27.6 C
Manila
Huwebes, Hulyo 23, 2026

Bisyon

DALUMAT AT SAYSAY

- Advertisement -
- Advertisement -

MAY isang kuwento. May dalawang uri ng namumuno. Isang araw sa kagubatan, naligaw ang pulutong ng mga tao. Ang isang pinuno, iniisa-isa niya ang mga puno sa gubat at mga bakas na nilakaran nila. Inutusan niya ang mga tao niya na pumunta sa hilaga, timog, kanluran, at silangan. Nakausad sila. Nabilang nila ang mga puno at naitala ang mga daan at lusutan sa gubat. Ang isang pinuno, iba ang ginawa niya. Hinanap niya ang pinakamataas na puno at inakyat ito. Tinanaw niya ang kabuuan. Hindi lang ang gubat ang nakita niya kundi ang malawak na kagubatan pati ang mga bundok, mga ibong lumilipad sa kalangitan, at mga lupaing sa palagay niya’y hindi pa nararating ng marami. Bumaba siya sa puno at kinausap ang mga tao niya. Ikinuwento niya ang nakita niya at sinabing sundan ninyo ako; pupuntahan natin ang hindi pa nararating ng iba. Halaw ang kuwentong ito na bahagya kong binago sa aklat ni Stephen R. Covey, ang may-akda ng 7 Habits of Highly Effective People. Ang aklat na ito’y required reading namin sa klase sa Introduction to Human Resource Development na hinawakan noon ni Dr. Chito San Mateo. Hinding-hindi ko malilimutan ang aklat na ito dahil lifelong learning ang epekto nito sa akin.

Balik tayo sa turo ng kuwento. May dalawang uri ng namumuno — ang tagapamahala (manager) at ang lider (leader). Ang unang nagbilang ng puno at nag-utos na pumunta sa iba’t ibang dako ng gubat ang metapora sa tagapamahala. Ang pangalawang umakyat sa pinakamataas na puno naman ang katumbas ng isang lider. Ang dalawang ito’y namumuno, subalit iba ang nakikita ng isang lider. Nakikita niya kung ano ang magiging kinabukasan.  Natatanaw niya ang malayong landasin na kailangang puntahan. Nasasaklawan niya ang kabuuan, ang maliliit patungo sa malalaki, ang mga puno kumpara sa buong gubat at kagubatan. Sa madaling salita, ang lider ay bisyonaryo.

Samakatuwid, ang pagtanaw sa hinaharap ng isang lider ay ang bisyon. Itinatalaga ng lider ang pang-araw-araw na operasyon ng organisasyon sa kanyang tagapamahala o tagapangasiwa. Ang lider ng pribado at multinasyonal na mga korporasyon ay kilala sa taguring na chief executive officer o CEO. Kung bansa ang pinamumunuan, siya ang pangulo. Sa lahat ng organisasyon, siya ang may pinakamataas na posisyon. Iniisip ng lider kung ano ang pinakaideyal at pinakamataas o pinakamahusay na kailangang abutin ng isang organisasyon. Pero bago niya ito isulat, kailangan muna niyang konsultahin ang kanyang nasasakupan upang ang bisyon ng institusyon ay di makasarili o halaw lang sa “ambisyon” din ng lider. Ang bisyon ng organisasyon ay dapat na representasyon ng lahat ng naiisin, pangarap, at mithiin ng lahat. Pagninilayan iyon ng lider at saka bubuuin ang bisyon ng kanyang kapwa-kasamahan sa organisasyon. Isa itong demokratikong proseso, mapagpalaya, at makabuluhan para sa lahat, dahil dito nakasalalay ang commitment ng bawat isa na makiisa, magtulungan, at makipagbayanihan upang matupad ang bisyon ng organisasyon. Ang visioning process ay isang sangkap sa organizational development na itinuro sa amin noon ng SVP for Human Resource Development ng Ayala Corporation, si Ramon “Mon” Medina.

Ang pambansang bisyon ang pagtuunan natin ng pansin. Tulad ng maraming bansa, mayroong bisyon ang kani-kanilang pangulo o punong ministro kung saan nila gustong dalhin ang bansa sa hinaharap. Sa Estados Unidos, nais ni Donald Trump na “Make America great again” o MAGA. Subalit sa aking opinyon, nagiging diktador itong si Trump lalo na ang kanyang giyera sa Iran. Ilalaan ko sa ibang kolum ang usaping ito.

Ang Asean region, kung saan kasali ang bansa natin, na kinabibilangan ng Laos, Malaysia, Singapore, Thailand, Vietnam, Brunei, Cambodia, Myanmar, Indonesia, at Timor-Leste, ay minimithi na maging “matatag, inobatibo, dinamiko, at makatao” pagdating ng 2045.


Sa ating bansa, paulit-ulit nating nababasa ang AmBisyon 2040. Ano ba ito? Ito ang pambansang bisyon ng Pilipinas na kinonseptuwalisa ng National Economic Development Authority (NEDA) simula 2015 sa panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino. Si Arsenio Balicasan ng NEDA ang punong arkitekto nito. Nagpatuloy ito hanggang kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa kasalukuyan, sa pamumuno ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. Isa itong legacy program o tipan (covenant) na hindi binabago o inaalis ng mga sumunod na pangulo ng bansa. Kahanga-hanga ito dahil madalas, kapag bago ang pangulo, pumapasok ang kapritso at personal na ambisyon. Bakit kaya? Ito kasi ay kolektibong bisyon. Galing ito sa mga tao. Mahusay, makatao, at makakatwiran ang paglalatag ng bisyon dahil nagsagawa muna ng visioning survey ang NEDA.

Sa pagkakaalam ko, walang ganitong komprehensibo’t siyentipikong paglalatag ng pambansang bisyon na galing sa pulso at tinig ng mamamayan. Sa dokumentong AmBisyon 2040: Highlights of the national survey on the aspirations of the Filipino people, ito ang mithiin ng sambayanang Filipino: “Pagdating ng 2040, maginhawa tayo sa pagkakaroon ng panatag at komportableng pamumuhay, walang alinlangan na magugutom o tustusan ang mga bayarin, na kaya naming magplano at ihanda ang aming kinabukasan at mga anak. May matitirhan ang aming pamilya at may layang maglakbay sa taguyod at tulong ng isang malinis, maayos, at patas na pamahalaan. (In 2040, we will all enjoy a stable and comfortable lifestyle, secure in the knowledge that we have enough for our daily needs and unexpected expenses, that we can plan and prepare for our own and our children’s futures. Our families live together in a place of our own, yet we have the freedom to go where we desire, protected and enabled by a clean, efficient, and fair government.) Samakatuwid, ang pangarap ng mga Filipino’y maiahon sila sa kahirapan, magkaroon ng disenteng pamumuhay,  hanapbuhay at bahay, at wakasan ang katiwalian sa pamahalaan.

Hindi iyan mahirap gawin kung aalisin nating lahat ang ganid at pagkaalipin sa personal na interes — sa ambisyong puro sarili at pamilya ang inuuna, imbis na kapakanan ng kapwa at bansa. Nagawa iyan ng maraming bansang mahihirap noon na ngayo’y mauunlad na tulad ng South Korea, Singapore, China, at unti-unti umaahon ang bansang Vietnam. Napag-iiwanan na tayo. Puno’t dulo, nakasalalay ang mithiin nating kaunlaran sa ating pagkilos at sa lider ng bansa na may bisyon.

[Itutuloy]

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -