31.7 C
Manila
Martes, Hunyo 23, 2026

Iniutos ni PBBM sa DBM ang pagpapalabas ng P43.18 bilyong pondo para sa pinaka-vulnerable na mga Pilipino

- Advertisement -
- Advertisement -

SA utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng mahigit P43.18 bilyong pondo upang matiyak ang tuloy-tuloy na suporta para sa mga pinaka-vulnerable sektor ng bansa, kabilang ang mga bata at senior citizens.

Ayon kay Undersecretary ng Presidential Communications Office (PCO) at Palace Officer Claire Castro, inilabas ang pondo upang matiyak ang tuloy-tuloy at agarang paghahatid ng tulong pinansyal, ayuda sa pagkain, pensyon, at mga programang pangkabuhayan.

“Ini-release ng DBM—sa pangunguna ni Acting Secretary Rolando Toledo—ang pondo upang masiguro ang walang patid at agarang paghahatid ng tulong pinansyal, suporta sa pagkain, pensyon, at mga programang pangkabuhayan,” pahayag ni Castro sa isang press briefing nitong Martes.

Ang nasabing pondo ay ipapadaloy sa iba’t ibang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamumuno ni Secretary Rex Gatchalian.

Sa kabuuang halaga, mahigit P36.8 bilyon ang inilaan para sa Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances (PSIFDC) program, na nagbibigay ng agarang tulong sa mga indibidwal at pamilyang nasa krisis.

Samantala, mahigit P3.4 bilyon ang inilaan para sa Supplementary Feeding Program na sumusuporta sa nutrisyon ng mga batang naka-enrol sa mga child development centers at supervised neighborhood playgroups.

Tatanggap naman ng mahigit P2 bilyon ang Social Pension for Indigent Senior Citizens upang matiyak ang tuloy-tuloy na buwanang pensyon ng mga benepisyaryong nakatatanda.

May karagdagang P810 milyong din inilaan para sa Sustainable Livelihood Program upang matulungan ang mga mahihina at nasa laylayan ng lipunan na makapagtatag ng pangmatagalang pagkakakitaan.

Ayon sa DBM, bahagi ang pagpapalabas ng pondo sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na palakasin ang mga programang panlipunang proteksyon at matiyak na napapanahon ang pag-abot ng tulong sa mga nangangailangan. | PND

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -