INIHAIN ni Sen. Raffy Tulfo nitong Lunes, May 25 ang Senate Bill (SB) No. 2159 o “New Philippine Building Act” na layong magtatag ng mas napapanahong mga pangkalahatang regulasyon at polisiya patungkol sa pagpapatayo ng mga gusali sa bansa.
Ayon kay Sen. Raffy, isa sa mga pangunahing layon ng kanyang panukalang batas ang mapalitan na ang outdated Presidential Decree No. 1096 o ang kasalukuyang umiiral na “National Building Code of the Philippines” na noon pang 1977 naisabatas.
Sa paghahain ng SB No. 2159, ibinahagi ni Sen. Raffy ang napabalitang pagguho ng isang under-construction na siyam na palapag na gusali sa Brgy. Balibago, Angeles City, Pampanga noong May 24 kung saan nasa tinatayang 47 katao, na karamihan ay construction workers, ang nasa loob nito. Hanggang sa mga oras na ito ay patuloy pa rin ang search and rescue operations.



