NAAALALA pa ba ninyo ang dalawang magkaibang panlaping makadiwa na MA-? Ang isa ay may aksento o diin (MÁ) at ang isa naman ay wala (MA-).
Magkaiba ang kahulugan ng dalawang panlaping ito, na ang pagkakaiba ay makikita sa aksento. Nilalagyan ng markang (‘) ang isa pero ang isa pa ay wala. Kapag may marka, mas mataas ang boses sa pagbigkas ng panlapi – binibigyang diin kasi ito. Kapag wala, tuloy-tuloy ang bigkas ng salita.
Sa kahulugan, ang pagkakaiba ay ito. Ang MA- na walang marka ay nagsasaad ng kakayahang gawin ang sinasabi ng salitang ugat. Ang MÁ- naman ay ganoon din, may kakayahang gawin ang aksyong isinasaad ng salitang ugat, pero may dagdag nang kahulugan: hindi sinasadya ang aksyon. Nágawa ito nang di sadya. Ang pangungusap na iyan ay isa nang halimbawa. NÁgawa (pansinin ang markang ‘ sa itaas ng NÁ vs. NAgawa (walang aksento).
Mga halimbawa:
- Nagawa mo na ba ang homework mo? Kailangang isubmit na ‘yan bukas. (Tuloy-tuloy ang bigkas ng pandiwang NAGAWA, nagtatanong kung natapos bang gawin ang homework.)
- Di ko akalaing kaya ko pala. NÁgawa ko na bago ko pa namalayang kaya ko pala.(Di sadya ang pagkagawa)
- NÁpatay ng mga sundalo lahat ng rebeldeng lumusob sa city hall. (Maaaring may intensiyong gawin ang pagpatay, pero ang pagkagawa nito ay may halong aksidente. Hindi sukat akalaing mapapatay lahat ng rebelde, na ang intensiyon lamang ay maaaring hulihin sila nang buhay.)
- PINATAY ng mga sundalo lahat ng rebeldeng lumusob sa city hall. (Sinadya talaga ang pagpatay kaya ibang panlapi ang ginamit, PATAYIN ang anyong pawatas ng pandiwa na binuo ng salitang ugat na PATAY at hulaping -IN.
- Nalunod ang pusa sa isang baldeng tubig. (Simpleng salaysay ng isang pangyayari. Tuloy-tuloy ang bigkas ng nalunod)
- Ay, sori, NÁlunod ko pala ang pusa sa isang baldeng tubig. (May diin sa bigkas ng NA-.Di sadya ang pagkalunod ng pusa; pansinin din na may nagsagawa ng kilos ng paglunod, na sinabi ng panghalip na KO.)
- Nilunod niya ang pusa sa isang baldeng tubig. (Sinadya ang pagkalunod. Hindi MA- ang ginamit na panlapi sa salitang ugat na lunod.)
Tinalakay sa aming klase sa hayskul, maraming taon na ang nakalilipas, ang pagkakaiba ng panlaping MA- at MÁ-. Gaya ng nasabi na, ang una ay nagsasaad ng kakayahan, ang pangalawa ay di sadyang pagsasagawa ng kilos. May diin sa bigkas ng panlaping MÁ- , ang pangalawa; ang unang MA- ay wala.
Sa paglipas ng mga taon, tila yata nawala na ang pagkakaiba ng dalawang panlapi. O maaaring naroon pa rin ang pagkakaiba, pero naglaho na sa kamalayan ng mga tagapagsalita ng wikang Tagalog. Posible na dahil sa mas pinagtuunan ang pagpalaganap at pagpapatanggap ng wikang pambansa, hindi na pinansin kung paano ginamit ang wikang ito – kung wasto ba at sunod sa tinatanggap na mga pamantayan, o “maski paps” (maski paano, kahit paano) na lang basta lang gamitin ng balana, ang pambansang wika).
Sa kasalukuyan, hindi na minamahalaga ng mga tagapagbalita sa radyo at TV ang wastong bigkas ng mga salita. “Maski paps” ang namamayani. Kung madalas na mali ang bigkas sa BUhay (life) at buHAY (alive), ito pa bang pagkakaiba ng MA- at MÁ- ang papansinin? Kung absent ang estudyante nang talakayin ang mga ito sa klase, ay hindi na niya natutuhan ang isang mahalagang aralin sa Tagalog. Ang totoo, kulang ang paliwanag ng aming guro sa paksang ito, kaya siguro, pagkalipas ng ilang taon, nang tanungin ako ng aking propesor kung may pagkakaiba pa ba ang dalawang panlaping ito, ang sagot ko ay tila nawala na ang distinction sa mga tagapagsalita.
Ang totoo, hindi naman nawala ang pagkakaiba ng dalawang panlapi. Nawala lamang sa kamalayan ng mga tagagamit ng wika, na karaniwan namang nagsasalita lamang ng wikang ito, pero wala nang panahong magsuri pa. Buhay pa rin ang pagkakaiba, pero kailangang himaying mabuti para matanim sa isip ang pagkakaiba. Dapat ding banggitin sa puntong ito na ang isang taal na tagapagsalita ng isang wika ay hindi rin naman awtomatikong nagsusuri bago bigkasin ang mga salita, basta’t bibigkasin niya ang mga salita sa paraang nakagisnan niya at hindi naman sadyang itinuro.
Halimbawa: Nakita ko siya sa mall kahapon. Paano ito bibigkasin ng isang taal na Tagalog? Ganito: NA-KI-ta ko siya sa mall kahapon. May diin sa NA, mataas din ang KI (dahil nasa KI ang aksento ng salitang ugat). Pero ang kadalasang maririnig nating bigkas ay ganito: NAKITAKO siya (tuloy-tuloy, pare-pareho ang bigat ng mga pantig).
Importante pa bang ituro?
Importante pa bang ituro ang pagkakaibang ito ng mga panlaping MA- at MÁ-? Ang sagot ay OO.
Bakit?
- Makakatipid sa salita. Sa halip sabihing, “Nalunod ko nang di sinasadya ang pusa ng kapitbahay, patawad po,” puwede nang “Ay, NAlunod ko ang pusa, patawad po.” Ang aksento sa NA- ang nagsasabing hindi sinadya ang kilos kaya naroon na rin ang pag-amin na hindi tama ang nagawa.
- Maitatanim sa kamalayan na dapat pag-aralan ang wastong bigkas ng mga salita upang maging masining at matipid ang pahayag. Hindi na gagamit ng sobrang salita kung pwede namang magtipid. Tandaan, hindi lamang sa kuryente at gas tayo dapat magtipid, maging sa pagpapahayag din.
- Masasanay tayong maging mapanuri sa ating sariling wika.
Ang kulang sa paliwanag
Nabanggit ko na na may kulang sa aming aralin noong hayskul. Hindi nasuri ng aming guro na hindi lahat ng salitang ugat ay maaaring lagyan ng panlaping MÁ- para magsaad ng di sadyang kilos. Halimbawa: MATULOG. Ang MA- dito ay nagsasaad ng kakayahang isagawa ang kilos ng pagtulog. Pero hindi pwedeng sabihin na hindi sadya ang pagtulog. NAKATULOG pala ako sa paghihintay sa iyo, ang angkop na sabihin kapag di sadyang nakatulog sa pagkainip. Gayunman, may varayti ng salitang ito sa bandang Taytay, Rizal: “Hatinggabi na nang MÁtulog ako.” (MAKAtulog sa varayti ng Metro Manila).
Huling paalala sa panlaping MA-
Mahalaga pa ring ipaalala sa mga tagagamit ng wikang pambansa ang panlaping MA- para magsaad ng kakayahang isagawa ang isinasaad ng salitang ugat. Tila nawawala na ito sa kamalayan ng marami, kahit taal na tagapagsalita o second language speaker.
Halimbawa, masalita ang pangungusap na “MAaaring maisagawa ang pagtatanghal sa lalong madaling panahon kung magtutulungan tayo. MAaari nating abutin ang tagumpay basta’t kapit-kamay.” Ang MAaari ay mayroon nang panlaping MA, kaya kalabisan na “MAaaring maisagawa…” Double whammy na ‘yan. Mapapaikli pa iyan sa ganitong paraan: “MAisasagawa ang pagtatanghal … MAaabot natin ang tagumpay…” Ang panlaping MA- ay nagsasaad na ng kakayahang magsagawa ng kilos ng salitang ugat kaya’t kalabisan nang sabihin pa ang MAAARI.
Sa totoo lang, hindi tayo sobra-sobra sa salita. Alam nating mga Pilipino kung paano magtipid sa maraming bagay, pati na sa mga pahayag. Maraming salitang Tagalog na may katambal nang kahulugan, na kung alam nating gamitin ay makakatipid tayo sa pahayag. Isang halimbawa ang “pagmumukha.” Hindi ito simpleng “mukha” na pinahaba. Kalakip na ng salita ang poot sa may-ari ng “pagmumukhang” nabanggit. Isa pa ang “bunganga.” Kapag “bunganga” sa halip na “bibig” ang sinabi, kalakip na ang pagkainis sa pinag-uukulan ng salita.
Alam ng mga malikhaing manunulat (makata, kwentista, nobelista, atbp.) ang masining na paggamit ng wika. Kailangan pa rin nating basahin at matutuhan ang kanilang mga akda. Sa kasamaang palad, hindi na yata pinababasa ng panitikan ang mga estudyante sa elementarya at hayskul. Kunwari na lamang ang “Wika at Pagbasa” na nilalaman ng Filipino sa junior high school, dahil puro masamang buod na lamang ang laman ng mga textbook, hindi na ang mismong ehemplo ng panitikan. Halos wala na ring Filipino sa kolehiyo. Tinanggal na sa General Education sa kolehiyo ang humanities at literatura. Ay, saan na patungo ang ating mga kabataan?



