31.2 C
Manila
Lunes, Hunyo 29, 2026

Malabantayog na tuldok sa patlang ng di nakasulat na kasaysayan 

- Advertisement -
- Advertisement -

SA di malamang dahilan, ang bahaging ito ay nawala sa napalathalang kolum noong Mayo 6, 2026:

“Sa isang panayam sa piling-piling mga kinatawan ng international media na kasakay niya sa China Airlines nang tanghaling iyun, kabilin-bilinan ni Ninoy ang ganito: “You had better be ready with  your hand cameras. The action will be very fast. For all you know, this could be over in three or four minutes and you may not be able to talk to me again (Dapat kayong maging handa sa inyong mga hand camera. Hindi ninyo alam, magiging napakabilis ng mga aksyon at sa loob ng tatlo o apat na minuto, tapos na ang lahat. At hindi na ninyo ako muling makakausap pa).”

Sa video na naging viral nang mga panahong iyon, bilangin mo ang mga minuto mula nang damputin si Ninoy ng mga sundalong  Avsecom sa kanyang kinauupuan, hilahin palabas sa pinto sa gilid ng eroplano, isara ang pinto at ilakad na siya pababa ng hagdan hanggang sa umalingawngaw ang putok na nagpabulahaw sa crying lady – eksaktong apat na minuto.

Alam ni Ninoy ang mangyayari!

Sa pag-ulit ng huling pangungusap na ito, napipilitang magpanimula ang bahaging ito ng Malabantayog  Na Tuldok sa Patlang ng Di Nakasulat Na Kasaysayan.

Sa pangkabuoan, masinop na ipinakita ang paggunita sa Araw ng Paggawa noong nakaraang Biyernes, Mayo 1, 2026 ang mga tagong kahalagahan ng petsang Agosto 21. Hindi na napaging-marapat na tukuyin pa rin ang Agosto 21, 1901 nang bumugso sa Pilipinas ang mga tinaguriang Thomasites, 600 na gurong Amerikano na sakay ng USAT Thomas upang simulan ang grandiyosong adbentura na baguhin ang mga Pilipino hanggang sa kaibu-ibuturan ng kanilang kaluluwa at ganap pagmalaying-Amerikano.

Sa anu’t-anuman, ang mga Thomasites at ang nilikha nilang bagong kolonisasyon ng Pilipinas ay ang siyang litaw na buhay ng Pilipinas magpahanggang sa ngayon.

Nagkataon lamang na ang pagdagsa ng mga Thomasite sa Pilipinas ay naganap din sa araw ng Agosto 21, petsa na sa pagdaloy ng mga taon ay lumikha ng mga patlang na humihingi ng tugon.

Umaasa ang may-akda na nagawa niyang tugunan ang mga patlang na iyon.

Tila kulang na lang na pagpangalan kay Ninoy Aquino bilang siyang may utos sa pambobomba sa Plaza Miranda, ganap nang natuldukan ang hiwaga.

Subalit hindi.

Tanghali nang araw na iyon noong 1983, lumapag sa Manila International Airport (MIA) ang China Airlines na kinalululanan ni Ninoy Aquino pauwi ng Pilipinas, mula sa tatlong taong paninirahan sa Estados Unidos.

Sa halip na sa litaw na daanan papunta sa arrival lounge ng airport, inilabas si Ninoy ng mga sundalong Avsecom na dumampot sa kanya sa gilid na pintuan ng eroplano, na sa pagbaba roon, tuloy-tuloy sa tarmac. At sa eksaktong puntong iyon na maliban sa apat na sundalong Avsecom ay walang nakakasaksi sa mga pangyayari, umalingawngaw ang isang putok na kaagad ay nagpabulalas sa pag-iyak sa nataguriang crying lady, humahagulhol at inihiyaw na pinatay si Ninoy, katunog naman ng sabay-sabay na pag-alingawngaw ng mga putok ng armalite.

Sumunod na namataan ay ang wala nang buhay na katawan ni Ninoy, saplot ng imakuladang kasuotan na tigmak ng dugo; sa di-kalayuan sa dakong ilalim ng eroplano, ang isa pang patay na katawan na nadadamitan ng uniporme ng isang airport mechanic, na sa mga sumunod na balita ay kinilalang siyang pumatay kay  Ninoy, si Rolando Galman.

Kaya,  ito ang lumabas na senaryo: nagpapanggap na isang mekaniko ng airport, nasa ilalim ng hagdan ng eroplano si Galman nang ibaba roon si Ninoy ng mga sundalong Avsecom. Pagsapit sa wastong range, pinaputukan na si Ninoy ng naparatangang assassin. At sabay-sabay namang pinaputukan si Galman ng mga sundalong Avsecom hanggang sa lumugmok na patay rin.

Nakakaintrigang eksena. Binaril ang biktima, pero agad namang pinagbabaril din ang hitman na  namatay din agad.

Nasaan ang krimen?

Sa totoo lang, biglang-bigla, wala.

Lahat ng mga sumunod na pangyayari ay mga subok nang palamuti ng isang blockbuster na pelikula: ang di paglinis man lang sa duguang katawan ni Ninoy kabilang ang puting-puting kasuotang tigmak din ng dugo – ang larawang sumakbibi sa buong sambayanan hanggang sa araw ng kanyang libing.

Bakit pa lilinisin ang bangkay?

Kung iyon ang kailangang ultimong elemento upang ganap na pag-alabin sa galit ang balana tungo sa inasahang tuluyang pagbagsak ni Marcos.

Ang pagpaslang kay Ninoy ang nagsilbing mitsa ng civil disobedience campaign ng balo ni Ninoy na si Corazon C. Aquino at pagsapit ng 1986 ay di mapigil sa pagsambulat bilang EDSA People Power Revolution na tuluyang nagpatalasik kay Pangulo Ferdinand E. Marcos.

Sa ginawang imbestigasyon ng Agrava Commission, pinanindigan ng mga sundalong Avsecom ang kanilang naratibong si Rolando Galman ang pumaslang kay Ninoy. Maging hanggang sa sila ang napatunayang siyang may kagagawan sa pagpaslang, hindi sila bumitaw sa ganung salaysay.

At dumaan pa ang dalawang termino sa pampanguluhan ng bansa ng mga Aquino–una ni Corazon C. Aquino, ang balo ni Ninoy, at ni Benigno Aquino III, ang anak–subalit ni katiting na katotohanan hinggil sa kung sino ang pumatay kay Ninoy ay walang natuklasan.

Ito ang hinihinging ultimong  tuldok sa patlang ng di nakasulat na kasaysayan.

Kung susuriin lang nang masinsinan, nangyari na ang tuldok–mismong sa bibig ni Ninoy lumabas.

Balikan ang tagubilin niya sa mga mediamen na kasakay niya sa China Airlines: “Dapat kayong maging handa sa inyong mga hand camera. Magiging napakabilis ng mga aksyon at lahat ay matatapos sa loob lamang ng tatlo o apat na minuto. At hindi na ninyo ako makausap pang muli.”

Papaano maipatitiuna ni Ninoy sa mga kausap ang kanyang kamatayan?

Pwera na lamang kung siya mismo ang direktor ng dakilang eksena.

Sa usaping ito, malaking tulong ang video documentary na pinamagatang Beyond Conspiracy, 25 Years After The Aquino Assassination.

Ikinumpara ng Tagapaglahad Tina Munzon Palma ang labanan sa politika nina Marcos at Ninoy sa isang chess game na sa kada move, talo si Ninoy.

“In the end (sa kahuli-hulihan)”, pagtatapos ni Palma, “Ninoy did the unthinkable. He sacrificed the King (ginawa ni Ninoy ang di-magawang isipin. Isinacrifice niya ang Hari).”

Alam natin na sa larong chess, ang ultimong ipinagtatanggol ay ang Hari, sapagkat kung ang Hari mo ang nabihag, talo ka na.

Pero sa kaso ni Ninoy, ang kanyang kamatayan ay matatawag na euthanasia – pagpaslang sa sarili.

At ang kanyang kamatayan, sa pagpapakahulugang Griyego ay “magandang kamatayan.”

Isinakripisyo ni Ninoy ang Hari upang iluklok sa Trono ang Reyna.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -