ANG Plaza Miranda Bombing ay agarang nagpabulwak ng malawakang mga pag-aalsa sa buong kapuluan, pawang kumukondena Kay Marcos bilang siyang may kagagawan. Hanggang sa humantong na ito sa suspension ng writ of habeas corpus – na nagbunga ng pinakamumuhiang mga warrantless arrests.
Kung ang pakana sa pambobomba sa Plaza Miranda ay pasamain nga lang si Marcos, malaking tagumpay itong maituturing.
Subalit para sa isang napakagaling na lider, napakakadudaduda na gagawin iyun.
Sentido kumon lamang.
Bakit gagawin ng isang matalinong lider ang isang krimen na tiyak sa kanya ibibintang?
Hinding-hindi si Marcos ang gagawa niyon.
Malaking palaisipan samakatuwid: Kung hindi si Marcos, sino?
Iwasan ang pagpapakadaskul-daskul sa konklusyon. Pakatotoo lamang sa mga datos.
Una muna, si Ninoy ang Kalihim Heneral ng Liberal Party at siyang dapat na unang naroroon sa Plaza Miranda upang asikasuhin ang rally. Kung bakit sa lahat ng matataas na lider ng LP, tanging si Ninoy ang wala sa eksena nang maganap ang pambobomba?
Iyan ay malaking patlang sa kasaysayan na nang panahong iyun ay naghahamon na punuan, subalit walang nangahas na gawin.
O dahil ang mga may kakayahang pumuno ay siya mismong mga mabubunyag na salarin.
Sa puntong ito, maaalaala ko si Banero.
Ka Bane ang nakaugalian naming tawag Kay Noli Collantes, ang may kabataan pang Director ng National Trade Union Bureau (NTUB) ng Central Committee ng Communist Party of the Philippines (CC-CPP). Mula sa buena familia, ika nga, pamangkin si Banero ni Manuel Collantes, ang Kalihim ng Kagawarang Panlabas ng administrasyon ni Pangulo Ferdinand E. Marcos.
Umaga nang araw na iyun ng Agosto 21, 1971, kapulong ko si Ka Bane sa safehouse ng NTUB sa San Francisco del Monte hinggil sa lumalalang mga di-pagkakaunawaan ng KASAMA at ng Regional Trade Union Bureau (RTUB) ng Partido, na malakas na nakasandal kay Joma.
Ipinipilit ng RTUB, pinamumunuan ng isang matapang na lider babae na nagngangalang Ka Glo, na bagama’t sa saklaw na pambansa, namumuno ang NTUB, sa saklaw ng mga rehiyon, may awtonomiya ang RTUB. Ang mga kadreng pangrehiyon ang pangunahing mga propagandista’t mga organisador. Sa isang kumperensya, buong ingay na ipinahayag ng isang aktibistang Atenista: “Hindi literal ang pamumuno ng proletaryado. Oo nga’t ang kamalayang pangmanggagawa ay bunga ng obhetibong katayuan sa tunggalian sa produksyon – ang kamalayang ito ay kailangang wumasak sa mga pader ng pabrika, pagyamanin ng mga aral at intekektwal na uri at ibalik bilang kamalayang sosyal ng uring proletaryado.”
Wow, bigat.
Payo ni Banero, igiit ko ang party structure na sa bawat usapin ng trade unionism, ibabaw ang NTUB.
Kaya sa aking pagsubaybay sa mga lokal na unyon ng KASAMA, madalas kong makabangga ang mga kadre ng RTUB, tulad ni Benito Tiamzon at Adel Silva, naging mga tagapagmana ni Joma Sison sa mga huling pagpupugak-pugak ng CPP.
Batay sa prinsipyo ng pamumuno ng uring proletaryado, ang NTUB ang itinuturing na pinakamakapangyarihang ahensya ng Partido, kabilang na ang Bagong Hukbong Bayan (BHB o New People’s Army-NPA). Ang mga panimulang yunit ng Armed City Partisans (ACP) – mga NPA sa kalunsuran – ay halos close-in security unit ng NTUB. Balik sa araw na iyun ng Agosto 21, 1971, pauwi pabalik sa KASAMA hq sa Makati, isinakay ako ni Banero sa kanyang kotse papunta sa isang pakikipagtagpo sa isang “mataas” na CPP official sa isang safehouse sa Malibay, Pasay (bababa ako sa Guadalupe at mula roon tutuloy sa KASAMA headquarters sa Makati).
Kung sino ang katagpo ni Banero nang hapon na iyon at kung ano ang kanilang adyenda, hindi ko na inalam; mahigpit ang compartmentalization sa Partido.
Huwag mong pangahasang alamin pa ang wala kang pakialam.
Dumaan pa ang halos dalawang dekada bago ganap na napunan ang patlang ng di-maisulat na kasaysayan.
Sa isang pinagsanib na hearing ng mga Justice at Blue Ribbon Committe ng Philippine Senate noong 1989, pinanumpaan ni Dating Kalihim Heneral ng CPP Ruben Guevarra ang mga sumusunod na paglalàntad:
Na noong hapon ng Agosto 21, 1971, ipinakaon siya kay Noli Collantes (Banero) ni CPP Chairman Jose Maria Sison upang dalhin sa kanya sa safehouse ni Herminigildo Garcia sa Malibay, Pasay. Doon pinagbilinan siya kung ano ang gagawin sa dalawang kabataan na ipinakilalang sina Danny Cordero at Cecil Potro Apostol.
Na ayon kay Guevarra, may misyong gagawin ang dalawa kinagabihan at pagkaraan niyun tungkulin ni Guevarra na dalhin sila sa Isabela.
Na kinunsulta niya si Sison tungkol sa kung ano ang gagawin sa mga pulitikong lumalapit at humihingi ng tulong sa kilusan, at ipinahayag ni Sison na bukas ang Partido sa mga ganung ugnayan.
Sa katunayan, ani Guevarra na sabi ni Sison, sa gabing iyun ay magkakaroon ng pambobombana gagawin ang Partido sa isang rali pulitikal.
Na kung kaya ipinatawag niya si Guevarra upang bilinan na pagkaraan ng pambobomba, dalhin niya ang dalawang kabataan sa Isabela upang doon na magtuloy-tuloy ng pàghahasa bilang mga Pulang Mandirigma.
Sa tanong kung sino ang nagpabomba sa Plaza Miranda, sa testimonya ni Guevarra, “Ang CPP.” S
inong pulitiko ang inamin ni Sison na kakutsaba niya sa pambombang magaganap sa gabing iyon?
Una muna, sino ang wala sa LP rali nang sumabog ang mga granada?
Si Ninoy Aquino, Period.
EPILOGO
1983, naisip ni Banero ang magbalik-loob sa pamahalaan at sa garantiya ni Secretary Collantes kay Presidente Marcos na tapat sa salita ang kanyang pamangkin, tinanggap ng pamahalaan ang kanyang pagbabalik-loob. Habang papasok sa University of Santo Tomas na roon ay ipinagpatuloy ang kanyang pag-aaral, si Banero ay pinaslang ng mga pinaghihinalaang hitmen ng NPA.

