa (read) – basaHIN. Basa (wet) – basaIN. Sa ispeling lamang natin nakikita ang mga salitang nagtatapos sa patinig. Kapag palatunugan o ponolohiya na ang pinag-uusapan, laging sa katinig nagtatapos ang mga salita. Kung hindi impit na tunog ay H.
Mahalagang matutuHAN/matutuNAN ang bagay na ito para maging wasto ang analisis.
Kung gayon, ang matutuHAN ay ganito nabuo: MA-+TUTOh+-AN (ang O ay naging U nang lagyan ng hulapi), kaya matutuHAN.
Samantala, saan naman galing ang matutuNAN?
Dalawang paliwanag
May dalawang paliwanag kung paano nabuo ang matutuNAN. Una, dalawa ang hulapi ng salita: MA-+TUTOh+-AN+-AN= matutohanan. Napalitan ng U ang O at nakaltas ang HA kaya, matutuNAN ang natira.
Maraming salitang dumaan sa pagbabagong ito sa anyo at tunog, na tinatawag na Pagbabagong Morpoponemiko. Mga halimbawa: hangganan, makayanan, kakayanan, kunin, kunan, atbp.
Pangalawang paliwanag: ang H ay napalitan ng N para sa madaling pagbigkas. Alinman sa dalawang paliwanag ang piliin mo, parehong may siyensya sa bawat isa. Ang sinusuportahan ko ay ang unang paliwanag, na nabuo ang matutuNAN dahil dalawa ang hulapi .
May isang linggwista na nagpanukala ng patay na panlaping -ANAN at -ININ para ipaliwanag ang penomenon na matutuNAN, kayaNIN (kayah+-IN), atbp. Pero iniurong na niya ang panukalang ito; marahil, napaniwala ko siya na mas komplikado ito.
Bakit lumalaganap ang matutuNAN?
Sa ngayon, lumalaganap ang paggamit ng matutuNAN. Maging mga taal na tubong Metro Manila ay gumagaya na sa mga tagaibang lugar. MatutuNAN na rin ang gamit nila sa halip na ang dati nang nakagawiang matutuHAN. Bakit? Isa sa mga dahilan sa paglaganap ng mga bagong salita/anyo ng salita ay ang pagiging NOVEL nito, o naiiba, bago sa pandinig. Maaaring nagsasawa na sa dating matutuHAN ang mga taga-Maynila. Ganyan naman tayo, laging naghahanap ng bago at naiiba. Ibig nating maging naiiba, di karaniwan, ang ating pananalita. At para sa mga taga-Metro Manila, maganda ang tunog ng matutuNAN dahil iba ito sa nakagawian. Ang totoo, matutuHAN man o matutuNAN, ang importante ay kung talaga bang may natutuHAN/natutuNAN at naintindihan tayo sa ating nabasa o narinig.
Ang aking preperensya: MatutuHAN
Hindi ko hinuhusgahan ang dalawang anyo ng salita. Hindi ko sinasabing tama ang isa at mali naman ang isa pa. Pero matutuHAN ang anyong ginagamit ko, sa simpleng dahilan na ito ang nakagawian ko na, ito ang narinig kong varayti mulang pagkabata. Hindi totoo ang paratang ng isang dalubhasa sa wika na matutuNAN ang mas kinikilingan ko. Kahit minsan sa buong buhay ko, hindi ko kailanman ginamit ang anyong iyan, hindi dahil sa kung ano pa man, kundi lang dahil matutuHAN ang varayti sa aming lugar; ito ang anyong nakalakhan ko at gamit mula noon. Sana, matutuHAN/matutuNAN din ng mga dalubhasa na igalang at unawain ang sariling preperensya ng iba bago magbanggit ng mga pangalan at mamalita ng MALI.
Susunod: Sa pagbanghay ng pandiwa, alin ba ang inuulit (reduplikasyon) – unang pantig ng salitang ugat o panlapi? Ang panlapi ba ang inuulit? Bago ‘yan, a! Ayan na naman tayo sa novelty. Natalakay ko na ito pero ipapaliwanag uli.

