26.2 C
Manila
Linggo, Hunyo 14, 2026

Wakas ng kahambugan ng mga Duterte

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

Unang Bahagi

SA pagtatapos ng nakaraang linggo, tinotoo ni Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III ang kanyang pagtanggap sa hamon ng suntukan ni Davao City Vice Mayor Sebastián “Baste” Duterte. Kumpletos rekados ng isang tunay na boxing match ang nakalatag sa Rizal Stadium nang araw na iyun ng Linggo, Hulyo 27, 2025.

Di magkamayaw sa hiyawan ang libu-libong manunuod sa pagpasok sa arena ng pulis heneral, nasasaplutan na ng kasuotan ng boksingero at suot na ang gloves ng pakikipagsalpukan nang umakyat sa ring bilang tugon sa anunsyo ng announcer: “Ang hinamon – Philippine National Police Chief, General Nicolas Torre III.”

Masigabong palakpakan at hiyawan ang gallery, habang umiikot sa ring ang heneral, na animo’y si Pacman sa pagsaludo.

Sa paligid, ang mga alagad ng media taglay ang kanya-kanyang kagamitan sa pagbabalita.


Subalit sa pag-anunsyo sa nanghamon, walang pumagitna ni anino ng Baste.

Gabi pa lamang ng araw na iyun, laman na ng mga balita na si General Torre ay iprinoklama na nagwagi sa boksing by default.

Sa SONA ng Pangulo kinabukasan, si General Torre ay ipinahayag na Champion ni Presidente Ferdinand Marcos Jr.

Maliwanag ang intensyon ni General Torre nang magpasyang tanggapin ang hamon ni Baste: gamitin ang pagkakataon upang makalikom ng pondong pantulong sa mga nasalanta ng mga nagdaang sama ng panahon.  At ayon sa balita, umabot sa P16 milyon ang kinita ng event na agad ay naidonate sa DSWD.

- Advertisement -

Sa ganang kolum na ito, ang pinakamalaking tagumpay na natamo ni General Torre sa episodang iyun ay ang ilantad kung gaano na kalawak ang inabot ng kahambugan ng mga Duterte — sukdulang  bastarduhin ultimong mga sagradong institusyon ng republika.

Sa isang hearing sa kongreso, tinanong ang Tatay Duterte kung handa ba siyang pumirma ng waiver tungkol sa kanyang mga bank accounts ayon sa hamon ni Dating Senador Antonio Trillanes IV. Sa pamamagitan ng waiver, magkakaroon ang senado ng karapatang buksan ang laman ng kanyang mga bank account na inaasahang magbubulgar sa mga nakaw na yaman.

Angas ni Digong, “Anong kapalit niyan (pagpirma ng waiver)? Sampalin ko siya sa publiko?” Sabay ambang babalibagin ng mike si Trillanes. Awat naman agad ang malalamig ang ulo sa kanyang paligid.

Sa dulo ng bangayan, pumayag si Trillanes na pasampal kung pipirma muna si Digong sa hinihinging waiver.  Hindi pumirma si Digong.

Sobra nang nahalina ng mga Duterte ang malaking bahagi ng sambayanan. Kada pakulo ng pamilya, sakay agad ang marami. At sa maniobra ng bayarang sektor ng media, ang propaganda lamang ng mga Duterte ay lumilitaw na siya na ngang totoo.

Hindi gawang biro ang minsang lantarang pahayag ni Bise Presidente Sara Duterte na kinausap na niya ang isang gun for hire na oras na may masamang nangyari sa kanya, patayin sina Presidente Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at Speaker Martin Romualdez.

- Advertisement -

Hindi ba napakalaking paghahambog niyan? Bise presidente kang naturingan, kung makaasta ka ay parang God Father ng higanteng Mafia. Pero huwag ka, oras na makatagpo ng katapat, todo atras din naman. Tulad ng ginawa ni Baste, sagsag papuntang Singapore upang makaiwas sa pagtanggap ni General Torre sa kanyang hamon ng suntukan.

Punta ngayon tayo sa hatol ng Korte Suprema na unconstitutional ang articles of impeachment na isinumite ng House of Representatives sa Senado laban kay Bise Presidente Sara.

Nauna pa rito ay ang pang-uuyam ni Sara na mas masakit pa ang iwanan ka ng boyfriend kaysa maimpeach.

Kulang na lang na sabihing, “Impeachment? Wala yan.”

At sa pagitan ng pagsara ng Ika-19 na Kongreso at pagbukas ng Ika-20, palakas nang palakas ang alingawngaw na ang impeachment ni Sara ay mauuwi lamang sa wala.

Sa kanyang palatuntunan sa telebisyon, buong tapang na ipinahayag ni bagong senador Rodante Marcoleta na “walang mangyayari sa impeachment na iyan.“

Inasahan ko na sa senador ang paninindigan na iyon. Sa National Rally for Peace na isinagawa ng Iglesia ni Cristo sa pagsisimula ng taon, siya ang bukod tanging nag-iisang politiko na nagsalita sa pagtitipon at kalakhan sa kanyang talumpati ay sumentro sa usapin ng noon pa lamang ay panukalang impeachment ni Sara. Kontra na siya rito. Ngayong senador na siya, ang matapang niyang paniguro na walang mangyayari sa impeachment ng Bise Presidente ay ipinapagkahulugan ko na resulta ng bilangan ng boto sa impeachment trial na gagawin ng senado: abswelto si Sara.

Walang-wala sa aking hinuha na noon pa lang ay alam na ng senador na ang impeachment ni Sara Duterte ay idedeklarang unconstitutional ng Korte Suprema!

Sa bawat nananalig sa hustisya, ito ay totoong nakakasulasok.

Ang kataas-taasang sandalan ng katarungan, nahalina na rin sa kahambugan ng mga Duterte.

May karugtong

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -