26.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Ang pagsibol ng West Philippine Sea

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

MULA’T sapul, nakagisnan ko na sa alaala ang South China Sea bilang ang malawak na karagatan sa kanluran ng Pilipinas. High school pa lang, paboritong subject ko na ang history na mangyari pa, laging sangkap ay ang mga mapa ng iba’t-ibang lugar, alin kung sa mundo, sa Asya Pasipiko o sa Pilipinas.

Magkaganun man, sa mga mapa na nasumpugan ko sa mga pagbabasa hinggil sa kasaysayan, palagi nang ang turing- at malinaw na nakasulat – sa karagatang sumasaklaw sa buong kahabaan ng arkepilago ng Pilipinas sa kanluran ay South China Sea.

Ni minsan sa buong panahon ng pagsasanay akademiko na aking dinaanan, ang pangalan ng karagatan ay nabago.

South China Sea noon.  South China sa paglipas ng napakahabang panahon.  Nang di kaginsa-ginsa’y, sa aking pagbabasa ng mga naging kaganapan sa komemorasyon ng Ika-Limampung anibersaryo ng 1951 Mutual Defense Treaty (MDT), tinuringan ng noon ay United States State Secretary Hilary Clinton ang nabanggit na karagatan bilang West Philippine. Kinailangan ko ang panahon ng pananaliksik upang tiyakin na ang karagatang tinutukoy ni Clinton ay ang South China Sea nga.

Kaya, totoo ito, walang halong buladas, nganga talaga ako: “Anyare?”  Mahalagang tukuyin na ang okasyon ay naganap sa proa ng USS F G Fitzgerald na nakadaong noon sa Manila Bay. Kaya agad may kulay militar Amerikano ang okasyon na tinampukan ng kauna-unahan kong pagkakataon na marinig ang pangalang “West Philippine Sea.”


Maliwanag na ang pagsibol ng pangalang West Philippine Sea ay may malalim na kaugnayan sa noon ay namumuo nang sigalot sa mga malinaw na mga panghihimasok ng Amerika sa Timog Silangang Asya.

Sa katunayan, si Clinton ay nagmula pa sa Indonesia na roon kasama ni Presidente Barack Obama ng Amerika ay dumalo siya sa East Asia Summit.

Mapupuna na di pangkarinawan ang mga kilos ng Amerika sa Timog Silangang Asya. Sa nasabing East Asia Summit, halos wala nang paliguy-ligoy pa si Presidente Obama sa paggigiit nang harap-harapan kay Chinese Premier Wen Jiabao nang ganito: “Bagamat hindi kami (ang Amerika) sangkot sa sigalot ng  Timog Silangang Asya,  kami ay isang bansang Pasipiko, at garantisador ng kapayapaan sa Rehiyong Asya Pasipiko.”

Mula sa Indonesia, nagtuloy naman si Obama a Vietnam para sa sariling pakikipag-ugnayan sa rehiyon sa mga usaping pang-seguridad.

- Advertisement -

Sa katunayan, iyun ang panahon ng pamumukadkad ng ipinrograma ni Obama na Asia Pacific Pivot na nagsimula noon pang 2008.  Kung ano ang nasabing pivot ay maliwanag na isinalarawan ni Clinton sa Isang artikulo na inilimbag ng Foreign Policy Magazine nang nagdaang 2011.

Pinamagatang “America’s Pacific Century,” buong kasiguruhanna ipinahayag ng artikulo, “Ang kinabukasan ng pulitika ay pagpasiyahan sa Asya, hindi sa Afghanistan o Iraq. At ang Estados Unidos at naroroon mismo sa sentro ng labanan.”

Maraming mararahas na alon nà ang humampas sa mga dalampasigan ng South China Sea.  Balikan ang Scarborough Shoal Standoff. Nang halos mauwi ito sa palitan na ng putok sa pagitan ng BRP Gregorio del Pilar at ng People’s Liberation Army Navy.

Isang linggong punong-puno ng tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas.  Humupa lamang ang tensyon nang pili ng BRP Del Pilar ang magbigay-daan. Ayon sa mga balita, iniudyok ng Amerika ang ganung pagbibigay-daan at sa halip ay pumalaot sa arbitrasyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) at the Hague. Makaraan ang tatlong taon ng pagdinig sa kaso, ipinasya ng PCA na iligal ang nine dash line ng China, na hanggang sa ngayon ay ipinamamarali ng mga domestikong alipuris ng Amerika sa Pilipinas na patibay sa kawastuan ng pag-angkin ng Pilipinas sa West Philippine Sea.  Masalimuot ang hatol ng PCA.

Una, maliban sa manipestasyon na hindi nito kinikilala ang hurisdiksyon ng PCA, hindi lumahok ang China sa mga proceso ng PCA.

Papaano magkakaroon ng arbitrasyon ng isang panig lamang?  Pangalawa, oo nga’t sa ilalim ng Part XV, Section 2 ay kinikilala ng UNCLOS ang sapilitang arbitrasyon bilang paraan ng paglutas sa alitan ng mga miyembro, ito ay sa mga kaso na ang alitan ay hindi pa sumasailalim sa isang kahalintulad na proseso. Sa kaso ng alitan ng China at Pilipinas sa West Philippine Sea, ito ay sumailalim na sa proseso ng Declaration of Conduct (DOC) of Parties in the South China Sea between China and Asean, at sa bisa ng Annex VII ng UNCLOS, hindi na maaaring pakialaman sa iba pang kahalintulad na mga pamamaraan.

- Advertisement -

Subalit ganyan talaga ang Amerika. Lahat babaluktutin maipilit lamang ang imbing naisin.

Ang West Philippine Sea.  Binaluktot ng Amerika ang kasaysayan upang sa bisa ng mga di-pantay na tratadong militar nito sa Pilipinas ay magawang makapakialam ang Amerika sa Pilipinas at sa gayo’y isulong ang planong itatag ang America’s Pacific Century.

Mantakin mong isa na namang siglo ng pangayupapa ng Pilipinas sa mga panghahayupak ng Amerika.  Uulit-ulitin ko ang pagturing na West Philippine Sea sa karagatang pilit ipinakikipag-agawan ng Pilipinas sa China.

Uulit-ulitin na sa mahabang yugto ng kasaysayan ang karagatang iyun ay nakilala lamang bilang Nanhai, ang bigkas Chino na sa napakahabang kasaysayan ang ibig sabihin ay karagatan sa katimugan.  Kung bakit biglang-bigla, ito ay tinawag na West Philippine Sea.

Sa paraan lamang ng paulit-ulit na paglilinaw, magigising ang sambayanang Pilipino na ang West Philippine Sea ay bunga lamang ng pambabaluktot ng Amerika sa kasaysayan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -