28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Artipisyal

DALUMAT AT SAYSAY

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Pebrero 24, 2026, naimbitahan akong maging resource speaker sa roundtable discussion (RTD) ng Research Center for Culture, Arts, and Humanities (RCCAH) at ng Research Center for Social Sciences and Education (RCSSED) ng UST. Bahagi ito ng kanilang taunang research fortnight na ang pangkalahatang tema ay nakatuon sa Digital Humanities at Biotechnology. Kasama ko ang ilang iskolar at propesor mula sa University of Santo Tomas (UST) at ibang pamantasan para pag-usapan namin ang paksa tungkol sa Digital Humanities at Artificial Intelligence o AI. Taimtim ang aking pasasalamat sa imbitasyon ni Dr. Anton Heinrich Rennesland ng UST-RCCAH at kay Prof. Jeremaiah Opiniano ng UST-RCSSED. Ibubuod ko rito ang mga kaisipan at pananaw kong ibinahagi sa ginanap na RTD mula sa aking ginawang notes.

Dalawa ang nagtatagisang isip sa kasalukuyan. Ang una, ang isip ng tao (the mind) o nous mula sa salitang Griyego, at ang pangalawa, ang isip ng makina na babansagan kong the mine(d) sa Ingles. Dalawa ang kahulugan niyan. Una, kaalamang minina ito mula sa mga datos at impormasyong hinukay mula sa iba’t ibang sanggunian. Tinanong ko si ChatGPT kung saan galing ang kanyang mga datos. Ito ang sagot niya: (a) licensed data mula sa mga aklat, academic texts at curated datasets, (b) impormasyong nakapubliko tulad ng websites, articles, general knowledge sources, (c) at datos na nilikha ng human trainers ng AI. Ibig sabihin, karamihan, o kung di man lahat, ay galing sa internet. Isipin din na ang “mine” ay pag-aangkin. Ang tanong—pag-aangkin ba ito na nagpapaalam o pag-aangkin nang basta-basta na lamang? Sa aking pananaw na ibinahagi sa RTD, sa simula’t sapul, may etikal-ontolohikal na problema ang AI. Ang data scraping na ginagawa sa internet ng mga data miner ay walang paalam. Hindi natin batid kung alin sa ating public post at public site ang minina nila. Ang internet ay hindi isang neutral o simpleng platform o imbakan. Nakalagak dito ang ating mga tinig, kuwento, hinaing, sintimyento, at marami pang iba.

Nagulantang ang madla sa pagdating ni AI noong 2022. Dati, sanay tayong gumamit ng Google para mag-search. Pinipili natin ang mga website, video, blog at ibang site na tutugon sa ating hinahanap. Ngayon sa AI, ito na ang maghahanap at sasagot sa tiyak mong tanong. Kung malinaw ang tanong mo, malinaw din ang sagot nito. Malaking dagok ito sa akademya dahil maaaring gawin, sulatin, at sagutin ng AI ang mga akademikong kahingian ng mga estudyante. Paano natin ngayon masusukat at matataya kung natututo sila? Halimbawa, sa pagsulat ng tesis o disertasyon.  Dati, nakasusulat tayo dahil sa mga nabasa natin. Ang mga nabasa natin ay galing din sa inisip ng iba. Inilimbag nila. Nagbasa tayo ng maraming aklat, journal, pati online sources. Bumuo tayo ng sintesis, batay sa talaban ng mga tesis at antitesis na nababasa natin. Ang ating isip ang gumagawa nito; ang ating isip ang lumilikha ng bagong kaalaman.  Inililimbag natin ang ating naiisip, sinasaliksik, at sinusulat.  Awtorsyip at awtoridad sa disiplina ang kinalalabasan nito para sa isang estudyanteng nagnanais maging iskolar o intelektuwal sa akademya. Marami-raming publikasyon at mahaba-habang paglalakbay ito ng isang akademiko.

Ngayon sa AI, scenario 1: nagsusulat tayo pero: (a) binubuod nito ang ating RRL, (b) ini-edit nito ang ating sinusulat, (c) inaamin natin sa papel o akda na ginamit natin ang AI. Sa scenario 2: May input tayo ng kaunting ideya pero ang AI na ang nagsusulat. Masaklap, walang disclosure. Sa scenario 1, ang AI ay assistive AI. Sa scenario 2, ang AI ay naging substitute mo. Marami pang baryasyon at insidente kung paano natin ginagamit ang AI, ngunit inaangkin nating tayo ang gumawa. Bago tayo mawalan ng kumpiyansa sa ating mga estudyante o maski sa ating mga sarili, kailangan ng matinding balitaktakan sa paggamit ng AI sa akademya. Mainit na ang debate nito sa mga unibersidad sa US at Europa. Kailangang angkop sa atin ang mga polisiya at hindi lamang inangkat muli sa ibang bansa. Iba ang ating danas at konteksto. Malalaman ito sa ating diyalogo.

Upuan at pag-usapan ito ng mga guro, mananaliksik, manunulat, at iskolar sa mga disiplina. Imapa natin ang gamit at limitasyon ng AI. Aralin natin ang kakayahan ng AI at ang magiging epekto nito ngayon at bukas sa ating mga disiplina. Gamitin natin ang AI upang malaman ang kakayahan nito. Mahirap yung tahol tayo nang tahol na hindi natin alam ang ating pinagsasabi. Hindi natin maituturo ang bagay na hindi natin alam.


Sumunod, bumuo tayo ng kolektibo sa humanidades, agham panlipunan, agham, at iba pang mga disiplina.  Alalahanin natin na nilikha ang AI dahil din sa kolektibo ng mga eksperto.

Hindi natin ito magagawa kung isang philosopher lang ang gagawa. Kailangan ng sociologist, artist, writer, anthropologist, historian, lahat kayo, lahat tayo at iba pa, kailangang mag-usap at bumuo ng mga polisiya.

Sa personal na lebel, ang sagot din natin sa AI ay AI. Inisyal na A.I. Kasi bago tayo pumasok sa inter/multi o transdisiplinaryong pananaliksik, nag-iisip munang mag-isa ang iskolar. Aking iniisip o inuurirart ba na kontrolado ko ang aking likha, sining, at sinulat? Aking iniisip ba na kontrolado ko ang aking tadhana? Sa Ingles, Am I? Am I in control of my destiny?

Am I in control of my artistry, my artistic expression, my writing, and academic creations?

- Advertisement -

Sa huli, kung nagpapadala tayo sa bagong teknolohiya na hindi nagninilay at walang pakialam basta makalikha tayo ng marami at mabilis na publikasyon, may lisyang etikal dito. Kapag ginamit natin ang AI at walang disclosure, tayo ang artipisyal.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -