26.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Imee: Acting pa rin o overacting?

- Advertisement -
- Advertisement -

PINUNA ni Senador Imee Marcos na halos kalahati ng Gabinete ay nasa “acting” status, at iginiit niya na tila ginagawa ito bilang paraan upang makaiwas sa panunuri ng Commission on Appointments (CA).

“Ang administrasyong ito ay inaabuso ang ‘acting’ appointments upang makaiwas sa pagharap sa CA. Ito ay bagong modus ng pamahalaan upang i-bypass ang konstitusyunal na mandato ng CA,” giit ng senador.

Binigyang-diin niyang umabot na sa halos 40 porsyento ng cabinet-level secretaries ang hindi dumadaan sa pagdinig ng Commission on Appointments.

Ayon sa senadora, ang mga “acting” na opisyal ay dapat pansamantala lamang ang panunungkulan kaya’t hindi sila dumaraan sa Commission on Appointments. “Hindi sila nasusuri, hindi nakikilatis, at hindi lubos na nakikilala ng komisyon. Labag na iyan sa ating Konstitusyon,” aniya.

Pinaalalahanan ni Marcos ang Commission on Appointments na gampanan ang tungkulin nito. “Dapat tigilan na ang pago-overacting! Huwag kalimutang mag-audition sa CA ang ating mga matataas na opisyal!” dagdag ng senador.

Ayon sa senador, mahalagang dumaan sa CA ang mga pinuno ng mga ahensya upang matiyak na sila ay kwalipikado at maiwasan ang korapsyon sa sistema.

“Kung ang karaniwang empleyado nga ay dumaraan sa mahigpit na proseso ng aplikasyon, dapat mas mahigpit pa tayo sa mga opisyal na nagpapatakbo ng ating bansa,” giit niya.

“Paano natin malalaman kung karapat-dapat ba sila sa mga posisyon kung ganito ang nangyayari? Patuloy lang nilang nililinlang at niloloko ang taumbayan,” dagdag ng senador.

“Malinaw na nakasaad sa Executive Order No. 292 o ang Administrative Code of 1987 na ang mga ‘Acting Officials’ ay hindi dapat lumampas sa isang taon sa posisyon. Ang iba, overacting na nga!” paliwanag ni Marcos.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -