ITINANGGI ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong Biyernes ang “kasinungalingan” ni Sen. Maria Imelda Josefa Remedios “Imee” Marcos tungkol sa isang umanong plano na agawin ang liderato ng Senado upang bigyang-daan ang constitutional amendments na magpapalawig sa termino ng mga matataas na opisyal ng gobyerno – at i-extend ang termino ng Pangulo at Vice President, at palitan ang age requirement dito sa 50 mula 40 para ma-disqualify si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Lacson, ang minority bloc ng Senado na kinabibilangan niya, ay hindi kailanman nakarinig ng ganitong usapin, lalo’t higit na natalakay ito sa kanilang mga caucus.
“Flat lies, outright lies. Kasinungalingan. Walang paguusap kami maski mga caucuses namin. Napakalimit naming mag-caucus sa minority never yan napagusapan never yan nabanggit ang con-ass. Kung may planong mag-conass di namin alam yan. Kung meron man at kung meron kaming narinig di namin alam kung anong end state na gusto nilang makita,” aniya sa panayam sa True FM.
“Hindi ko alam anong pinanggagalingan ng kanilang pananalita. Kung meron silang matibay na basehan bahala sila,” he added.
Sinabi pa ni Lacson na para sa tinatawag na “Mythical 11” — ang bansag sa minority bloc — ang pangunahing prayoridad ay ang paghahanap ng paraan upang maibalik ang tiwala at dangal ng Senado.
Aniya, sakaling makuha ng minority ang sapat na bilang upang muling makuha ang liderato ng Senado, tututukan nito ang pagpapabuti ng pananaw ng publiko sa institusyon.
“We love the Senate. Lahat kami nagkakaisa, Ibangon natin ang Senado first and foremost sa paningin ng ating mga kababayan. Kalimutan ang iba ibang issues, attendant sa pagpalit liderato. Sa amin ang primordial concern namin ang integrity ng Senate,” aniya.



