29.5 C
Manila
Huwebes, Hulyo 2, 2026

Lacson: Mabibigo ang tangkang ‘pagharang’ ng imbestigasyon sa flood control dahil hindi ito malilimutan ng publiko

- Advertisement -
- Advertisement -

MABIBIGO ang mga pagtatangkang pigilan na makarating sa publiko ang mga natuklasan ng Senate Blue Ribbon Committee sa flood control scandal, dahil hindi malilimutan ng taumbayan ang isyu, giit ni Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo “Ping” Lacson nitong Sabado.

Ayon kay Lacson, ito ang dahilan kung bakit nakatakda siyang magbigay ng privilege speech sa susunod na linggo upang ihayag ang kanyang Chairman’s Progress Report — matapos na hindi pa rin makakuha ng sapat na lagda ang partial report ng komite upang maipresenta sa plenaryo.

“Nagagalit na ang mga kababayan natin, hindi na makalimutan ito. Dekada bago siguro if at all makalimutan ito kasi masahol pa ito sa Napoles eh. Ang tawag ko dito ‘Napoles 2’ pero mas masahol pa ito, hindi ito biro-biro,” aniya sa panayam sa DZMM radio.

“As chairman I owe it to the FIlipino people ma-update sila kung ano na nangyari after seven to eight hearings ng committee kasi medyo iba nangangapa pa, tapos ang daming false narratives talagang pinapalabas na may pinagtatakpan, namimili kung sino isasama sa report. At isang pang compelling reason, na-overtake kami ng events,” dagdag niya.

Tinukoy ni Lacson ang kaso ni Janet Lim-Napoles noong unang bahagi ng dekada 2010, kung saan umano’y tumanggap ng bahagi ang ilang mambabatas mula sa mga “ghost project,” habang napunta kay Napoles ang 35 porsiyento at 15 porsiyento naman para sa “paperwork.”

“Mahirap makalimutan ito ng ating kababayan. Lalo pa nga’t may nasalantang pananim, mga kabahayan, tapos may buhay na nawala,” ani Lacson.

Sinabi ni Lacson na bagama’t nakapaghanda na ang Blue Ribbon Committee ng partial report noong Pebrero na naglalaman ng mga paunang natuklasan nito, hindi ito makakuha ng kinakailangang bilang ng lagda upang maihain at maisulong sa plenaryo.

Iginiit din niya na bagama’t iginagalang niya ang posisyon ng mga senador na hindi lumagda sa partial report, hindi siya sang-ayon sa kanilang mga dahilan.

“Duty namin as member ng mga committee di lang BRC na pag nabasa mo ang committee report, pirmahan mo pagkatapos lagay mo will interpellate, will amend, with reservation or will submit separate report or opinion. Ganun dapat. Di ang di ka pipirma para di umusad,” aniya.

Ani Lacson, maaari niyang ihatid ang kanyang privilege speech sa Mayo 4 o 5, kung saan ilalahad niya ang Chairman’s Progress Report na naglalaman ng mga natuklasan ng komite sa isyu ng flood control. Maaari rin aniyang isama sa talumpati ang iba pang dokumento o ebidensiyang hindi natalakay sa mga nakaraang pagdinig.

Matapos maihatid ang privilege speech, sinabi niyang maaari niyang ibahagi ang nilalaman ng ulat sa iba pang ahensiya, kabilang ang Department of Justice at Office of the Ombudsman, upang makatulong sa kanilang case buildup.

Magbubukas din ito ng daan para sa pagpapatuloy ng mga pagdinig. Ayon kay Lacson, plano niyang imbitahan ang iba’t ibang personalidad, kabilang ang mga mambabatas gaya ni dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Posible rin aniyang imbitahan si dating Ilocos Sur Gov. Luis Singson, bagama’t hindi pa nito naibibigay sa komite ang kopya ng kanyang draft affidavit — gayundin ang hindi bababa sa anim na dating sundalo na umano’y naghatid ng malalaking halaga ng pera sa ilang personalidad.

Nang tanungin kung kailan maaaring ipagpatuloy ang mga pagdinig, sinabi ni Lacson na maaari itong mangyari “within the last leg” ng unang regular na sesyon — o bago ito mag-adjourn sine die sa Hunyo 6.

Dagdag pa niya, kailangang iayon ng komite ang iskedyul ng mga pagdinig nito sa posibleng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

“Assuming na … ma-transmit sa amin ang Articles of Impeachment, kaya naisip namin ibakante ang lahat ng umaga sa impeachment trial at sa aming session nang sa ganoon may pagkakataon gumawa ng committee hearing,” aniya.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -