MULING naging sentro ng pambansang usapin ngayong taon ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte matapos umusad ang proseso mula sa House of Representatives hanggang sa Senado.

Ang impeachment ay isang prosesong nakasaad sa 1987 Constitution ng Pilipinas kung saan maaaring panagutin at alisin sa pwesto ang matataas na opisyal ng gobyerno dahil sa mga mabibigat na paglabag tulad ng betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at iba pang impeachable offenses.
Sa ilalim ng Konstitusyon, ang House of Representatives ang may eksklusibong kapangyarihang magsimula ng impeachment proceedings, habang ang Senado naman ang magsisilbing impeachment court na magpapasya kung guilty o hindi guilty ang isang opisyal.
Narito ang masusing timeline ng mga pangunahing pangyayari kaugnay ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ngayong 2026.
Hulyo 25, 2025: Supreme Court naglabas ng mahahalagang desisyon
Bago pa man tuluyang umusad ang impeachment proceedings ngayong 2026, naging mahalagang bahagi ang naging ruling ng Supreme Court noong Hulyo 25, 2025.
Sa naturang desisyon, sinabi ng Korte Suprema na hindi maaaring magkaroon ng higit sa isang impeachment complaint laban sa parehong opisyal sa loob ng isang taon, alinsunod sa tinatawag na “one-year bar rule” ng Konstitusyon.
Dahil dito, nabigyang-linaw kung kailan lamang maaaring muling magsampa ng panibagong impeachment complaint laban kay Duterte.
Noong Enero 29, 2026, naging pinal at executory ang naturang ruling ng Supreme Court matapos itong pagtibayin ng Korte Suprema.
Dahil dito, naging legal nang muling magsampa ng panibagong impeachment complaint laban sa bise presidente pagsapit ng Pebrero 2026.
Pebrero 2026:Muling paghahain ng impeachment complaints
Pagsapit ng Pebrero 2026, muling naghain ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte ang ilang complainants at civil society groups.
Kabilang sa mga alegasyong inilahad laban sa bise presidente ang:
- umano’y maling paggamit ng confidential funds;
- betrayal of public trust;
- unexplained wealth;
- at mga kontrobersyal na pahayag umano laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Matapos maisampa ang mga reklamo, ipinasa ito ng House of Representatives sa House Committee on Justice para sa paunang pagdinig at deliberasyon.
Samantala, mariin namang itinanggi ng kampo ni Duterte ang mga alegasyon at sinabing bahagi lamang umano ito ng pamumulitika laban sa bise presidente.
Marso 25, 2026: Unang pormal na hearing ng House Justice Committee
Noong Marso 25, 2026, isinagawa ng House Committee on Justice ang unang pormal na hearing kaugnay ng impeachment complaints laban kay Duterte.
Sa pagdinig, tinalakay ng komite ang:
- legal procedures ng impeachment;
- verification ng mga reklamo;
- at mga susunod na hakbang ng komite.
Ipinaliwanag ni Gerville Luistro, chairman ng House Justice Committee, na hindi pa impeachment trial ang kanilang ginagawa.
Ayon kay Luistro, “The House initiates. The Senate decides.”
Binigyang-diin din niya na layunin lamang ng komite na alamin kung may probable cause o sapat na batayan upang ituloy ang impeachment process.
Hindi rin dumalo si Vice President Sara Duterte sa naturang hearing bagamat naabisuhan ang kanyang tanggapan.
Ayon sa komite, iniwan nilang bakante ang upuan para sa bise presidente bilang simbolo na bukas pa rin ang proseso para sa kanyang partisipasyon.
Abril 2026: Sunod-sunod na pagdinig at presentasyon ng mga ebidensya
Sa mga sumunod na linggo ng Abril 2026, nagsagawa ng serye ng mga pagdinig ang House Justice Committee upang suriin ang iba’t ibang alegasyon laban sa bise presidente.
Kabilang sa mga sinuri ng komite ang:
- confidential fund disbursement records;
- liquidation documents;
- testimonya ng mga resource persons;
- at iba pang dokumentong may kaugnayan sa Office of the Vice President.
Isa sa mga naging sentro ng usapin ay ang umano’y paggamit ng confidential funds at kung naging maayos ba ang liquidation at paggamit nito.
Patuloy namang iginiit ng legal team ni Duterte na walang sapat na basehan ang impeachment complaints.
Ayon sa kampo ng bise presidente, hindi umano dapat ginagamit ang impeachment bilang instrumento ng politika.
Abril 14, 2026: Testimonya ni Ramil Madriaga
Isa sa pinakamalaking naging development sa impeachment hearings ay ang pagharap ni Ramil Madriaga noong Abril 14, 2026.
Sa kanyang supplemental affidavit o karagdagang sinumpaang salaysay, sinabi ni Madriaga na mayroon umano siyang direktang ugnayan hindi lamang kay Sara Duterte kundi maging sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Madriaga, nagsilbi umano siyang political officer noong kampanya ni Rodrigo Duterte noong 2016 presidential elections.
Inilahad din niya ang umano’y mga sensitibong pag-uusap na may kaugnayan sa politika, campaign operations, at umano’y paglilipat ng pera.
Inakusahan din niya si Vice President Sara Duterte ng umano’y pagsisinungaling sa ilalim ng panunumpa o perjury.
Bukod dito, sinabi rin ni Madriaga na siya umano ay ginamit bilang “dummy” sa ilang money transfers.
Gayunman, mahalagang tandaan na ang mga ito ay nananatiling alegasyon at hindi pa napapatunayan sa korte.
Mariin namang itinanggi ng kampo ng mga Duterte ang mga paratang.
Ayon kay Salvador Panelo, dating tagapagsalita ni Rodrigo Duterte:
“Nonsense” umano ang affidavit ni Madriaga.
Sinabi rin niyang bahagi lamang umano ito ng pagtatangkang sirain ang reputasyon ng pamilya Duterte.
Samantala, ayon naman kay Salvador Paolo Panelo Jr., abogado ng bise presidente,“Pure fiction” umano ang mga alegasyon laban kay Duterte.
Abril 29, 2026: House Justice Committee nagdeklara ng probable cause
Noong Abril 29, 2026, unanimous na bumoto ang House Committee on Justice upang ideklarang may probable cause laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa mga ulat, lahat ng miyembrong dumalo sa committee hearing ay bumoto pabor sa pagpapatuloy ng impeachment proceedings.
Ayon kay Rep. Gerville Luistro, “What we are doing here is not a trial. Our only question is: Is there enough basis for the process to move forward?”
Ipinaliwanag din niya na hindi pag-agaw sa kapangyarihan ng Senado ang kanilang ginagawa dahil ang Senado pa rin ang may huling desisyon sa impeachment case.
Aniya: “The House initiates. The Senate decides.”
Tinugunan din ni Luistro ang mga batikos na nagsasabing isa lamang distraksyon ang impeachment hearings sa iba pang problema ng bansa.
Ayon sa kanya: “Does the existence of many problems mean we should ignore one specific problem?”
Mayo 4, 2026: Pag-apruba sa Articles of Impeachment
Noong Mayo 4, 2026, pormal na inaprubahan ng House Justice Committee ang committee report at Articles of Impeachment laban kay Sara Duterte.
Nakasaad sa Articles of Impeachment ang iba’t ibang alegasyon laban sa bise presidente kabilang ang:
- betrayal of public trust;
- culpable violation of the Constitution;
- at umano’y anomalya sa paggamit ng confidential funds.
Ito ang naging opisyal na dokumentong ihaharap sa plenaryo ng House of Representatives.
Mayo 11, 2026 : Pag-transmit ng Impeachment Case sa Senado
Matapos ang deliberasyon sa Kamara, umusad ang impeachment case patungo sa Senado.
Nakuha ng impeachment complaint ang kinakailangang suporta ng hindi bababa sa one-third ng kabuuang miyembro ng House of Representatives upang opisyal na maipadala sa Senado ang Articles of Impeachment.
Kasunod nito, nagsimula nang maghanda ang Senado para sa impeachment trial.
Ayon sa Senate leadership, kinakailangan nang mag-convene ang Senado bilang impeachment court alinsunod sa Konstitusyon.
Mayo 18, 2026: Senado pormal na nagtipon bilang Impeachment Court
Noong Mayo 18, 2026, pormal nang nagtipon ang Senado bilang impeachment court para sa nalalapit na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa ilalim ng impeachment proceedings, ang mga senador ang magsisilbing senator-judges na magdedesisyon kung guilty o hindi guilty ang bise presidente.
Inaasahan ding magsisilbing prosecutors ang ilang miyembro ng House of Representatives.
Sa yugtong ito, inaasahang tatalakayin sa impeachment court ang:
- umano’y misuse of confidential funds;
- unexplained wealth;
- betrayal of public trust;
- at iba pang alegasyong nakapaloob sa Articles of Impeachment.
Samantala, sinabi ng legal team ni Duterte na handa silang sagutin ang lahat ng alegasyon laban sa bise presidente.
Ano ang susunod sa impeachment process?
Sa kasalukuyan, si Vice President Sara Duterte ay opisyal nang impeached matapos aprubahan ng House of Representatives ang Articles of Impeachment laban sa kanya at maipadala ito sa Senado. Gayunman, hindi pa nangangahulugan ito na siya ay natanggal na sa pwesto.
Sa ilalim ng proseso ng impeachment sa Pilipinas, ang House of Representatives ang nagsasampa ng impeachment case, habang ang Senado naman ang magsisilbing impeachment court na magdedesisyon kung guilty o hindi guilty ang isang opisyal.
Habang wala pang pinal na desisyon ang Senado, mananatili si Duterte sa kanyang posisyon bilang vice president ng bansa.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, kinakailangan ng two-thirds vote ng Senado upang siya ay mahatulang guilty at tuluyang matanggal sa pwesto.
Gayunpaman, nakatutok ang publiko sa magiging takbo ng impeachment trial na itinuturing na isa sa pinakamalalaking political developments sa Pilipinas ngayong 2026.

