BUMALIKTAD ang balance-of-payments (BOP) position mula sa surplus na $609 milyon noong 2024 sa deficit na $5.66 bilyon noong 2025. Ngunit bumaba naman ang current account deficit (CAD) mula sa $18.6 bilyon noong 2024 sa $16.3 bilyon noong 2025. Ano ang ibig sabihin ng mga numerong ito? Anu-ano ang mga dahilan ng developments na ito?
Sinusukat ng BOP position ang foreign exchange transactions ng mga bansa. May surplus kapag mas maraming foreign exchange receipts kaysa sa foreign exchange payments. Kasama sa foreign exchange receipts ang exports of goods and services, income remittances ng mga Pinoy papasok sa bansa, foreign borrowing, at foreign investments. Kasama naman sa foreign exchange payments ang imports of goods and services, income remittances ng mga dayuhan palabas sa bansa, bayad sa foreign borrowing, at paglabas ng investments ng mga dayuhan mula sa bansa.
Kapag may surplus, lumalaki ang foreign exchange o international reserves ng bansa. Kapag may deficit naman, bumababa ang international reserves.
Noong 2025, nagkaroon ng balance-of-payments (BOP) deficit ang bansa na umabot sa $5.66 bilyon na nagkakahalaga ng 1.16% ng GDP, kabaligtaran sa surplus na $0.61 bilyon na nagkakahalaga ng 0.13% ng GDP noong 2024.
Ang dahilan nito ay ang pagkalat ng kawalang-katiyakan sa world economy nang umakyat si Pangulong Trump sa poder ng pinakamalaking ekonomiya ng mundo. Dahil sa pagtaas ng taripa sa United States (US) mga produktong ine-export ng mga bansa kasama ang Pilipinas, nalagay sa alanganin ang export at import transactions. Naghanap ang mga bansa ng ibang trading partners, marami ang naglipat ng investments, nangutang ang mga bansa para mapunan ang mga kakulangan sa exports. Dahil sa kaguluhan, lumagapak ang mga stock markets sa buong mundo at naging matumal ang kabuuang investment sa buong mundo lalo na ang mga produktong pinatawan ng mataas na tariffs. Dahil sa pagbaba ng foreign exchange transactions, humirap ang mga bansang malaki ang bahagdan ng negosyo sa exports at imports.
Naging matumal din ang tourism receipts at remittances na siyang dating nagpapaganda sa BOP ng Pilipinas pagkatapos ng pandemya. Natigil din ang pagbaba ng inflation at interest rates na sana ay magpapalit sa kulay ng panginorin sa world economy.
Ngunit mahusay umilag sa kaguluhan ang mga efficient na players ng world economy. Madali silang nakakahanap ng paraan para mabenta nila ang kanilang produkto, makahanap ng ibang trading partners, ibang produkto at services, ibang pagkukunan ng investments, etc. Ang mga Pilipino ay nakakahanap ng work opportunities sa ibang bansa dahil sa kanilang skills at kasipagan.
Sinusukat naman ng current account deficit (CAD) ang neto ng paggamit ng savings ng bansa kumpara sa placement ng savings ng Pilipino sa labas ng bansa. Sa savings kasama ang utang at investments. Ang sukatang ito ay nagpapakita kung gaano kalaki ang foreign exchange risks ng bansa. Kapag masyadong malaki ang deficit—lalo pag lumalagpas na ng 5.0% ng GDP ng sunud-sunod na taon, binababaan ang credit rating ng bansa at itinataas na ang interest rates na ipapataw nila sa mga nanghihiram na gobyerno at kumpanya. Kaya ang CAD ay masugid na sinusubaybayan ng mga malaking bansa at bangkong nagpapautang.
Nagkaroon ba ng masamang epekto ang kawalang-katiyakan sa ekonomiya noong buong taon ng 2025? O nakailag sila sa mga magulong kondisyon ng world economy?
Ito ang mga resulta sa 2025:
Una, tumaas ang exports of goods ng Pilipinas sa unang pagkakataon pagkatapos ng dalawang taong pagbagsak. Umakyat ito mula sa US$55.1 bilyon sa $63.4 bilyon, 15.2% na paglago. Pinakamalaki rito ang semiconductors ($45.8 bilyon) na sinusundan ng fruits and vegetables ($3.2 bilyon); gold ($1.9 bilyon); chemicals ($1.9 bilyon); at garments (US$700 milyon)
Ikalawa, tumaas ang exports of services mula $54.5 bilyon sa $55.7 bilyon, 2.2% na paglago. Kasama rito ang travel (tourism) revenues, mga benta ng mga business process outsourcing (BPO) companies call centers, transcription companies, airlines, etc.
Ikatlo, umakyat ang primary income receipts mula sa $17.6 bilyon sa. $17.7 bilyon, 0.7% na paglago. Ito ang kita ng mga investors na Pinoy sa kabilang bansa. Marami nang kumpanyang Pinoy na may investments sa labas ng bansa gaya ng SM, Jollibee, International Container Terminal Systems, Inc., etc.
Ikaapat, patuloy ang pagratsada ng secondary income receipts mula sa $32.9 bilyon sa $33.8 bilyon, 2,9% na paglago. Kita ito na ipinapadala ng 2.2 milyong OFWs at 10.8 milyong Filipino migrants sa iba’t ibang bansa.
Ikalima, bumaba ang CAD mula 3.9% ng GDP sa 3.3% ng GDP. Lalong naging matatag ito.
Di naman gaanong tumaas ang mga bayarin ng Pilipinas.
Umakyat ang imports mula $174.7 bilyon sa $182.7 bilyon, 4.6% na paglago, mas mababa kaysa sa exports. Umakyat ng 5.0% ang imports of goods at umabot sa US$130.1 bilyon. Umakyat ng 3.9% sa $ 38.2 bilyon ang imports of services.
Umakyat ang primary payments ng 3.2%, mula sa $12.8 bilyon sa $13.2 bilyon. Ito ang mga kita ng foreign investors na papalabas ng bansa,
Sa kabilang dako, bumagsak ang secondary payments ng 3.0%, mula US$1.19 bilyon sa $1.15 bilyon. Ito ang bayad sa mga foreign expatriates na nagtatrabaho sa Pilipinas.
Kahit na nasa deficit BOP position ang bansa noong huling araw ng 2025, patuloy na namayagpag ang Gross International Reserves (GIR) sa US$106.3 bilyon mula sa $103.8 bilyon noong 2024. Ang halagang ito ay kasya sa 7.4 buwan na imports ng goods at services, lagpas sa minimum standard na 2-3 buwan.
| Table 1. BALANCE OF PAYMENTS ACCOUNT, 2025 | |||
| 2024 | 2025 | Growth (%) | |
| 25 vs. 24 | |||
| I. BALANCE OF PAYMENTS | |||
| OVERALL BALANCE | 609 | (5,660) | -1029.5% |
| % of GDP | 0.13% | -1.16% | |
| II. CURRENT ACCOUNT
CURRENT ACCOUNT BALANCE (US$M) |
(18,565) | (16,291) | -12.2% |
| CURRENT ACCOUNT BALANCE (% OF GDP) | -3.9% | -3.3% | |
| EXPORTS | 156,157 | 166,415 | 6.6% |
| IMPORTS | 174,723 | 182,702 | 4.6% |
| A. TRADE IN GOODS & SERVICES BALANCE | |||
| TRADE IN GOODS & SERVICES BALANCES, US$M | (51,178) | (49,223) | -3.8% |
| % OF GDP | -0.2% | -0.2% | |
| TRADE IN GOODS, BALANCE (US$M) | (68,867) | (66,669) | -3.2% |
| TRADE IN GOODS, BALANCE (% of GDP) | -14.5% | -13.6% | |
| EXPORTS | 55,053 | 63,412 | 15.2% |
| IMPORTS | 123,920 | 130,081 | 5.0% |
| TRADE IN SERVICES, BALANCE (US$M) | 17,689 | 17,446 | -1.4% |
| TRADE IN SERVICES, BALANCE (% of GDP) | 3.7% | 3.6% | |
| EXPORTS | 54,487 | 55,685 | 2.2% |
| IMPORTS | 36,798 | 38,239 | 3.9% |
| B. INCOME BALANCE | |||
| TOTAL INCOME | 36,426 | 37,133 | 1.9% |
| PRIMARY INCOME, BALANCE (US$M) | 4,739 | 4,451 | -6.1% |
| PRIMARY INCOME, BALANCE (% of GDP) | 1.0% | 0.9% | |
| RECEIPTS | 17,553 | 17,681 | 0.7% |
| PAYMENTS | 12,814 | 13,230 | 3.2% |
| SECONDARY INCOME BALANCE (US$M) | 31,687 | 32,682 | 3.1% |
| SECONDARY INCOME, BALANCE (% of GDP) | 6.7% | 6.7% | |
| RECEIPTS | 32,877 | 33,836 | 2.9% |
| PAYMENTS | 1,190 | 1,154 | -3.0% |

