MATAPOS ipatupad ng indonesia ang isang social media ban para sa mga menor de edad na wala pang 16 taong gulang, muling iginiit ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangang magpatupad ng parehong polisiya dito sa Pilipinas.
Indonesia ang unang bansa sa Timog-Silangang Asya na nagbawal sa mga menor de edad na gumamit ng social media. Sa ilalim ng naturang regulasyon, ipagbabawal para sa mga menor de edad na wala pang 16 taong gulang ang paglikha at paggamit ng mga account sa mga platforms na itinuturing na ‘high-risk,’ kabilang ang Instagram, Tiktok, Facebook, YouTube, X, Roblox, at iba pa.
Matatandaan ding hinimok kamakailan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang mga telcos na maghanda para sa posibleng ban ng Roblox sa buong bansa upang protektahan ang mga bata mula sa pang-aabuso sa online platform at sa nakakapinsalang nilalaman ng naturang platform.
Sinundan din ng panawagan ni Gatchalian ang naging desisyon ng isang jury sa Los Angeles kung saan pinapanagot ang YouTube at Meta dahil sa idinulot nitong social media addiction sa mga kabataan.
Binalikan din ng senador ang mga naging resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), kung saan lumalabas na sa bawat isang oras na dagdag sa paggamit ng digital devices ng mga 15-taong gulang na mga mag-aaral para sa paglilibang, bumaba ng apat na puntos ang kanilang mga marka sa math.
“Huwag na nating hayaang lumala pa ang problema bago tayo kumilos,” ani Gatchalian.
Noong 2024, Australia ang naging unang bansa sa mundo na nagbawal ng paggamit ng social media para sa mga menor de edad na wala pang 16 taong gulang. Naging ganap ang naturang ban noong Disyembre 2025



