PANGKABUOAN, masinop na ipinakita ng paggunita sa Araw ng Paggawa noong nakaraang Biyernes, Mayo 1, 2026 ang mga tagong kahalagahan ng petsang Agosto 21. Hindi na napaging-marapat na tukuyin pa rin ang Agosto 21, 1901 nang bumugso sa Pilipinas ang mga tinaguriang Thomasites, 600 na gurong Amerikano na sakay ng USA Thomas upang simulan ang grandiyosong tungkuling baguhin ang mga Pilipino hanggang sa kaibu-ibuturan ng kanilang kaluluwa at ganap pagmalaying-Amerikano.
Sa anu’t-anuman, ang mga Thomasites at ang nilikha nilang bagong kolonisasyon ng Pilipinas ay ang siyang litaw na buhay ng Pilipinas magpahanggang sa ngayon.
Nagkataon lamang na ang pagdagsa ng mga Thomasites sa Pilipinas ay naganap din sa araw ng Agosto 21, petsa na sa pagdaloy ng mga taon ay lumikha ng mga patlang na humihingi ng tugon.
Umaasa ang may-akda na nagawa niyang tugunan ang mga patlang na iyon:
Kung sino ang nagpabomba sa Plaza Miranda; kung bakit hindi ko inihagis ang granada sa isang rali sa US embassy noong 1972; kung bakit hindi ko inihiyaw ang signal fire noong May Day Rally ng May 1, 1972; kung ano ang kinahinatnan ni Noli Collantes aka Banero; at kung sino talaga ang Movement for a Democratic Philippines (MDP) lider na nagngangalang Babette.
Subalit sa pagpapatuloy ng daloy ng kasaysayan, pabalik-balik ang kahalagahan ng petsang Agosto 21: ang pambobomba sa Plaza Miranda na natukoy na gawa ng Communist Party of the Philippines (CPP) at nadokumentohan sa magkasanib na pagdinig ng mga Justice at Blue Ribbon Committee ng Philippine Senate noong 1989; ano pa?
Tila sa kulang na lang na pagpangalan kay Ninoy Aquino bilang may utos sa pambobomba sa Plaza Miranda, ganap nang natuldukan ang hiwaga.
Subalit hindi.
Di-maawat ang pagpipilit ng Agosto 21 na itakda ang dapat na tunguhin ng kasaysayan ng Pilipinas.
Tanghali nang araw na iyun noong 1983, lumapag sa Manila International Airport (MIA) ang China Airlines na kinalululanan ni Ninoy Aquino pauwi ng Pilipinas, mula sa tatlong taong paninirahan sa Estados Unidos.
Sa halip na sa litaw na daanan papunta sa arrival lounge ng airport, inilabas si Ninoy ng mga sundalong Avsecom na dumampot sa kanya sa gilid na pintuan ng eroplano na sa pagbaba roon, tuloy-tuloy sa tarmac. At sa eksaktong puntong iyun na maliban sa apat na sundalong Avsecom ay walang nakakasaksi sa mga pangyayari, umalingawngaw ang isang putok na kaagad ay nagpabulalas sa pag-iyak sa nataguriang crying lady, humahagulhol at inihiyaw na pinatay si Ninoy, katunog naman ng sabay-sabay na pag-alingawngaw ng mga putok ng Armalite.
Sumunod na namataan ang wala nang buhay na katawan ni Ninoy, saplot ng imakuladang kasuotan na tigmak ng dugo; sa di-kalayuan sa dakong ilalim ng eroplano, ang isa pang patay na katawan na nadadamitan ng uniporme ng isang airport mechanic, na sa mga sumunod na balita ay kinilalang siyang pumatay kay Ninoy, si Rolando Galman.
Kaya, ito ang lumabas na senaryo: nagpapanggap na isang mekaniko ng airport, nasa ilalim ng hagdan ng eroplano si Galman nang ibaba roon si Ninoy ng mga sundalong Avsecom. Pagsapit sa wastong range, pinaputukan na si Ninoy ng naparatangang assassin. At sabay-sabay namang pinaputukan si Galman ng mga sundalong Avsecom hanggang sa lumugmok na patay rin.
Nakakaintrigang eksena. Binaril ang biktima, pero agad namang pinagbabaril din ang hitman na namatay din agad.
Nasaan ang krimen?
Sa totoo lang, biglang-bigla, wala.
Lahat ng mga sumunod na pangyayari ay mga subok nang palamuti ng isang blockbuster na pelikula: ang di paglinis man lang sa duguang katawan ni Ninoy kabilang ang puting-puting kasuotang tigmak din ng dugo – ang larawang sumakbibi sa buong sambayanan hanggang sa araw ng kanyang libing.
Bakit pa lilinisin ang bangkay?
Kung iyon ang kailangang ultimong elemento upang ganap na pag-alabin sa galit ang balana tungo sa inasahang tuluyang pagbagsak ni Marcos.
Ang pagpaslang kay Ninoy ang nagsilbing mitsa ng civil disobedience campaign ng balo ni Ninoy na si Corazon C. Aquino at pagsapit ng 1986 ay di mapigil sa pagsambulat bilang EDSA People Power Revolution na tuluyang nagpatalasik kay Pangulo Ferdinand E. Marcos.
Sa ginawang imbestigasyon ng Agrava Commission, pinanindigan ng mga sundalong Avsecom ang kanilang naratibong si Rolando Galman ang pumaslang Kay Ninoy. Maging hanggang sa sila ang napatunayang siyang may kagagawan sa pagpaslang, hindi sila bumitaw sa ganung salaysay.
At dumaan pa ang dalawang termino sa pampanguluhan ng bansa ng mga Aquino – una ni Corazon C. Aquino, ang balo ni Ninoy, at ni Benigno Aquino III, ang anak – subalit ni katiting na katotohanan hinggil sa kung sino ang pumatay Kay Ninoy ay walang natuklasan.
Ito ang hinihinging ultimong tuldok sa patlang ng di-nakasulat na kasaysayan.
Subalit kung susuriin lang nang masinsinan, nangyari na ang tuldok, mismong sa bibig ni Ninoy lumabas.
Sa isang panayam sa piling-piling mga kinatawan ng international media na kasakay niya sa China Airlines nang tanghaling iyon.

