33.8 C
Manila
Miyerkules, Hulyo 22, 2026

DOLE, naghatid ng Tupad Tuloy Pasada para sa GenSan transport workers na tinamaan ng mataas na gasolina at epekto ng lindol

- Advertisement -
- Advertisement -

“IMBES na magkaroon kami ng income na tamang-tama lang, malaki pa ang mawawala sa amin dahil sa mahal na gasolina,” ulat ni Cristelito Pasaol, isang drayber sa General Santos City at miyembro ng Ladotransco.

Alinsunod sa direktiba ni Labor Secretary Francis Tolentino na palakasin ang Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged Workers (Tupad) Program mula sa pagiging panandaliang trabaho tungo sa isang mekanismong makatutulong sa mga manggagawa na makabangon at magkaroon ng mas matatag na kabuhayan, inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Tupad Tuloy Pasada para sa mga drayber at transport workers sa Soccsksargen.

Matapos ang sunod-sunod na hamon na kinaharap ng rehiyon — mula sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina hanggang sa epekto ng 7.8 magnitude na lindol, narito ang Tupad Program upang magbigay ng agarang tulong sa mga transport workers na lubhang naapektuhan.

Ang implementasyon ng programa ay bahagi rin ng patuloy na pagtugon ng DOLE sa pangangailangan ng sektor ng transportasyon sa General Santos City, kabilang ang mga komunidad na naapektuhan ng lindol at kasalukuyang humaharap sa tumataas na gastusin sa pamamasada dulot ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.


 

Sa Soccsksargen, kabilang sa mga benepisyaryo ang Ladotransco Multipurpose Cooperative, Water District Tricycle Operators and Drivers’ Association, Rajah Buayan Transport Cooperative, at Bulaong GFI Doctors TODA. Kinakatawan ng mga samahang ito ang mga public utility jeepney at tricycle drivers sa General Santos City na kabilang sa mga sektor na tinutugunan ng programa.

“Dagdag siya sa kita namin. Yung mga losses namin noong nakaraan, nabawasan kahit papaano. May panggastos na kami at pambili ng pagkain—iyan talaga ang pinakamahalaga sa lahat,” ani ni Philip Posion, isa ring drayber mula sa Ladontransco sa General Santos City.

- Advertisement -

Sa kasalukuyan, may 238 benepisyaryo ang programang ito sa Soccsksargen. Ang mga benepisyaryo ay magtatrabaho sa ilalim ng Tupad sa loob ng 20 araw at tatanggap ng sahod na P460 kada araw, bukod pa sa kanilang kita mula sa pamamasada.

Sa pamamagitan ng mga inisyatibong tulad nito, patuloy na isinusulong ng DOLE ang inklusibo at makataong pagtugon sa mga manggagawang nahaharap sa mga hamong pang-ekonomiya at pangkalamidad. Kaakibat ito ng layunin ng kagawaran na hindi lamang magbigay ng agarang ayuda kundi maglatag din ng mga oportunidad na makatutulong sa mga manggagawa at kanilang pamilya na magkaroon ng mas matatag at sustenableng kabuhayan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -