PUTOK ngayong linggo ang hamon na suntukan kay Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III ni Davao City Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte.
Ani Baste, kabisado na niya si Chief Torre, matapang lamang dahil nasa “position.” Para magkasubukan, wika niya, suntukan na lang sila.
Naging gawi na ng pamilya Duterte ang ganito, gamitin ang media upang pasikatin ang kanilang tapang. Natatandaan ninyo nang sa harap ng balana ay upakan ng noon ay mayor pa lang ng Davao City na si Sara Duterte ang sheriff ng siyudad dahil sa pagtangging hintayin siya bago isagawa ang isang demolition order. Walang nagawa ang kawawang sheriff kundi tanggapin ang banat.
Tiyak ang publisidad na nilikha ng insidente ay nakapag-ambag ng malaki sa popularidad ni Sara upang mahal na Bise Presidente. Hindi malayo na ang hamon ni Baste kay General Torre ay isa lamang sa maraming iba pang gimik upang makapang-akit ng mga tagasunod.
Pero kay General Torre, mukhang ang ganitong nakaugalian nang gawi ng mga Duterte ay nakahanap na ng katapat. Sa ordinaryong mga kalagayan, ang isang opisyal na kagaya niya ay mag-aastang maginoo at hahanap ng palusot upang makaiwas sa hamon ni Baste.
Mangyari pa, iyun nga ang inaasahan ng bise alkalde. Maliwanag naman na ang hamon ay ginawa hindi para makipagsakitan talaga kundi bilang pasabog lamang sa media. Subok na ang pamilya sa pasiklaban na hindi naman nagpapang-abot dahil pawang propaganda lamang.
Subalit patunay sa marangal na paghubog ng karakter na kanyang kinapalooban, buong gilas na hinarap ni General Torre ang hamon: “Sige.”
Imadyinin ninyo kung gaano kabigla si Baste. Ang kanyang pasiklab lamang ay tinotoo ng hinamon.
Ano ang gagawin niya ngayon? Hindi kaya siya magmukhang Tatay niya na sa maraming pagdinig sa Kongreso ay paulit-ulit na nagsabi na pag pumunta sa Pilipinas ang ICC (International Criminal Court) para arestuhin siya ay sisipain niya ito. Pero nang arestuhin na siya ni General Torre, meron ba siyang nagawa?
Tinanong ni Digong ang Heneral kung sino ang nag-uutos sa kanya at kakausapin niya. Sagot ng Heneral, “I am in command here.” Dugtong pa ni General Torre, “Three star na ako ngayon.” Sabay hila na sa dating presidente upang ipalipad sa Hague, Netherlands upang doon makulong.
Sa Hague, ang dati-rati na animo’y matapang na leon na kung makaatungal ay ganun na lang ay nagmistulang maamong tupa na. Nang hilingan ng ICC Judge na pangalanan ang kanyang sarili, buong pakumbaba na sumagot, “I am Rodrigo Roa Duterte.”
Nandito tayo ngayon kay Baste.
Ano na, ganyang tinanggap ni General Torre ang hamon mo?
Huwag mabahala si Baste. Tunay na maginoo, nilinaw ni General Torre na gusto lang niya na samantalahin ang pagkakataon upang makatulong sa mga sinalanta ng mga bagyong nagdaan. Araw-araw ay laman ng balita ang mga pinsalang dulot ng sunod-sunod na bagyo at mga pagbahang likha ng walang humpay na pag-ulan: mga winasak na tahanan at iba’t-ibang imprastraktura, mga taong dinapuan ng sakit at sakuna, ang lumaganap na gutom at paghihikahos, ibabaw pa ang mga binawian ng buhay.
Kaipala’y ang mga dusa’t hirap na ito ng sambayanan ang nagpaigpaw sa mga pag-aalala ni General Torre upang ang maitim na damdaming nagbunsod kay Baste upang manghamon ng suntukan ay maibaling sa isang busilak na pagpupunyaging makapaglingkod sa sambayanan.
Panukala ni General Torre, gawing 12 rounds ang exhibition match — walang ipinag-iba sa kararaang engkwentro ni Pacman kay Barios. Gagawin ang laban sa Linggo na, Hulyo 27.
Sa ideya ni General Torre, ang panukalang exhibition boxing match ay dadaluhan ng mga manonood na pawang mga magsisipagbayad.
Isipin ninyo nga naman ang kikitain ng palabas. Milyones din. Lalo pa kung totoong magiging panauhin sa okasyon ang Pambansang Kamao Manny Pacquiao, na presko pa sa kanyang tinablang pakikipagtunggali sa WBC Welterweight Champion na si Mario Barios.
Nasa kamay na ngayon ni Baste ang bola.
Maganda ang kontra-hamon ni General Torre. Malaking pagkakataon ang iniaalok nito sa kanya upang alisan ng makasariling pag-iimbot ang kanyang hamon kay General Torre at sa gayon ay patunayan ang kanyang tapang hindi sa pamamagitan ng kayabangan kundi sa ngalan ng busilak na makataong paglilingkuran.

