“We will bring Zaldy Co home…to answer to the Filipino people.”
Ito ang ipinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes, kasabay ng pagtiyak sa publiko na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng kinakailangan at legal na hakbang upang maibalik sa bansa ang puganteng dating kinatawan ng Ako Bicol Party-list na si Zaldy Co, isa sa mga pangunahing personalidad sa multi-bilyong pisong iskandalo sa flood control.
“Nananatili po siya sa kustodiya ng Czech Republic at isinasagawa natin ang lahat ng mga kinakailangang hakbang para sa kanyang pagbalik dito sa Pilipinas,” ani ng Pangulo sa isang video message.
Noong Abril 16, naharang si Co sa hangganan ng Germany matapos pumasok mula sa Czech Republic. Siya ay hindi pinayagang makapasok at ibinalik sa mga awtoridad ng Czech Republic, kung saan siya nananatiling nasa kustodiya.
“We will bring Zaldy Co home, and we will do so in accordance with the law. He will answer to the Filipino people,” diin ng Pangulo.
Ayon kay Pangulong Marcos, inatasan niya ang Department of Justice at ang Department of Foreign Affairs na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang internasyonal na awtoridad upang matiyak na maayos at naaayon sa batas ang buong proseso.
“Inutusan ko ang Department of Justice kasama ang Department of Foreign Affairs na pangunahan ang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Czech Republic upang matiyak na maayos at naaayon sa proseso ang lahat ng kinakailangan,” ani ng Pangulo.
Sinabi rin ng Pangulo na magpapadala ng high-level coordination team upang masubaybayan at mapadali ang mga susunod na hakbang sa kaso.
“Ang ganitong mga proseso ay may sinusunod na mga legal na hakbang sa pagitan ng mga bansa, kaya’t nangangailangan ng sapat na panahon upang maisagawa nang tama,” pahayag pa ng Pangulo. | PND



