28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Ugnayan ng Pilipinas at Iran, nananatiling matatag — Malacañang

- Advertisement -
- Advertisement -

TINIYAK ng Malacañang na nananatiling maayos at matibay ang relasyon ng Pilipinas at Iran sa kabila ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.

“Nanatiling masigla ang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at ng Iran,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing sa Palasyo nitong Lunes.

Sinabi ni Castro na nauna nang inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Foreign Affairs na makipag-ugnayan sa Iran upang matiyak ang ligtas na pagdaan ng mga barkong Pilipino sa Strait of Hormuz, na mahalaga para sa suplay ng enerhiya sa bansa.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro, tiniyak ni Iranian Foreign Minister Seyed Abbas Araghchi ang ligtas at mapayapang paglalayag sa Strait of Hormuz ng mga barkong may bandilang Pilipino na may kargang langis at sakay na mga Pilipino.

Sinabi ni Castro na mahalaga ito upang masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipino at ang tuloy-tuloy na suplay ng langis at pataba sa bansa.

“Matitiyak din nito ang tuloy-tuloy na delivery ng langis at fertilizer supplies sa Pilipinas,” diin ni Castro.

Dagdag pa niya, patuloy na binabantayan ng pamahalaan ang sitwasyon at gumagawa ng hakbang si Pangulong Marcos upang mapanatili ang sapat na suplay ng mga produktong petrolyo.

“Makakaasa ang bawat isa na ang Pangulo ay mangunguna sa lahat ng mga hakbang upang mapanatili ang supply ng langis sa bansa,” wika ni Castro.

Nauna nang inihayag ng Pangulo na patuloy ang Pilipinas sa paghahanap ng iba pang pagkukunan ng produktong petrolyo sa iba’t-ibang panig ng mundo, kabilang na ang mga non-traditional sources. | PND

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -