INILUNSAD ng Department of Tourism (DOT), Department of Migrant Workers (DMW), at Intramuros Administration ang programang “Pasyal Pamilya” bilang pagtupad sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na higit pang mapalalim ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa kasaysayan at kultura ng bansa.
Nag-aalok ang DOT at DMW ng isang linggong heritage program, libreng guided tours at paglahok sa iba’t ibang aktibidad sa loob ng Intramuros para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang mga pamilya.
Layunin din ng programa na mabigyan ang mga OFW ng makabuluhang panahon kasama ang kanilang mga mahal sa buhay habang sila ay nasa Pilipinas.
Ayon kay Tourism Secretary Dita Angara-Mathay bahagi ang programa ng pagdiriwang ng National Migrant Workers’ Day tuwing Hunyo 7.
Ang “Pasyal Pamilya” ay tatagal hanggang Mayo 31 at bukas sa lahat ng OFWs at mga nagbabalik na migranteng manggagawa.
Maaaring magsama ang mga kwalipikadong kalahok ng hanggang apat na miyembro ng pamilya at makakuha ng libreng entrance at guided tours sa pagpapakita ng valid Overseas Employment Certificate (OEC) o OWWA membership ID. | PND



