28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Kaya ba ng OFW na maging sarili nyang CFO?

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG JUAN)

- Advertisement -
- Advertisement -

UNCLE, nakita ko si Manong Tonyo, umuwi na galing Saudi. Ang dami niyang dalang pasalubong, at ramdam mong masaya. Pero pagtanong ko sa kanya kung ano na plano sa pinag-ipunan, parang nag-aalala na naman.

Talagang mahirap ang sitwasyon ng mga OFW. Nagpapakasakit para sa pamilya, pero pag-uwi, parang hindi alam kung paano palalaguin ang pinaghirapan o kung meron mang naisubi pag natapos na ang kontrata.

Naku, Juan, ‘yan ang madalas na kuwento. Ang ating mga bagong bayani, ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs), ay tunay na karapat-dapat purihin.

Pero ang pagpapadala ng remittance ay simula pa lang. Ang tunay na hamon at tagumpay ay nasa kung paano nila pamamahalaan ang perang pinaghirapan nila para sa isang matatag na kinabukasan. Ang kailangan nila, Juan, ay maging sariling “Chief Financial Officer” o CFO ng kanilang buhay.

Ang pagiging CFO ng iyong sariling buhay pinansyal ay nangangahulugang paglipat mula sa “remittance-only” mindset tungo sa isang “wealth-building” mindset. Hindi lang ito tungkol sa pagpapadala ng pera sa pamilya, kundi sa pagpaplano, pagba-budget, pag-invest, at paggamit ng mga resources para palaguin ang yaman at magkaroon ng seguridad.


Bilang isang OFW, ikaw ang may kontrol sa iyong pinansyal na kapalaran. Ngunit madalas, ang kakulangan sa kaalaman at maling pag-iisip ang nagiging balakid.

Ang Hamon: Kakulangan sa financial literacy at mga mindset na nakaaapekto

Sa kabila ng kanilang sipag at sakripisyo, mayroong malaking porsyento ng OFWs na nahihirapan sa epektibong pamamahala ng kanilang pera. Ayon sa mga obserbasyon, hindi ito dahil sa kakulangan ng kita, kundi sa kakulangan sa financial literacy at sa mga mindset na nakaugat sa ating kultura.

Ayon sa pananaliksik, 25 porsiyento lang ng mga Pilipino ang financially literate. Ang ibig sabihin nito ay malaki ang posibilidad na ito ay nagdudulot ng kahirapan, mataas na lebel ng pangungutang, at mababang financial inclusion o yung partisipasyon ng mas marami sa financial activity. Ito ay pinapaintindi ng mahinang kapasidad sa financial decision-making, budgeting at pag-iipon.

- Advertisement -

Sa huling financial inclusion survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas, mas konti ang mga Pilipinong may ipon at insurance. Ang mga  Pilipinong may ipon sa bangko ay bumagsak sa 37 porsiyento nung 2021 mula 53 porsiyento nung 2019 o katumbas ng 9.7 milyong savers. Mas marami pa rin ang nagtatago ng kanilang savings sa bahay (52 porsiyento). Sa mga OFWs, 34.5 porsiyento lang ng OFW households ang naglalaan ng remittances sa savings. Ito ay malinaw na kawalan o kahinaan ng financial literacy sa Pilipinas.

Sa ating mga OFW, may mga obserbasyon sa kanilang mga pinapamalas na kaisipan at financial behavior tulad ng:

  1. Ang “Remittance-Only” Mindset: Maraming OFW ang nakatutok lang sa pagpapadala ng pera para sa agarang pangangailangan ng pamilya, nang walang malinaw na plano para sa hinaharap o paglago ng pera. Ito ay bunga ng matinding “utang na loob” at pressure mula sa pamilya, na nagpapahirap na magtabi para sa sarili o mag-invest.
  2. “Kaya na ni misis/mister” Mentality: Madalas, ipinapasa ang responsibilidad ng financial management sa asawa o kamag-anak sa Pilipinas. Bagama’t may tiwala, ang kawalan ng joint planning at oversight ng OFW ay nagbubukas sa posibilidad ng maling paggastos, pag-abuso, o simpleng hindi epektibong pamamahala.
  3. Short-term vs. Long-term Thinking: Ang focus ay madalas sa “ngayon” – pang-araw-araw na gastusin, pagpapatayo ng bahay (kahit hindi tapos), pagbili ng gadgets. Ang pagpaplano para sa pagreretiro, edukasyon ng anak sa kolehiyo, o pagnenegosyo ay madalas na napag-iiwanan.
  4. Kawalan ng Kaalaman sa Investment at Risks: Dahil sa kakulangan ng financial literacy, marami ang hindi nakakaalam sa iba’t ibang uri ng investment, sa mga kaakibat na risks, at kung paano protektahan ang pera mula sa scammers. Ito ay nagdudulot ng takot na mag-invest o kaya ay pagiging biktima ng “too good to be true” na investment schemes.
  5. Stigma sa Pag-uusap ng Pera: Sa ilang pamilya, ang pag-uusap ng pera ay bawal o sensitibo. Ito ay nagpapahirap sa pagtatakda ng financial boundaries o pagtalakay sa mga problema.

Paano maging Sariling CFO: Ang papel ng financial literacy at tamang mindset

Ang solusyon sa mga hamong ito ay nakasalalay sa pagpapalakas ng financial literacy at pagbabago ng mindset. Narito ang mga hakbang para maging sarili mong CFO. Tawagan natin itong 5M na action steps:

  1. Magtatag ng financial strategy (Ang “Board of Directors” Mentality)
  2. Magtakda ng malinaw na layunin. Hindi sapat na sabihing “gusto kong yumaman.” Sa tulong ng financial literacy, matututunan mo kung paano magtakda ng SMART (Specific, Measurable, Achievable, Relevant, Time-bound) goals. Ito ba ay bahay sa loob ng limang taon? Negosyo na may X halaga ng puhunan? Ang kaalaman ang magbibigay ng direksyon.
  3. Gumawa ng budget. Ito ang pinakapundasyon. Sa financial literacy, hindi lang simpleng pagtatala ng kita at gastos, kundi pag-unawa sa kahalagahan ng pag-prioritize ng savings (hindi bababa sa 20% ng kita) bago gumastos. Ito ang magbabago sa “remittance-only” mindset.
  4. Iwasan ang “Lifestyle Creep.” Ang financial literacy ay nagtuturo ng disiplina at delayed gratification. Kapag alam mo ang halaga ng bawat piso at ang long-term benefits ng pag-iipon, mas madali mong maiiwasan ang sobrang paggastos kahit tumaas ang kita.
  5. Makilahok sa  suporta ng gobyerno para sa financial literacy

Hindi ka nag-iisa sa paglalakbay na ito. May mga ahensya ng gobyerno na handang tumulong, na partikular na idinisenyo para sa kakulangan sa kaalaman.

  1. Suriin ang BaLinkBayan Portal. Ito ay flagship program ng Commission on Filipinos Overseas (CFO) at Department of Migrant Workers (DMW). Dito mo makikita ang pinagsama-samang impormasyon tungkol sa investment opportunities, serbisyo ng gobyerno, at mga inisyatibo sa pagnenegosyo. Isang click away ang kaalaman na makakatulong sa pagbabago ng mindset.
  2. Dumalo sa PDOS at Financial Seminars: Bago ka pa man umalis, siguraduhin na dumalo ka sa Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS). Dito, makakakuha ka ng kaalaman sa financial management, savings, at investment options sa Pilipinas. Mayroon ding OWWA, na nagbibigay ng reintegration support, training, at financial counseling. Ang mga programang ito ay sadyang idinisenyo para tugunan ang literacy gap.
  3. Mag-invest sa income-generating assets

Ang perang nasa bangko lang, madalas ay hindi sapat. Kailangan itong gumana para sa iyo. Ang financial literacy ang magtuturo kung paano mamuhunan nang tama.

- Advertisement -
  1. Pagnenegosyo: Ang DTI at DMW ay nagtutulungan para tulungan ang mga OFWs na magtatag ng negosyo pagbalik sa bansa. Nag-aalok sila ng training at posibleng financial aid. Sa financial literacy, matututunan mo kung anong negosyo ang bagay sa iyo at kung paano ito patakbuhin nang epektibo.
  2. Franchising: Kung gusto mo ng mas established na negosyo, isaalang-alang ang franchising. Ang Department of Trade and Industry o DTI ay may specialized loan programs katulad ng P2 bilyon na OFW Negosyo Fund at OFW Franchise Fund. Ang mga programang Ito ay nagbibigay ng loans mula P30,000 hanggang P20 milyon na may 0% interest at walang principal repayment sa maraming taon at walang kolateral para sa loans na hanggang P5 milyon. Ang kaalaman ang magtuturo sa iyo na suriin ang ROI (Return on Investment) at risks.
  3. Reintegration programs. Sumali sa mga programa na nagbibigay ng libreng training sa iba’t ibang larangan, tulad ng turismo, para magkaroon ka ng sustainable income pagbalik mo sa Pilipinas.
  4. Magmatyag sa pagprotekta ng ari-arian at remittance

Ang pinaghirapan mo, dapat protektado. Ang financial literacy ang magtuturo sa iyo kung paano.

  1. Siguraduhin ang remittance: Gamitin ang mga opisyal at episyenteng channels sa pagpapadala ng pera. Iwasan ang mga informal na paraan na may mataas na fees o mataas na panganib. Ang bawat piso ay mahalaga, kaya siguraduhin na ang buong halaga ay nakakarating sa pamilya at sa iyong ipon.
  2. Insurance at savings: Magkaroon ng emergency fund na kayang sumuporta sa 3–6 na buwang gastusin ng pamilya. Kumuha ng sapat na insurance (health, life, property) para protektahan ang sarili at pamilya laban sa mga hindi inaasahang pangyayari. Ang kaalaman ay magtuturo sa iyo na unawain ang policies at pumili ng tama.
  3. Mag-aral ng tuloy-tuloy  para sa pagkakaroon ng CFO mindset:

Ang mundo ng pera ay patuloy na nagbabago, kaya dapat updated ka rin. Ito mismo ang mindset ng isang tunay na CFO.

  1. I-update ang kaalaman: Manatiling updated sa mga bagong financial products, investment opportunities, at economic trends sa Pilipinas. Hindi lang ito tungkol sa sarili mo, kundi sa pagtuturo din sa iyong pamilya sa Pilipinas.
  2. Empowerment. Ang pagiging financially literate ang magbibigay sa iyo ng kapangyarihan para makagawa ng matalinong desisyon at maprotektahan ang iyong pinaghirapang pera, na sa huli ay magdudulot ng tunay na economic independence.

Juan, ang pagiging OFW ay hindi lang tungkol sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Ito ay isang pagkakataon para kontrolin ang iyong financial destiny at magtayo ng matatag na kinabukasan. Sa pamamagitan ng pagpapalakas ng iyong financial literacy at pagbabago ng iyong mindset mula sa “remittance-only” tungo sa “wealth-building,” makakarating ka sa pangarap mo na matatag na buhay.

Ipagpatuloy ang laban sa buhay, OFW, bilang sarili mong CFO!

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -