27.3 C
Manila
Huwebes, Hunyo 18, 2026

Ang nanganganib na wikang Tagalog

- Advertisement -
- Advertisement -

Ikalawang bahagi

NANGANGANIB na wika ba ang Tagalog?

Tinalakay natin nang nakaraang Miyerkoles ang mga antas ng pagiging nanganganib mawala ng isang wika, gayon din ang mga dahilan kung bakit nanganganib hanggang paunti-unting maglaho at tuluyang mawala ang isang wika.

Batay sa itinala natin, masasabi bang nanganganib na wika ang Tagalog?

Kung ituturing na ang Tagalog at Filipino ay isang wika lamang at nagbago lamang ng pangalan, hindi nanganganib na wika ang Tagalog. Buhay na buhay pa rin ito, patuloy na pinayayabong at pinalalaganap sa bagong pangalan nito na Filipino. Sinasabi pa na darating ang araw na lubusan na itong magiging intelektwalisado, hindi na lamang sa panitikan, kundi magiging wika na rin ito ng edukasyon, gobyerno, batas, medisina, siyensya, atbp.


Kung gayon, hindi nanganganib na mawala ang wikang Tagalog.

Pero bakit pinamagatan nating “Ang nanganganib na wikang Tagalog” ang kolum na ito noong nakaraang linggo at pati ngayon?

Ano ang antas ng panganganib na kinakaharap ng wikang Tagalog?

Kung ituturing na hiwalay sa Filipino ang Tagalog, nanganganib na nga itong maglaho.

- Advertisement -

Ayaw na itong tawaging Tagalog ng mga nagsasalita nito. Itinakwil na ang pangalang Tagalog sa mga paaralan (bagama’t sa ibang bansa na itinuturo ang wikang ito, Tagalog pa rin ang tawag dito).  Bilang wikang Filipino, hindi ito vulnerable o baka nanganganib dahil hindi mga bata na lamang ang nagsasalita nito, hindi lamang sa mga tahanan kundi maging sa labas nito. Lalo nang hindi ito tiyak na nanganganib (definitely endangered); unang wika ito ng maraming bata. Hindi lamang mga lolo’t lola ang nagsasalita ng Tagalog sa tahanan, sa media, sa mga paaralan, sa radyo at telebisyon, hanggang sa mga bulwagan ng kapangyarihan. Ito ang lenggwahe ng impeachment proceedings na napapanood sa buong bansa at maging sa labas ng Pilipinas. Kapag nag-iingles sa isang talk show ang isang panauhing tagapagsalita, sinasabihan siya ng host na mag-Tagalog para maintindihan ng mas maraming manonood/nakikinig.

Kung gayon, LIGTAS ang antas ng Tagalog bilang wika? Bakit sinabing nanganganib?

Dahil tama siguro ang mga nagsasabi na hiwalay na wika ang Tagalog sa Filipino.

Pareho ng palatunugan (ponolohiya), palabuuan   (morpolohiya), at sintaks ang Tagalog at Filipino. Pareho ang estruktura at bokabularyo ng Tagalog at Filipino kaya nga sinasabi ng iba na binago lamang ang pangalan ng Tagalog. Pero kung pakakasuriin, saka makikita ang mga pagkakaiba:

  1. Nagbabago ang bokabularyo. Dahil sa pag-unlad ng siyensya at teknolohiya, maraming hiram na salitang pumasok na sa ating wika, hiniram nang buo, at naging bahagi ng yumayamang bokabularyo ng Filipino. Hindi lamang sa siyensya at teknolohiya ito nagaganap kundi maging sa ibang larangang akademiko, sa panitikan, pilosopiya, batas, atbp. Maraming konseptong hindi kilala ng ating mga ninuno, kaya wala tayong katutubong mga salita para sa mga ito – tulad ng impunity at misogyny. Sa Cordillera, walang salita para sa “rape” dahil hindi nila ito ginagawa.
  2. Yumayaman man ang bokabularyo sa ibang larang, nalilimutan naman o nabubura ang ilang katutubong salita. Kailangan nang halungkatin ang mga katutubong katawagan sa mga bagay na tulad ng ginto, rosas (pink), at marami pang iba. May mga katutubong tawag sa mga planeta pero limot na ang mga ito, pati na ang iba pang mga pangyayari sa kalikasan. Hindi na alam ang “daluyong” at ang ginamit sa pagbabalita ng nagbabantang panganib ay “storm surge” na naipagkamali sa “bagyo,” (storm) kaya hindi naisagawa ang kaukulang paghahanda.
  3. Nagbabago na ang kahulugan ng mga salita. Tingnan: WAGAS ang pag-ibig ni Ibarra kay Maria Clara vs. WAGAS naman kung makapagsermon ang titser namin, akala nami’y wala nang katapusan. Marami pang ibang salitang nagbago na ng kahulugan, o may nadagdag na gamit at kahulugan.
  4. May ilang pagbabago na rin sa paglalapi. Mas ginagamit ng bagong mga tagapagsalita ang panlaping MANG- kaysa sa mas nakagawian nang MAG-. Kapag MANG-, ibig sabihin, paulit-ulit, malawakan, maramihan ang kilos ng pandiwa. Halimbawa: MANGlibre – ibig sabihin, mas maraming tao na pakakainin nang libre, kaysa kung MAGlibre ang ginamit. Kapag NANGhalik ka, pinaghahalikan mo ang kung sino-sino; iba ito sa simpleng HUMALIK. Pero alam pa ba ng mga tagagamit ang pagkakaiba? Dati, ang KINIKITA ay pera lamang (KUMITA kami ng libo-libo sa katatapos na raket). Pero ngayon, pati tao, KINIKITA na. (KINITA ko kanina sa mall ang kaklase ko sa hayskul). Usong-uso ang NANGENGEALAM sa halip na NAKIKIALAM.
  5. Nawawala na ang pagkakaiba ng ilang salita. Halimbawa: SUBUKIN mo ang bagong peoduktong ito (sa Ingles, TRY). SINUBUKAN ni Misis si Mister at nabistong nangangaliwa pala ang lalaki. (TINIKTIKAN). Ngayon, SUBUKAN na lamang ang ginagamit ng lahat.
  6. Malawakan, maramihan ang panghihiram ng mga salita sa Ingles at hindi na pinagkakaabalahan pang isalin sa wikang sarili ang mga hiram na salita. Mga halimbawa: whimsical arrogance, suspicious transactions, impeachment proceedings, diplomatikong channel, non-hostile status, maritime aggression, at marami pang iba. Nababago na rin ang estruktura. Halimbawa: Si Senate President Pro tempore Panfilo Lacson, sa halip na: si Senador Panfilo Lacson, President Pro Tempore.
  7. Nawawala na ang unlapi sa ilang salita, tulad ng PININTA (ipininta), HINATID (inihatid), INUUGOY (iniuugoy), atbp. Hindi na alam ng mga kabataan ang tamang/tunay na anyo ng mga ito.
  8. May ilang naniniwala na may panlaping NI-, na ginagamit hindi na lamang sa mga salitang nagsisimula sa L, R, at Y. Kaya kapag nanghihiram ng salita, ginagamit nila ang NI-protesta, NI-scam, NI-salvage, atbp.
  9. May mga bago nang pangatnig, o kaya’y discourse markers: SO, tayo na ba? ‘Yung pagsampa niya ng kaso, IS pag-amin ng anomalya. Maraming bagyong papasok sa taong ito, WHICH IS normal lang naman.

10. Malaganap ang paggamit ng SIYA para tukuyin ang mga bagay. Masarap SIYA, di ba? (Pagkain ang tinutukoy.) Dati, ang SIYA ay para lamang sa mga tao.

  1. Hindi na pinag-aralan ang wastong bigkas ng mga salita. Halimbawa: pagkakaiba ng BUkas (tomorrow) at buKAS (open); BUhay (life) at buHAY (alive) at marami pang ibang salita na magkapareho ng baybay pero magkaiba ng bigkas at kahulugan.

Kaya, bakit nanganganib na wika ang Tagalog? Dahil malaganap na ang paggamit ng Tagalog (tawagin man itong Filipino), mas maraming di taal na Tagalog ang gumagamit nito. Sa kanilang pagsasalita, dala nila ang mga katutubong katangian ng sarili nilang mga wika. Posibleng medyo naiiba ang kanilang pagsasalita, ang mga bahaging mas dinidiinan nila, na naiiba sa bigkas ng mga Tagalog. Naiiba sila, at ang mga Tagalog naman, sobrang accommodating. Sa halip na panatilihin ang sariling bigkas, sila na ang nanggagaya sa mga dayo. Isang halimbawa ang NANGENGEALAM. May kilala akong guro ng Filipino, na sa halip na ituro ang wasto (o ang tinatanggap na anyo), siya pa ang nakiuso sa kanyang mga estudyante.

- Advertisement -

Naiiba, bago ang NANGENGEALAM kaya ito lumaganap. Ganoon naman talaga. Lagi tayong naghahanap ng bago, ng naiiba. Kaya ginagaya natin ang pagsasalita ng mga bago dahil gusto rin nating mapaiba tayo. Natural na reaksyon iyan ng mga tao. Kaya nagaganap din ang mga pagbabago sa wika.

Nawawala na rin ang mga modelo ng pasulat na Tagalog, dahil hindi na halos ipinababasa sa mga paaralan ang mga akda ng mga gaya nina Liwayway Arceo, Macario Pineda, Serafin Gunigundo, Genoveva Matute, Deogracias Rosario, Lope K. Santos, Amado V. Hernandez, at iba pa. Buod na lamang ng kanilang mga akda ang ipinababasa. Maging ang mga bagong katha ay binubuod na lamang, sa halip na isama sa mga teksbuk. Hindi naman kataka-taka dahil may mga awtor na naniningil ng P20,000.00 bawat maikling katha kapag isinama sa teksbuk. Ang halagang ito ay karaniwang hindi sagot ng publisher, ang textbook writer ang mamumuhunan para maisama sa kanilang teksbuk ang mahuhusay na akda.

Nagiging kaunti na ang mga taal na Tagalog na gumagamit nito bilang unang wika. Iyon namang mga bagong henerasyon, masasabi nating hindi na Tagalog ang kanilang unang wika – Filipino na nga.

Ito ang mga dahilan kung bakit nasabi kong nanganganib na wika ang Tagalog.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -