ANG coaching ay isang estratehiya upang malinang ang kaalaman at kasanayan ng indibidwal o grupo para sa ikauunlad niya/nila at ng kinapapaloobang organisasyon. Maituturing na boundary spanning ang coaching dahil maari itong sumaklaw sa maraming larangan kagaya ng pampublikong pamamahala, pagnenegosyo, gawaing pangkawanggawa, pamumuno, pananaliksik, sining, isports at iba pa. Ang sumusunod ay tala ng ilang paalala at panuntunan sa coaching bilang praktikang panlipunan at komunikatibo. Para sa akdang ito, kapwa tumutukoy ang paksa sa taong gumagabay (coach) at mga ginagabayan (coachee).
· Pahalagahan ang kritikal na papel ng coaching sa personal at professional growth.
· Gamiting paraan ang coaching upang ganap na maabot ng bawat isa ang kanilang pontensyal. Sa pamamagitan nito ay matutukoy at matutugunan din ang mga blind spot.
· Tukuyin kung saang larangan mo nais umunlad at magpakadalubhasa. Alamin din kung kailangan mo sumailalim sa coaching para rito.
· Pagpunyagian na maging mabuting ehemplo (role model) sa kapwa at isa sa mga paraan upang maipamalas ito ay sa pamamagitan ng coaching.
· Alamin ang antas ng kaalaman at kasanayan mo sa larangan bilang coach o coachee upang malaman ang iyong kahandaan at pangangailangan.
· Unawain din ang sariling coaching style (coach) at learning style (coachee). Mahalagang nauunawaan mo pareho anuman ang papel na ginagampanan mo sa dalawa.
· Intindihin na ang coaching ay isang porma ng adult learning. Bilang panimula maaaring basahin ang artikulong ito: Adult Learning 101 – Pinoy Peryodiko.
· Lumikha ng isang kapaligiran na makapagbibigay ng motibasyon at tiwala sa sarili. Ganitong kahali-halinang kapaligiran at ideyal na kultura ang dapat mayroon kapag isinasagawa ang coaching.
· Kilalanin ang malaking ambag ng coaching sa indibidwal, organisasyonal at panlipunang pag-unlad.
· Pahalagahan ang coaching bilang isa sa mga paraan ng intergenerational transfer ng kaalaman at kasanayan. Tinitiyak din nito na magiging likas-kaya (o sustainable) ang pagpapasa ng talino at talento.
· Tukuyin ang dahilan kung bakit kailangan sumailalim sa coaching. Alamin din kung ano pang ibang katambal na paraan ang maaaring gamitin upang umunlad sa larangan.
· Linawin simula’t sapul ang mga layunin sa pagsasagawa ng o paglahok sa coaching. Mahalaga sa pagsabak sa coaching ang clear sense of purpose.
· Itakda ang layunin at gawin itong batayan ng unawaan at pagkakaisa sa pagitan ng coach at coachee.
· Alamin ang mga batayang kasanayan sa paggampan bilang isang coach. Gayundin, tukuyin ang mga dapat na taglaying katangian bilang coachee.
· Maging aktibo at sensitibong tagapakinig at magkaroon ng bukas na isipan.
· Maging malay sa sarili (self-awareness) at sa kapwa (other-awareness).
· Alamin ang sariling posisyonalidad sa pamamagitan ng pagiging
self-reflexive. Pagpunyagian ding maging isang reflective practitioner.
· Unawain ang mas malawak na konteksto kung saan ka at ang iyong kinabibilangang larangan nakapaloob.
· Maging mapagnilay sa pagbuo o pagbalangkas ng tanong dahil nagbubukas ito ng maraming oportunidad upang makapaglinaw at makapagpalalim.
· Unawain ang mga konsepto, modelo, panuntunan at pamamaraan ng coaching bilang larangan at praktika.
· Tandaan na dapat taglayin ang tamang disposisyon at pag-iisip kung papaloob sa gawaing ito.
· Hamunin ang mga kinagisnan at kinasanayan sa larangan. Learn to unlearn, wika nga.
· Maging konstruktibo sa pagbibigay ng puna at rekomendasyon bilang coach. Iwasang makasakit ng damdamin.
· Tandaan na ang coaching ay hindi nangangahulugan ng pagdidikta at pagtatakda lamang. Kinakapalooban ito ng pagbibigay ng oportunidad sa indibidwal na tuklasin ang tamang kasagutan, landasin at hakbangin.
· Iwasang itakda at ipilit ang sariling paninindigan at pamantayan sa coachee.
· Alamin mula sa coachee ang kanyang sariling konsepto ng pag-unlad, tagumpay at pagkabigo.
· Lumikha ng kondisyon at kapaligiran na nakapaglilinang ng self-initiative, self-responsibility at self-change mula sa coachee.
· Linangin din ang kakayahang magsagawa ng self-assessment. Ang assessment (o pagtataya/pagtatasa) ay dapat maging demokratikong proseso at karanasan.
· Isaisip na ang coaching ay maituturing din na isang porma ng partnership sa pagitan ng coach at coachee.
· Pahalagahan ang tiwala bilang sentral na konsiderasyon sa pagpapatibay ng coach-coachee relationship.
· Lumikha ng isang kapaligiran na titiyak ng psychological safety para sa lahat. Ang psychological safety ay tumutukoy sa isang panatag na kapaligiran upang magtanong para makapaglinaw, magpahayag ng altenatibong pananaw, maglantad ng personal na kahinaan at umamin sa pagkakamali nang wala tatanggaping panghuhusga, parusa at panlalait mula sa iba.
· Pangalagaan ang privacy at confidentiality ng isa’t isa sa lahat ng pagkakataon.
· Maging mapagkakatiwalaang kaagapay at katuwang sa pag-unlad sa larangan.
· Sundan ang GROW model na tumutukoy sa Goal, Reality, Options at Will. Itanong kung ano ang layunin at adhikain para sa G (Goal). Alamin kung ano ang kasalukuyang sitwasyon para sa R (Reality). Tukuyin kung anong mga estratehiya ang nais gamitin para sa O (Options). At ilatag ang nais isagawa at kailan ito ipapatupad para sa W (Will o Way Forward).
· Pahalahagan maging ang mga maliliit at unti-unting pagbabagong naisasagawa at naisasakatuparan.
· Tukuyin kung anong mga estratehiya ang epektibo at/o hindi epektibo.
· Magtala sa reflection journal para maidokumento ang proseso ng pag-unlad bilang coach o coachee.
· Magsawa ng regular na action planning upang maging malinaw ang action areas at action commitments.
· Itakda ang mga tiyak na action areas upang masubaybayan kung natutugunan ba o hindi ang mga ito.
· Tandaan ang kritikal na papel ng follow-through at check-in upang tiyakin ang pagtupad ng coachee sa mga action point at commitment.
· Maging responsable at mahinahon sa pagtugon sa mga kontradiksyon at hindi pagkakaunawaan.
· Panaigin ang respeto (respect), malasakit (concern) at pagkalinga (care) sa lahat ng pagkakataon.
Bilang pagbubuo(d), isaisip ang mahalagang papel ng pakikipagkapwa at agapayan upang kolektibong umunlad sa larangan. Sa kontekstong ito, kritikal ang ginagampanan ng coaching sa paglilinang ng kaalaman (knowledge), kasanayan (skills) at pagpapahalaga (values) upang maging instrumento ng pag-unlad para sa iba. Maging sensitibo sa paglalapat ng coaching style sa katangian ng mga sasanaying indibidwal o grupo upang maging epektibo at tumutugon sa aktwal na pangangailangan. At pinakamahalaga, lumikha ng kultura at ligtas na kapaligiran (enabling culture at safe space) na magbibigay ng oportunidad sa lahat na maging mas mabuting bersyon ng kanilang mga sarili.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

