INIHAIN ni Senadora Imee Marcos ang Senate Bill No. 2007, na layuning maipakita ang tunay na presyo ng mga produktong petrolyo at wakasan na ang walang paliwanag na pagtaas ng presyo nito sa merkado.
Ayon sa panukala, oobligahin ang mga kumpanya ng langis na ilahad ang kabuuan ng presyo—mula sa gastos sa krudo, pagkarga, proseso ng refining, at maging sa buwis at kita. Kailangan itong ilantad nang malinaw sa mga gasolinahan pati online platform, at isumite sa Department of Energy (DOE).
“Hindi puwedeng hulaan lang natin kung bakit ganyan kamahal ang gasolina. Karapatan ng mamimili malaman ang buong kuwenta, hanggang sa huling sentimo,” diin ni Marcos.
Sa panukala, dapat may 7-araw na paunang abiso bago ang anumang pagtaas sa presyo, kasama ang malinaw na paliwanag kung saan nanggaling ang dagdag at gaano kalaki ang epekto sa publiko.
“Kung may dagdag-singil, dapat may malinaw na basehan. Kung may pagtaas, dapat may paliwanag—hindi puro anunsyo na walang konkretong detalye,” ani Marcos.
“Hindi ito price control. Ito ay pagsasaayos sa isang sistemang matagal nang magulo at malabo. Kapag malinaw ang batayan ng pagtaas, tiyak na mababawasan ang pagkakataon ng pang-aabuso.”
Kasabay nito, pinalalakas din ang kapangyarihan ng DOE na magsagawa ng audit, magtakda ng makatwirang pamantayan sa kita, at umaksyon laban sa mga lalabag.
“Panahon nang itigil ang sistemang pabor lang sa iilan. Hindi dapat dehado ang mamimili sa bawat litro ng gasolina,” giit ng senador.
Binigyang-diin din ni Marcos na ang panukala ay hindi laban sa negosyo, kundi laban sa kawalan ng malinaw na pananagutan.
“Kung maayos at makatarungan ang presyo, walang dapat itago. Pero kung may tinatago, doon tayo dapat magtanong,” dagdag niya.
Nanawagan si Marcos sa Kongreso at publiko na suportahan ang panukala para tuluyang maipatupad ang katapatan sa industriya ng langis at masigurong patas ang presyo para sa lahat.



