SA kanyang unang briefing ng Second Congressional Commission on Education (Edcom II) noong Mayo 25, 2026, agad na tinutukan ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda, chairperson ng Senate Committee on Basic Education at co- chairperson ng Edcom II, ang matinding krisis sa literasiya ng kabataang Pilipino.
Batay sa ulat ng Edcom II, maraming mag-aaral ang nahuhuli sa pundamental na kasanayan.
“Sa Grade 3, marami pa ring mag-aaral ang hindi marunong bumasa. Sa bawat antas, isa sa apat na estudyante ay hirap pa rin sa pagbabasa, at lalo itong lumalala sa Key Stage 3 (Grades 7 hanggang 10) kung saan higit 80 porsyento ang struggling readers,” ani Legarda. “Mas nakababahala, sa Grade 11, 87 porsyento ng mga estudyante ang napatunayang hindi independent readers. Ang problemang ito sa edukasyon ay isang national emergency.”
“Bilang chair ng Senate Committee on Basic Education, mahalaga sa akin na makita mismo ang mga hamon upang masiguro na maayos na naipatutupad ang mga sistemang kailangan. Hindi kailangang magsayang ng malaking gastos para maturuan ang mga bata. Sa edad na sampu, dapat malinaw na sa kanila ang kahalagahan ng pagbabasa at pagsusulat. Kung nahuhuli pa rin, tungkulin nating tulungan silang makabawi,” dagdag niya.
Upang tugunan ang krisis, iminungkahi ni Legarda ang masinsinang hakbang: pagpapalakas ng mga programa sa pagbabasa sa mababang baitang, pagpapahusay ng pagsasanay ng mga guro, pagtitiyak ng maagap na paghatid ng dekalidad na materyales sa pagkatuto, at pagsasama ng kultura at kasaysayan sa pundamental na edukasyon.
Nanawagan din siya ng pagbabalik sa kultura ng pagbabasa at suporta sa lokal na industriya ng paglilimbag. “Gusto kong bumalik tayo sa pagbabasa ng aklat. Hayaan nating mamulaklak ang libo-libong bookstores at manunulat. Sa paggawa nito, natututo ang kabataan, at kasabay nito, napapanatili natin ang ating mga manunulat, publisher, at mga creator,” pahayag ni Legarda.
Ipinunto rin ng senadora ang papel ng edukasyon sa pagpapalalim ng pambansang identidad at kamalayang pangkultura. Nagpahayag siya ng pangamba kung nauunawaan ng mga estudyante ang kahalagahan ng kasaysayan at pamana ng bansa.
“Sa Grade 5, dapat kaya na nilang ipaliwanag ang mga nagawa ni Rizal at ang kanyang mga adhikain. Mahalaga ang kasaysayan at kultura, dapat ito ay buhay sa ating mga paaralan,” ani Legarda. Bilang tugon, iminungkahi niya ang pagpapalakas ng cultural mapping programs sa pakikipagtulungan ng National Commission for Culture and the Arts, kung saan ang mga guro ay magsisilbing cultural mappers sa kani-kanilang komunidad.
Idinagdag pa ni Legarda na ang mga itinakdang pagdiriwang sa batas ay hindi kailangang magresulta sa kanselasyon ng klase, kundi dapat ipagdiwang sa oras ng klase upang matutunan ng mga estudyante ang kasaysayan, kultura, at mga pagpapahalagang sibiko habang nasa paaralan.
Tinukoy rin ng apat na terminong Senadora ang ARAL Law (RA 12028), na kanyang co-authored, bilang pangunahing reporma upang palakasin ang mga programa sa pagbabasa at tugunan ang malalang kakulangan sa pagkatuto. Muli niyang iginiit ang suporta sa mahahalagang panukalang batas para sa sektor ng edukasyon, kabilang ang mga amyenda sa Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act (E-GASTPE) para sa Basic Education Voucher Program; ang Classroom Building Acceleration Program para sa mabilis na pagtatayo ng ligtas at matibay na silid-aralan; at ang Masustansyang Pagkain Bill para sa wastong nutrisyon ng mga mag-aaral.
Matagal nang tagapagtaguyod ng reporma sa edukasyon si Legarda. Kabilang sa kanyang mga isinulong ang Republic Act No. 10533 o Enhanced Basic Education Act of 2013 na nag-institutionalize ng K to 12 program; Republic Act No. 10908 o Integrated History Act of 2016 na nag-atas ng integrasyon ng kasaysayan at kultura ng Pilipinas sa K to 12 curriculum; at Republic Act No. 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act na nagpalawak ng libreng edukasyon sa mga state universities and colleges.
“Ang mga solusyon ay abot-kamay, ngunit kailangan ng agarang aksyon, koordinasyon, at tuloy-tuloy na political will. Dapat masiguro natin na bawat batang Pilipino ay marunong bumasa, umunawa, at makalahok nang makabuluhan sa nation-building,” ani Legarda.
Dagdag pa niya, ang tapat na paglilingkod ay nangangahulugan ng pagtanggap sa pinakamabibigat na hamon. Batay sa kanyang karanasan bilang dating Chairperson ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education, determinado siyang palakasin ang sistema ng edukasyon sa lahat ng antas.
“Ang tunay na tagumpay ay hindi lang nasusukat sa pagpasa ng batas, kundi sa kung paano natin naiaangat ang kalidad ng pagtuturo at pagkatuto, at kung paano natin napapalakas ang pundasyon ng kinabukasan ng ating bansa,” pagtatapos ni Legarda.



