TUMULAK na ngayong Martes, Mayo 26, sa Japan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa apat na araw na State Visit sa paanyaya ng pamahalaang Hapones, kasabay ng paggunita sa ika-70 anibersaryo ng normalisasyon ng ugnayang diplomatiko ng dalawang bansa.

Ito ang kauna-unahang State Visit ng Pangulo sa Japan matapos ang kanyang mga opisyal at working visit noong 2023 at 2025.
Layunin nitong higit pang patatagin ang Strengthened Strategic Partnership ng Pilipinas at Japan sa mga larangan ng agrikultura, enerhiya, kalakalan, imprastraktura, depensa, seguridad, teknolohiya, at pagpapaunlad ng Mindanao.
Tatalakayin din ng Pangulo at ng lider ng Japan ang mga usaping panrehiyon at pandaigdig, kabilang ang West Philippine Sea, Gitnang Silangan, ASEAN, pakikipagtulungan sa Estados Unidos, at kandidatura ng Pilipinas sa United Nations Security Council.
“This visit seeks to further strengthen the bonds of friendship with a close neighbor, like-minded, and future-oriented just like us in many ways, and a most reliable partner in times of both prosperity and times of uncertainty, such as today’s ongoing oil crisis,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Magkakaroon din ng Imperial Audience ang Pangulo at si Unang Ginang Louise Araneta-Marcos sa Emperor at Empress ng Japan bilang pagkilala sa kanilang ambag sa pagpapatibay ng ugnayan ng dalawang bansa, at magkakaroon ng pagpapalitan ng pinakamataas na parangal mula sa Pilipinas at Japan.
Ito ang ika-apat na pagkakataong makikipagpulong ang Pangulo kay Prime Minister Takaichi Sanae upang talakayin ang mas malawak na kooperasyon sa seguridad, ekonomiya, at kapayapaan sa rehiyon.
Inaasahan ding sasaksihan ng Pangulo at Japanese Prime Minister ang pagpirma ng mahahalagang kasunduan sa kalakalan, pamumuhunan, at kooperasyong pandagat.
“The Prime Minister and I also expect to witness the signing and exchange of important agreement in trade and investment. We will also be announcing key bilateral initiatives in security and maritime cooperation,” ayon sa Pangulo.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang malaking ambag ng Japan sa Build Better More Program, kabilang ang Metro Manila Subway Project, North-South Commuter Railway, rehabilitasyon ng MRT-3, at Central Mindanao High Standard Highway Project, gayundin ang suporta nito sa AFP Modernization Program.
“Japan has extended assistance to our Build Better More infra programs, such as the first phase of the Metro Manila Subway Project, the construction of the North-to-South Commuter Railway Project that will connect Malolos and Tutuban, the rehabilitation of the Metro Rail Transit Line 3, and the construction of the Central Mindanao High Standard Highway Project that will connect Cagayan de Oro and Malaybalay,” ayon sa Pangulo.
(Nagbigay rin ang Japan ng suporta sa pagpapaunlad ng Mindanao sa pamamagitan ng mga grant para sa mga proyektong gaya ng Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi Wireless Backbone Network.)
Samantala, makikipagpulong din si Pangulong Marcos sa mga pangunahing lider ng negosyo sa Japan upang hikayatin ang karagdagang pamumuhunan sa Pilipinas. Inaasahan din niyang makadaupang-palad ang masiglang komunidad ng mga Pilipino sa Japan na patuloy na nagbibigay ambag sa pag-unlad ng bansa. | PND



