BINUKSAN nitong Martes ni Senadora Loren Legarda, chairperson ng Senate Committee on Culture and the Arts, ang Schools of Living Traditions (SLTs) exhibit “Buhay na Dunong: Bukal ng Pamana” sa Senado ng Pilipinas. Gaganapin mula Mayo 4 hanggang 7, 2026, bahagi ito ng National Heritage Month at tampok ang yaman ng mga pamana at tradisyong Pilipino, na muling nagpapatibay sa matagal nang adhikain ni Legarda na mapanatili at maipasa ang kulturang pamana sa susunod na henerasyon.

Matatagpuan sa 2nd Floor Corridor ng Senate Building, tampok sa exhibit ang mga artipakto, tradisyonal na kasuotan, likhang-kamay, at audio-visual presentations mula sa iba’t ibang komunidad ng SLT sa buong bansa. Binibigyang-diin nito ang papel ng SLTs sa pangangalaga at pagpapasa ng Indigenous Knowledge Systems, Skills, and Practices (IKSSP), habang kinikilala ang ambag ng mga cultural master at katuwang na institusyon.

“Kung mawawala ang ating kultural na pamana, sino tayo? The exhibit you see here today is not merely for aesthetics; all of these carry memory, skill, and identity. The SLTs remind us that our cultural heritage survives not only in museums and display cases but most importantly, in the life of the communities and who practices it,” pahayag ni Legarda.
Matagal nang isinusulong ni Legarda ang mga batas at programang nagpapalakas sa kultura at pamana, kabilang ang National Cultural Heritage Act, Cultural Mapping Law, at Integrated History Act of 2016. Sa kasalukuyang Kongreso, siya ang pangunahing may-akda ng Senate Bill No. 1507 na nagtataguyod sa SLTs bilang pambansang mekanismo sa edukasyong pangkultura at nag-aamyenda sa National Cultural Heritage Act of 2009. Naipasa na ito sa Ikatlong Pagbasa sa Senado at nagtatatag ng Center for Schools of Living Traditions (CSLT) sa ilalim ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), pinatitibay ang ugnayan sa DepEd, CHED, TESDA, LGUs, at NCIP, at nagbibigay ng pondo at suporta para sa mga cultural master at komunidad.

Itinatag ng NCCA ang SLT program noong 1995, na ngayon ay may higit 300 sentro sa buong bansa. Noong 2015, pinalawak ito sa limang taong balangkas na nakatuon sa capacity building, pagbuo ng mga sistema ng pagkatuto, pagpapasa ng kaalaman, at paglinang ng produktong pangkultura. Noong Disyembre 16, 2021, kinilala ang SLT Program sa UNESCO Register of Good Safeguarding Practices bilang isang pandaigdigang huwaran sa pangangalaga ng intangible cultural heritage.
Inorganisa ayon sa mga isla ng Luzon, Visayas, at Mindanao, tampok sa exhibit ang mga tela, basketry, beadwork, paghahabi, wood carving, at iba pang tradisyonal na likha, kalakip ang audio-visual na salaysay ng pagpapasa ng kultura. Sa pagdadala ng SLTs sa Senado, muling pinagtitibay ni Legarda ang kanyang paninindigan sa adbokasiya ng kultura at inaanyayahan ang publiko na ipagdiwang ang kayamanan ng pamana na patuloy na nagbibigay-inspirasyon at lakas sa sambayanang Pilipino.
“Kaya’t sa araw na ito, taos puso po akong nagpapasalamat sa inyong pakikiisa. Nawa’y magsilbi tayong mga daluyan ng mas malawak na pagpapalaganap ng suporta para sa ating kultura at pamana. Manindigan tayo at ipagpatuloy nating pangalagaan ang ating mga katutubong kaalaman, itaguyod ang ating mga cultural worker, at palakasin ang mga institusyong nagsisiguro na naipapasa ang ating pamana sa susunod na henerasyon. Sapagkat ang ating kultura at pamana ay ang ating pagkakakilanlan. Ito ang ating dangal. Ito ang nagbibigay kabuluhan sa ating bayan,” pagtatapos ni Legarda.



