INIULAT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na malaking tulong sa seguridad ng Pilipinas at paghahanda laban sa kalamidad ang pinalalakas na information sharing agreement sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Ayon sa Pangulo, kabilang sa pagtutulungan ng Pilipinas at Japan ang pagpapalitan ng mahahalagang impormasyon ukol sa weather forecasting, satellite data, smart cities, at iba pang teknolohiyang makatutulong sa bansa.
“We reinforced our continued commitment to the rule of law, to international law, to the UNCLOS for freedom of navigation in South China Sea,” ani Pangulong Marcos.
Nilinaw rin ng Pangulo na hindi lamang military intelligence ang saklaw ng information sharing ng Pilipinas at Japan.
“We’re talking about the weather, we’re talking about smart cities, we are talking about the satellite information that they have that we might not have,” saad ng Pangulo.
Ayon pa kay Pangulong Marcos, makatutulong ang weather at satellite information ng Japan upang mas mapalakas ang disaster preparedness at agricultural productivity ng bansa.
“Pinaka-importante din ‘yung weather sharing para weather forecasting kasi napakagaling na ng Japan tungkol sa meteorology,” pahayag ng Pangulo.
Dagdag pa ng Pangulo, mahalaga ito upang mas mapaghandaan ng bansa ang mga bagyo, malalakas na ulan, at epekto ng El Niño, lalo na upang maprotektahan ang mga magsasaka at matiyak ang sapat na food supply ng bansa. Mula sa ulat ng Presidential News Desk



