NAGBIGAY ng opisyal na pahayag si Vice President Sara Duterte sa unang anibersaryo ng
pagdadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC sa The Hague, Netherland.
Narito ang kanyang pahayag.
Assalamu Alaykum Warahmatullahi Wabarakatuh!
Madayaw ug maayong adlaw kaninyong tanan.
Magandang araw sa inyong lahat!
Ngayong araw, ginugunita natin ang unang anibersaryo ng isang kaganapang sumubok sa ating demokrasya at sa mga prinsipyo ng due process at rule of law.
Ang naganap na extraordinary rendition o kidnapping kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay isang seryosong paalala na ang batas ay hindi dapat ginagamit bilang sandata para sa pulitika o personal na interes.
Ang pagyurak sa karapatan ng isang indibidwal sa pamamagitan ng mga iregular na proseso ay hindi lamang pag-atake sa katarungan; ito ay hamon sa ating pambansang soberanya.
Ang isang tunay na malayang bansa ay pinapatakbo ng sariling mga institusyon na malaya mula sa anumang panlabas na panghihimasok o dikta.
Ang anibersaryong ito ay isang panawagan para sa ating lahat na manatiling mapagmatyag.
Kailangang manatiling malaya, tapat, at matatag ang ating mga institusyon laban sa anumang pagsubok na baluktutin ang hustisya.
Walang sinumang Pilipino ang dapat pagkakaitan ng proteksyon ng ating Saligang Batas.
Sama-sama nating itaguyod ang isang Pilipinas kung saan ang batas ay kalasag ng katarungan at ang ating soberanya ay iginagalang ng lahat.
Patuloy nating ipaglaban ang dangal ng ating bansa.
Mahalin natin ang Pilipinas—para sa Diyos, sa Bayan, at bawat Pamilyang Pilipino.



