32.3 C
Manila
Huwebes, Hunyo 11, 2026

Pagpapakatao

DALUMAT AT SAYSAY

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG humanidades (humanities) ang pinakakawawang larangan sa akademya na madalas binabawasan o inaalis ng mga unibersidad sa kanilang kurikulum upang ipagdiinan na mas mahalaga ang Science, Technology, Engineering & Mathematics (STEM) sa kasalukuyang panahon. Sa puntodebista ng administrador at curriculum planner, kailangang alisin na ito dahil inuulit lang daw nito ang natutuhan sa basic education. Sa pananaw ng mga magulang, nasasayangan sila sa tuition na kanilang ibinabayad. Para sa mga estudyante, ano ba raw ang mapapala nila kapag kinuha ito? Sa mga education regulator tulad ng DepEd at CHED, nagbabago na raw ang kurikulum at kailangang nakapokus sa pangangailangan ng industriya at ekonomiya.

Ano ba ang humanidades? Ito ay isang malawak na larangan tungkol sa sining, kultura, sarili, pag-iisip, at kalayaan ng tao na binubuo ng mga disiplina tulad ng wika, panitikan, pilosopiya, pag-aaral sa sining (art studies) at kultura (cultural studies), kasaysayan, at araling panrelihiyon (religious studies). May kasanayan bang matutuhan sa mga disiplinang iyan? Ano ang mapapala ng mga estudyante? Sa kabuuan, tinuturuan at sinasanay ang bawat mag-aaral na makamit ang mga kasanayan sa paglikha o pagkatha, pagdidisenyo, pag-iisip nang kritikal, pagsusulat, pamumuno, at pakikipagkapwa-tao. Ayaw kong bansagan ng soft skills ang mga iyan kumpara sa hard skills na matutuhan sa mga espesipikong larangan ng STEM tulad ng programming, pagpapaandar ng makina, pagtatayo ng gusali, pagtutuos ng gastusin, atbp. Kung tutuusin, mga pundamental na kasanayan ang mga nabanggit na kung wala ang mga kasanayang iyan, mananatiling malabnaw o kulang ang hard skills.

Sa punto ng kurikulum, kailangang nagbabanggaan ang mga disiplina. Hindi puwedeng dahil STEM-heavy ang programa, STEM-based din ang ibang disiplina sa general education. Magiging one-dimensional ang pagkatuto ng mga estudyante. Ganun din sa humanidades, kailangang marami o kapantay din ang mga kurso dito sa mga kurso sa STEM. Balanse o kung hindi ma’y risonable ang distribusyon ng mga kurso. Kapag diyalektikal o natatalaban ang mga disiplina, nag-iiwan tayo ng espasyo sa isip ng mag-aaral na magtanong at magkuro-kuro. Tatanungin ng isang mag-aaral ng Computer Studies kung etikal ba ang pagkuha ng impormasyon nang hindi nagpapaalam? Ang premis nito’y nagagamit niya ang natutuhan sa etika na isang disiplina sa pilosopiya. Uusisain ng isang engineering student ang pakinabang ng isang istruktura o imbensyon, bago ito isalang sa publiko. Mapagninilayaan ng isang management student na ang human resource ay hindi lamang mga datos o unit sa balance sheet na kailangang suwelduhan o isang malaking gastusin ng kompanya. Mga tao sila na may pamilya, pangarap, at kabuluhan sa loob at labas ng kompanya.

Madalas sa isang meeting, nagkakaroon ng groupthink, na ang ibig sabihin ay oo lamang ng oo ang mga taong pinagkatiwalaang magdesisyon para sa nakararami. Tulad ito ng isang board meeting o kaya ng pulong ng konseho o kaya ng simpleng pulong ng grupo ng mga tao. Para matapos na ang pulong, sige na, payag na kami. Kailangan ng ibang tinig na titingnan ito sa ibang perspektiba. Kailangan ng sunod-sunod na pagtatanong upang usisain ang polisiya, mungkahing proyekto o programa. Madalas ang bumabasag ng groupthink ay galing o aral sa humanidades o kaya’y tapos ng STEM, subalit malalim ang kanyang pagkaugat sa humanidades. Hindi lamang diyan nagtatapos ang pag-uusisa. Magbibigay siya ng alternatibo o ibang suhestiyon para paunlarin ang nakasalang na mungkahi.

Holistikong edukasyon ang dapat nating pagtuunan upang matamo ng bawat estudyante at hindi yaong nakakahon lamang sila sa isang larangan o iilang mga disiplina. Sa huli, tapos man ng mga kurso sa STEM o humanidades, kailangang nakapagninilay ang mga estudyante na tatawid palabas sa kanilang sariling interes o kapakanan. Bakit ko kinuha ang engineering? Ano ang saysay nito para sa aking kapwa at bansa? Bakit ko kinuha ang creative writing? Para kanino ako nagsusulat? Ano ang misyon ng aking pagkatha para sa kapwa at bansa?


Sa ibang unibersidad sa mauunlad na bansa, naglalaan sila ng isang malayang espasyo para sa mga mag-aaral. Halimbawa, sa Doshisha University sa Japan noong bumisita ako noong 2016, sa kanilang learning commons o silid-aklatan, napakarami ng discussion rooms. Sa bawat silid na iyon, mayroon silang mga glass board, computer, printer, at school supplies para sa pag-uusap ng mga estudyante. Lahat ito’y bigay ng unibersidad. Ano ang pinag-uusapan ng mga estudyante? Inobasyon at iba pang malikhaing proyekto. Nagsasama-sama ang mga estudyante mula sa iba’t ibang disiplina upang mag-imbento, lumikha ng disenyo, at harapin kung ano ang magiging landas nila bukas. Walang superbisyon ito ng mga guro. Sila-silang mga estudyante ang nagtutulong-tulong para kumatha, lumikha, at mag-isip ng kakaiba. Sa ating bansa, sa Philippine Science High School, alam kong mayroon din ganyang “malikhaing espasyo.”

Kung tutuusin sa ating konteksto ng makaFilipinog edukasyon, ang humanidades ay pagpapakatao. Pagpapakatao ang itawag na natin sa Humanidades. Naituturo iyan. Higit sa lahat, naisasagawa iyan. Huwag nating iitsa-puwera ang Pagpapakatao sa ating kurikulum. Kailangan iyan sa ating mithiin para umunlad ang sarili, kapwa, at bansa. Kapag tinanggal natin ang Pagpapakatao sa kurikulum, ano na ang matitira sa atin?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -