29.5 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Mito

DALUMAT AT SAYSAY

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG tao ang pinakasopistikado’t pinakamatalinong nilalang sa sangkatauhan dahil sa kanyang malalim na pag-iisip. Introspeksyon. Pagninilay o pagmumuni-muni.

Tayo lamang ang nakalikha ng mga antigong sibilisasyon, kasama ang mga likhang palasyo, piramide, ornamentasyon, sistema ng panulat, patubigan, at marami pang iba. Malayo na ang narating ng ating mga imbensyon at inobasyon. Nakarating na tayo sa buwan at susubukang makarating sa Mars sa darating na mga taon.

Ngayon, nagbubunyi tayo at pinagkakakitaan na nang husto ng mga tech companies ang Artificial Intelligence o AI. Subalit, bukod sa mga materyal na kultura at teknolohiyang ating ginagamit, mainam na tukuyin ang isang aspekto ng ating ebolusyon na angat sa ibang nilalang.

Ito ang paniniwala sa isang ideya. Ideyang walang kongkretong katumbas na bagay sa realidad. Abstraktong konsepto ito na tinatanggap natin sa ating isip at ginagawa o sinusunod dahil sa paniniwalang iyon.

Tinatawag itong mito ni Yuval Noah Harari sa kanyang aklat na Sapiens: A Brief History of Humankind. Sa kanyang paliwanag, ang mga abstraktong konsepto ng burukrasya, salapi, demokrasya, relihiyon ay ilan sa mga matatawag niyang mito o “fiction”.


Sa madaling sabi, ito’y mga kathang-isip na pinaniwalaan ng maraming tao. Ang lahat naman talaga ng mga konsepto’y kathang-isip. Inisip ng mga pilosopo noon tulad nina Plato, Aristotle, Confucius, at ng mga sumunod pa sa kanila. Hindi rin naman bago ang mito ni Harari dahil binanggit na ni Plato ang eidos, ang pinakapuro at perpektong ideya na maiisip natin. Ang mga ideyang ito’y matutumbasan sa materyal na mundo na hindi na perpekto — maaaring sa isang bagay, sa gawi, sa proseso, at sa lahat ng naoobserbahan ng ating sensasyon.

Halimbawa, pinagkasunduan natin na ang demokrasya sa ating konteksto ay pamamahalang nakaugat sa interes, kapakanan, at kapangyarihan ng mamamayan.

Ang lahat ng nakaupo sa puwesto ay dahil sa atin. Tayo ang pumili sa kanila tuwing may eleksyon. Pantay-pantay dapat tayo sa mata ng batas. Ginagarantiya ng estado at saligang batas ang pag-iral ng ating mga karapatang pantao. Iyan ang mga ideyal na kahingian sa isang demokratikong bansa, bukod pa sa ibang mga katangiang maiisip at natutuhan natin.

Sabi nga, madaling isipin subalit mahirap gawin. Bakit may eleksyon naman, subalit mga ganid at korap ang nauupo? Bakit may saligang batas at mga batas tayo, subalit lantaran ang paglabag sa dignidad ng tao at mismong buhay ng tao? Bakit naghahari ang karahasan at digmaan tulad ng nangyayari ngayon sa Gitnang Silangan? Bakit at marami pa sa bakit list.

- Advertisement -

Inilagay natin sa isip natin ang mga konseptong ito para gabayan tayo sa ating buhay at pamumuhay. Gusto nating abutin ang perpeksyon, ang isang sitwasyon o kondisyon na maginhawa, maalwan, pantay-pantay, payapa, malusog, at masaya ang lahat. Lahat ng anumang perpektong ideya ay kaya nating isipin.

Lahat ng kulang, salat, at wala sa kasalukuyan nating kalagayan ay minimithi nating abutin. Hindi na natin ito tatawaging mito o katha, bagkus ito’y bisyon. Isang ambisyosong bisyon na akumulasyon ng lahat ng magagandang konsepto at abstraksyon sa mahabang panahon. Ito’y bisyon hindi lamang ng isang tao, komunidad, o bansa, kundi ng buong mundo.

Ito ang UN Sustainable Development Goals o 17 SDGs.

Ano nga ba ang bisyon? Isa itong pagtanaw sa hinaharap dahil sa kakulangan, kasalatan, at kawalan sa ngayon. Kailangan muna nating aminin sa ating mga sarili na may suliranin tayo sa kasalukuyan. Ang mga suliranin o gaps na ito ang aayusin, ioorganisa, at lulunasan habang inaabot natin ang ating “ideyal” na mithiin.

Lahat ng mga organisasyon at institusyon ay may bisyon. Halimbawa, bisyon-misyon ng Pamantasang De La Salle sa hinaharap na maging “nangungunang pamantasang nakatuon sa pagkatuto at pananaliksk na pinagbibigkis ang pananampalataya at iskolarsyip, umaayon sa daigdig at kalikasang sustenable, at naglilingkod sa Simbahan at lipunan, lalo na sa mahihirap at marhinalisadong mamamayan” (a leading learner-centered and research University bridging faith and scholarship, attuned to a sustainable Earth, and in the service of Church and society, especially the poor and marginalized).

Balikan natin ang UN SDG. Sa website nitong pinamagatang Transforming our world: the 2030 Agenda for Sustainable Development, nakasaad ang bisyon ng UN SDG: Minimithi natin ang mundong malaya sa kahirapan, pagkagutom, mga sakit at kasalatan, kung saan sagana ang buhay. Minimithi natin ang mundong malaya sa pananakot at karahasan (We envisage a world free of poverty, hunger, disease and want, where all life can thrive. We envisage a world free of fear and violence.) Minimithi natin ang mundong may unibersal na paggalang sa karapatan at dangal ng tao, sa umiiral na batas, katarungan, pagkapantay-pantay at pagtigil sa diskriminasyon; paggalang sa lahi, etnisidad, at pagkakaiba-iba ng kultura; at sa pantay na oportunidad upang tuluyang mahubog ang potensyal ng mga taong nakikibahagi sa kaunlarang pinakikinabangan ng lahat. (We envisage a world of universal respect for human rights and human dignity, the rule of law, justice, equality and non-discrimination; of respect for race, ethnicity and cultural diversity; and of equal opportunity permitting the full realization of human potential and contributing to shared prosperity.) Minimithi natin ang mundong sa bawat bansa’y pinagsasaluhan ang ipinagpapatuloy, inklusibo at sustenableng kaunlaran at disenteng hanapbuhay para sa lahat. (We envisage a world in which every country enjoys sustained, inclusive and sustainable economic growth and decent work for all.)

- Advertisement -

Tatlong mahahabang talata ang bisyon ng UN SDG. Isinalin ko lamang ang unang pangungusap ng bawat talata. Mahahaba dahil pinag-isipan ito ng maraming tao mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Lahat ng ito’y mga pangarap. Bisyon ito sa hinaharap, hanggang sa 2030. Kung tatanungin natin ang ating mga sarili—mangyayari ba ang mga ito sa takdang panahon? Napaka-ideyal, napakaperpekto ng mga ito. Utopian ang maaaring sabihin ng iba. Ang sagot ko’y oo. Kaya nating gawin ang lahat ng ating mga pangarap, lahat ng ating mga mithiin at bisyon. Nasa atin iyan at sa kolektibo nating paniniwala. Pinakamahalaga sa lahat ay nasa ating kolektibong pagkilos. Hindi mga mito ang ating mga pinag-iisipan. Bagkus, gabay ang mga ideya at konseptong ito (kaunlaran, kapayapaan, pagkapantay-pantay, atbp.) na nililikha ng pinakamatalinong isip sa lahat ng nilalang (isip ng tao) para sa “perpeksyon” na nais niyang abutin. Sa huli, walang ibang pinakamahalagang gawin kundi “gawin.”

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -