28.4 C
Manila
Martes, Hulyo 21, 2026

Mga paglilinaw sa impeachment ni Sara

ULTIMONG BIGWAS 

- Advertisement -
- Advertisement -

SIMULA’T SIMULA pa lang sakbibi na ang pitak na ito ng pangangailangang dalirutin nang husto ang impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte. Kitang-kita ang tila obsesyon na iyun sa marami-rami na ring artikulong nalimbag ko sa pitak na ito at gayundin sa aking kolum na My Say sa The Manila Times.

Ewan kung bakit ganun na lang kasugid ang aking paghahangad na makitang  naisusulong ang impeachment ni Sara sa wastong dapat niyang kahantungan. Kaya ganun na lang nag-alburoto ang aking kalooban nang idineklara ng Korte Suprema na ang impeachment ni Sara ay unconstitutional.

Sa kasasaliksik na aking ginawa, natuklasan ko na sa 15 Associate Justice ng Korte Suprema, 13 nito ay mga appointee ni Dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte. Kaya sa usapin kung pahihintulutang maparusahan ang anak ng kanilang pinagkakautangan ng malaking utang na loob, mangyari pa, ang kanilang sagot ay hindi.

Kaya ayun, unconstitutional ang impeachment ni Sara.

Ang problema nito, pansarili kong pagsusuri iyun. Ilan ang may ganun ding pananaw?


Ni isa ay wala akong naringgan.

Lahat-lahat na ay nakatuon ang pansin sa ligalidad.

Hindi ako abogado upang sa laràngang ito ay makagawa ng makatuturang ambag ng  paglilinaw.

Ngayong nagawa nang iparating ng House of Representatives ang proseso ng impeachment ni Sara sa impeachment  trial na ng Senado, minarapat kong halawin na lamang nang buong-buo ang pahayag ng pinuno ng House Prosecution Panel na si Rep. Gerville Luistro hinggil sa mga usaping ligal ng impeachment ni Sara. Ligtas na paraan ito upang ang pitak na ito ay makapag-ambag sa paghahangad ng balana na malinawan kung bakit kailangang ma-impeach si Bise Presidente Sara Duterte.

- Advertisement -

Naririto ang mga paglilinaw ni Rep  Luistro: “At kapag may alegasyon sa sinumang opisyal ng pamahalaan, mga miyembro ng House of Representatives, ng Senado  o ng Ehekutibo, dapat itong imbistigahan at sagutin sa ilalim ng batas.

Walang puwang sa isang tunay na demokrasya ang anumang selective accountability.

At sa ebidensya naman, nakita natin ang mga dokumento na hindi maaaring ipagsawalang- bahala.

Mga certification mula sa PSA, mga disallowance mula sa COA, mga rekord ng transaksyon mula AMLC, mga dokumento na isinumite mismo sa Committee on Justice at isinama sa official record ng kapulungang ito.

Nakakita tayo ng mga pangalang walang official record. Nakakita tayo ng mga confidential funds na idineklarang disallowed at  ipinababalik sa kaban ng bayan.

At nakita rin natin ang mga ulat na nagpapakita ng bilyun-bilyung piso ng inflow at outflow ng mga transaksyon sa loob ng maraming taon. Maaaring may paliwanag sa bawat inflow at outflow, subalit sa laki, lawak at pattern ng mga ito, tungkulin nating tiyakin na ang mga ito ay  maipaliwanag nang lubos  sa tamang pulong at sa ilalim ng panunumpa.

- Advertisement -

At habang pinag-uusapan natin ang bilyun-bilyong piso, alalahanin natin kung kaninong pera ito.  Pera ito ng  manggagawa na araw-araw ay pumapasok kahit kulang ang pamasahe. Pera ito ng magulang na nagtitiis upang mapag-aral ang mga anak. Pera ito ng mga pamilyang pumipila sa mga ospital ngunit  walang pambili ng gamot.

Pera ito ng mga Pilipino na nagbabayad ng buwis habang umaasang tapat sa tungkulin ang mga opisyal na kanilang pinagkakatiwalaan.

Kaya habang may mga nagtatanong kung paanong ginagamit ang pera ng bayan,  hindi maaaring manahimik ang House of Representatives.

At sa kabila ng lahat ng ito, isang bakanteng upuan ang humarap sa Committee on Justice.

Hindi dumalo ang Bise Presidente upang personal na sagutin ang mga isyung ibinabato laban sa kanya

Ngunit sa ating sistema, ang mga seryosong alegasyon ay dapat sagutin ng mga ebidensya at testimonya sa ilalim ng panunumpa.

Gayun pa man, kahit wala siya sa pagdinig, pinag-aralan pa rin ang lahat ng depensa na iniharap ng kanyang kampo.  At matapos ang mahabang deliberasyon, matapos ang halos 22 research person, matapos ang libu-libong pahina ng mga record, nagkaisa ang Committee on Justice. Unanimous po ang boto: “The Committee found probable cause to proceed with the impeachment (Napatunayan ng Committee na may masusuring dahilan upang ipagpatuloy ang impeachment).”

Eksaktong 7:22 ng gabi, Mayo 13, 2026, ang mga selyadong kahon na naglalaman ng mga Articles of Impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte ay ideniliber sa Senate Secretariat.

Ayon sa tadhana ng Saligang Batas, ang paglilitis ay magtutuloy agad.

 

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -