PAULIT-ULIT, inanunsyo ni US President Donald Trump, humihingi na ang Iran ng negosasyon.
Paulit-ulit din, pinasinungalingan ito ng Iran.
Patuya pa ngang ipinahayag ni Iran Foreign Minister Abbas Araghchi, “Nakikipagnegosasyon si Trump sa sarili.”
Sa kalagayang ito, isang bagay ang lumilitaw na malinaw: Gusto ng Amerika na pag-usapan na lang kung anuman ang pinag-aawayan sa giyera, subalit ayaw ng Iran.
Sa bawat pagkakataon, naninindigan ang Iran sa tatlong kondisyon ng pagtatapos ng labanan. Una, katiyakan na hindi na muling makapananalakay ang Amerika sa Iran. Pangalawa, lansagin ang lahat ng base militar ng Amerika sa Gitnang Silangan. At pangatlo, kabayarang $500 bilyon ng Amerika sa Iran bilang danyos perhuwisyo. Napakaliwanag, Iran ang nagdidikta kung papaano dapat magwakas ang away.
At kung iisa-isahing suriin, maaaring mangyari lamang ang mga kondisyon na iginigiit ng Iran kung ganap nang gupo ang Amerika.
Ayaw ng Iran ng negosasyon dahil patungo siya sa ganap na paglupig sa Amerika. Dito magiging kauna-unawa na samantalang halos magmakaawa na si Trump na daanin na lamang ang labanan sa pag-uusap, todo tanggi naman ang Iran, patuloy na nagpapakawala ng mga mapamuksang missile at drone sa mga pasilidad ng Israel at mga base militar ng Amerika patawid sa Rehiyong Gulp.
Walang pag-aalinlangan sa position ng Iran. Sa lahat ng larangan, nakatuon ito sa pagwasak sa Amerika.
Sa pamamagitan ng nag-iisang hakbang na pagsara sa Strait of Hormuz, nagawa ng Iran na saktan nang husto ang Amerika, hindi lamang sa usapin na militar kundi gayundin sa ekonomiya. Nagawa ng Iran Revolutionary Guard Corps (IRGC) Navy na bombahin ang USS Abraham Lincoln ng Amerika nang tangkain nitong lumapit sa katubigan ng Hormuz sa tangkang ipatupad ang layuning sakupin ito.
Wala ni sinuman sa mga kaalyado ng Amerika sa NATO maging sa Asya Pasipiko ang tumugon sa panawagan ni Trump na magpadala ng mga warship upang agawin ang Hormuz Strait mula sa Iran.
Masahol pa, ang mga oil tanker na pinapayagan lamang ng Iran na maglayag sa Hormuz Strait ay iyung ang mga kargang langis ay binayaran sa Chinese Yuan.
Sa isang iglap, lagabog ang petro dollar – ang daloy ng buhay ng Amerika.
Sa tradisyonal na pagtingin, ang ginawa ni Trump na sariling-panig na pagdeklara ng tigil-putukan ay upang ilatag ang entablado tungo sa mapayapang pagresolba sa tunggalian. Unang idineklara ni Trump ang limang araw upang tanggapin ng Iran ang pakikipagnegosasyon.
Patuloy ang walang humpay na pambobomba ng Iran ng mga missile at drone sa mga pasilidad ng Israel at Amerika.
Dinagdagan pa ng Amerika ng sampung araw ang palugit upang tanggapin ng Iran ang alok na kasunduan. Tila nakikipag-usap lamang si Trump sa hangin sa harap ng patindi at patinding mga pag-atake ng Iran.
Panunuya ni Iran Foreign Minister Araghchi, “Nakikipagnegosasyon si Trump sa sarili.” Pasok pa sa sampung araw na huling ipinahayag na palugit ni Trump ang panahon ng pagsusulat ng kolum na ito.
Sa isang media forum, tinanong si Araghchi kung paano tinutugunan ng Iran ang mga pagbabanta ni Trump.
Sagot ni Araghchi, hindi dapat Iran ang pinasasagot sa tanong. Bagama’t, aniya, tungkulin ng bawat Iranian ang ipagtanggol ang integridad ng Iran at protektahan ang soberaniya nito, tungkulin ng Security Council ng United Nations na panindigan ang kanyang responsibilidad na parusahan ang Estados Unidos sa kanyang ginawa dahil kung hindi wala nang malalabi pa sa international law.
Ano nga namang pangmundo pang kapayapaan ang magagarantiyahan kung ang United Nations ay magpapabaya sa kanyang tungkulin?
Hindi maiaalis na sa mga alok ni Trump na pag-uusap pangkapayapaan, nanlalansi lamang ang Amerika. Gusto lamang tiyakin ni Trump na walang pananggol ang Iran kapag pinakawalan na niya ang nakatagong kapangyarihang, ayon kay Trump, “ay hindi pa nasasaksihan ng mundo kahit kailan.”
Tinutukoy na ni Trump ang bombang nukleyar? Paano kung meron na rin nito ang Iran? Iyun nga ang gustong tuklasin ni Trump.
Sa tipo ng mga kilos ng Iran, hindi ito natatakot. Sa paramdam nga ni Iran Foreign Minister Abbas Araghchi, “ibigwas mo na.” Baka may nakatagong pangontra ang Iran sa bomba nukleyar ng Amerika kung saka-sakali. Bakit ganyan siya katapang na banggain ang Amerika? Malaking katanungan.
Na dapat sagutin. Kaya humihingi ng pag-uusap si Trump. Hindi para sa kapayapaan kundi upang basahin ang talagang iniisip ng Iran at sa ganun planuhin kung paano ito tuluyang ilugmok.
Natatandaan ninyo ang ginawa ni Trump sa Ukraine? Sa dalawang oras na pakikipag-usap sa telepono kay Presidente Vladimir Putin ng Rusya upang tapusin na ang giyera sa Ukraine, nasilip ni Trump na hindi na bibitawan ni Putin ang mga teritoryong nasakop na nito. Kaya ang nakatakdang pag-uusap sa Turkey nila ni Putin ay kinansela na ni Trump. “Anong silbing mag-usap pa kung wala rin namang pagkakasunduan?”wika ni Trump.
Sa mga nagaganap na labanan sa Gitnang Silangan, dapat malinaw na kay Trump na may nakatagong alas ang Iran, dahil kung wala, bakit ganon na lamang ito kapangahas na banggain ang Amerika? Subalit kung ganyan nga na merong ganung alas, paano inasahan ng Iran na ihambalos niya ito laban sa matagal nang kinilala ng mundo na alas naman ng Amerika? Kung titimbangin sa lohika, ang ipinamamaraling alas ng Amerika ay lumitaw na isang mito. Kagaya ng natukoy na sa nakaraang paksa ng kolum na ito, kung merong ganung alas ang Amerika, matagal na niya itong isinabog.
Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa sandaling magtagumpay ang Trinity Test sa paglikha ng Atomic Bomb, hindi na nag-atubili pa ang Amerika na isabog ito sa Hiroshima at Nagasaki upang pasukuin ang Japan.
Hindi mag-aatubili ang Amerika na isabog sa Iran ang bombang nukleyar kung meron nga siyang tipo ng sandatang ito na hindi kayang harangin ng Iran. Kung nagpipigil man ang Amerika na ihambalos na sa Iran ang inaangking kapangyarihang nukleyar, iyun ay dahil sa hindi siya nakatitiyak na oras na pinasabog niya ito ay kayang iboomerang ito ng Iran sa Amerika.
Mangyari pa, nasa likod ng Iran ang China, Russia at North Korea, na maaasahang suporta ng Iran sa usapin ng kahandaang nukleyar sa lahat ng aspeto.
Ang bagay na ito ang ibig tuklasin ni Trump sa pagpipilit na mag-usap sila ng Iran. Natapos ang limang araw na palugit, hinabaan sa sampu. Sa sandaling binabasa ninyo ang piyesang ito, tapos na ang sampung araw. Alin sa dalawa? Mahaba ang kalendaryo.
Kaya ang naunang limang araw na naging sampu ay pwedeng maging dalawampu naman, tatlumpu… Kung hanggang saan aabot ang pambubully ni Trump. O di kaya naman, paiksi na nang paiksi ang pasensya ng sambayanang Amerikano upang sa sariling mga kamay ay wakasan na ang kabaliwan ng kanilang presidente. Biglang-bigla, sumambulat ngayon sa Amerika ang No Kings Movement.
Natanyag na sa kakayahang magmobilisa ng milyon-kataong-lakas na mga kilos protesta, kabilang sa mga tinututulan ng No Kings Movement ay ang mismong pananalakay ng Amerika sa Iran. Sa kadulu-duluhan, Amerika na rin ang maghuhukay ng sariling libingan.

