Karapatan ng publiko ang mga katotohanan — at hindi ang mga pekeng naratibo — kaugnay ng isyu sa flood control.
Binigyang-diin ito ni Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo “Ping” Lacson nitong Biyernes, kasabay ng patuloy na paghahanda para dalhin sa plenaryo ang mga nagawa na ng komite sa ngayon, sa gitna ng mga katanungang ibinabato ng ilang mambabatas hinggil sa pagtutok sa mga bahagyang natuklasan.
Giit ni Lacson, bagama’t may kanya-kanyang opinyon ang lahat ng miyembro ng Blue Ribbon Committee — ex-officio man o regular — determinado pa rin siya na iakyat ang usapin sa plenaryo upang mapanatiling may sapat na kaalaman ang publiko at matugunan ang maling impormasyon.
“I am decided to bring up in plenary the contents and more of what we have accomplished so far after seven or eight committee hearings. There is an underlying reason for my decision – the Filipino people not only deserve to be updated but more so properly and accurately informed amid the false narratives being floated by some critics that we are being selective in going after the culprits in the flood control mess,” aniya.
Kinuwestiyon ni Senate minority leader Alan Peter Cayetano ang atensyong ibinibigay sa partial committee report, at iginiit na mas dapat pagtuunan ng pansin ang pagbuo ng “the whole and bigger picture.”
Dagdag ni Cayetano, may ilang senador na nakapagbasa na ng partial report ngunit hindi sumasang-ayon sa ilang bahagi nito, kaya kinakailangan pa ang pagpapatuloy ng deliberasyon.
Iginiit ni Lacson na ang pagpirma sa ulat ay hindi nangangahulugang ganap na pagsang-ayon dito, kundi nagbibigay-daan lamang upang maiharap ito sa plenaryo kung saan maaari itong pagdebatehan, amyendahan, at tuluyang pagtibayin.
Dahil kulang pa sa kinakailangang pirma ang partial report para sa pormal na paghahain at sponsorship, sinabi ni Lacson na ihaharap niya ang isang Chairman’s Progress Report na naglalaman ng nilalaman ng partial report sa pamamagitan ng isang privilege speech.
Binigyang-diin din ni Lacson na bagama’t hindi siya sang-ayon sa mga kasapi ng komite na ayaw pumirma sa partial report, iginagalang at nauunawaan niya ang kanilang mga desisyon.
“While I disagree with those who do not want to sign, let me be clear that I respect and understand their individual decisions whatever their reasons are, including that of the minority leader,” aniya.
Dagdag pa ni Lacson na ang mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee ay naglantad ng mahahalagang ebidensya na nagbunsod ng pagbuo ng mga kaso laban sa ilang personalidad — matapos umanong mahikayat at maudyukan siya at ang kanyang grupo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpatuloy ang aksyon kaugnay ng mensaheng “Mahiya naman kayo” sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang taon.
” It must be recalled that it was President Marcos who triggered, even motivated me and my team to follow through on his ‘Mahiya naman kayo..’ SONA message last year and I sincerely believe that the BRC hearings triggered and exposed many vital pieces of evidence that resulted in the indictments and preliminary investigations currently being undertaken by the Sandiganbayan, the Ombudsman, Department of Justice, Anti-Money Laundering Council, to name some,” ani Lacson.



