MALABONG papasa ang panukalang payagan ang online participation sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte-Carpio at para pwedeng makilahok at bumoto nang virtual si Sen. Ronald dela Rosa sa plenary voting sa mga mosyon – kabilang ang Senate leadership at committee chairmanships, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong Biyernes.
Ayon kay Lacson, pinapayagan lamang ng mga patakaran ng Senado ang virtual participation sa ilalim ng force majeure o mga hindi inaasahan at hindi makontrol na sitwasyon, o sa mga emerhensiya tulad ng Covid.
“Hindi lulusot. At saka maantala kami pag binago namin ang rules on impeachment,” aniya sa panayam sa True FM.
“Even sa rules ng Senado hindi rin puwede. Ang umiiral na rules pag may force majeure or emergency tulad ng Covid noong panahon ng Covid pinayagan namin yan, di kami maka-session kung may lockdown,” dagdag niya
Binanggit din ni Lacson na wala pang desisyon sa mosyon ni Sen. Rodante Marcoleta na payagan ang online participation sa plenary session ng Senado at sa impeachment trial, na inaasahang makikinabang si Sen. dela Rosa.
Ayon kay Lacson, “invalid” ang ganitong mosyon dahil kinakailangang amyendahan muna ang mga patakaran ng Senado at dumaan sa tamang proseso.
Dagdag pa niya, kung ang naturang hakbang ay para sa impeachment court, kailangang ito ay pagdesisyunan sa loob ng impeachment court mismo, na may hiwalay na mga patakaran at proseso mula sa Senado.



